Untitled Part 17

966 34 2
                                    


BAWAL daw sirain ang damit. Kaso ay hirap talagang gumalaw si L'aq'n. Masikip. Sinubukan uli niyang itaas ang mga kamay. Hindi talaga niya magawa nang maayos dahil balot ang balikat niya at itaas na braso. Winasak na lang uli niya.
Tumawag ang Dinapuan sa labas ng silid. "Lakan? Okay ka na?"

Binuksan niya ang pinto.

Nanlaki ang mga mata ng Dinapuan. "Hala ka! Sinira mo na naman." Hinawakan nito ang siko niya at itinaas ang kanyang kamay. "Tinastas mo ang kilikili?!"

"Hindi ako makagalaw, eh. Ngayon, puwede na." Ikinampay niya na parang pakpak ang mga braso.

"Patay ka sa mamay."

"Ha?"

"Anong ha—" Natigilan ang babae, napamasid sa kanyang mukha at muli ay parang nabatubalani. Parang ayaw nang kumurap ng Dinapuan kapag napapatingin sa kanya. At natutuwa siya doon. Gusto niyang sa kanya lang nakatingin ang Dinapuan.

"Uh—" sabi niya. Ano ang itinatanong nito?

"Ah, ano... Ano nga? Hindi... kasi... natakot ka yata sa sinabi ko."

"Ayokong mamatay."

"Hindi naman 'yon ang ibig kong sabihin. Parang ano lang 'yon, bukambibig. Patay ka sa mamay, ibig sabihin, lagot ka... gano'n... magagalit ang mamay. Exagge lang, gano'n kami, lalo na dine sa Batangas."

"Eksads." Panibagong salita.

"Exaggerated."

"Ano 'yon?"

"English. Ng ano... ng exagge." Ngumisi nang alanganin ang Dinapuan.

"Sigurado ka ba?" tanong niya.

"O-oo. Hayaan mo na 'yong exagge." Umupo sa silyang nasa tabi ng bintana ang Dinapuan. "Kuwentuhan mo pa 'ko tungkol sa... sukod n'yo. 'Yong mga puno, mga hayop... 'yong alaga mo 'kamo, si Kune—"

"Kunig." Umupo sa kama si L'aq'n pero agad ding tumayo. Mahirap ding umupo dahil sa suot niya. Nakabalot ang kanyang mga hita at binti, masyado pang mabigat ang mga hiblang ginamit. "Nahihirapan akong maupo sa damit na ito." At sa halos lahat ng damit na ipinapasuot sa kanya.

"Hilahin mo nang kaunti pataas, ganire—" Tumayo ang babae. Kagaya rin ng sa kanya ang suot nito, iba lang ang kulay—itim—at parang mas manipis at malambot ang mga hibla, pero mas masikip. Hinaltak nito pataas sa bandang hita ang suot at saka naupo.

Ginaya niya. Oo nga, medyo umalwan, hindi na masyadong ipit ang pakiramdam. Pero masikip pa rin at mabigat. Maong daw iyon.

"Pasensiya ka na muna. Kaya nga kita pinagbihis kasi, pamayamaya, 'pag hindi na mainit, pupunta tayo sa palengke. Nakahiram na ako ng pera sa Bumbay, ibibili kita ng damit, 'yong kasya sa 'yo, para hindi ganyan. Kakaawa ka naman."

"Humiram ka sa?" Ngayon lang niya narinig ang Bum-bay kagaya ng eksads.

"Sa Bumbay. Nagpapautang ng pera ang mga 'yon."

"Ah, nilalang din sila. Ano ang anyo ng Bum-bay?"

Tumawa ang Dinapuan. "Kagaya rin namin. Tao. Galing sila sa India. Bansa 'yon. Maraming bansa dito sa mundo. Kanya-kanya ng bansa—country—ang mga tao."

"Bakit wala sa bansa—kawntri—nila ang bumbay?"

"Eh, gano'n talaga ang mga tao. Dumadayo sa iba't ibang bansa, nakikipagsapalaran. Kung saan nanggaling na bansa, do'n kinukuha ang tawag sa mga tao. Kagaya namin, nasa Pilipinas. Ang tawag sa amin, Filipino... Ahm, may ES 'pag lampas sa isa ang bilang, ha. Walang ES 'pag isa lang. Tandaan mo 'yan."

E N G K A N T OWhere stories live. Discover now