Untitled Part 43

584 25 0
                                    


"ISIPIN mong mabuti, Lakan. Sumama ang pakiramdam mo, 'tapos... 'tapos biglang magaling na ang tuli mo. Hindi puwedeng walang explanation—"

"Natatakot ako sa mga dahilan, Bechang." Sa balikat na niya nakahawak si Lakan.

"H-ha? Bakit?" Sa kamay na lang ni Lakan na nasa kanyang balikat siya tumingin. Hindi niya masalubong ang tingin nito. Nanunuot. Parang hindi kukurap hangga't hindi nakikita ang gustong makita. At ang gusto nitong makita ay ang mga bagay na ayaw niyang ipakita kahit kanino... mga bagay na maski siya, ayaw makita.

"Dahil mahal kita. Sa 'yo ko naramdaman ang... laska."

"Lak—sa?"

"Laska. Pag-ibig. Hindi lahat ay nararamdaman ang ganitong damdamin. Ang laska ay walang katapusan... walang simula. Mailap sa mga naghahangad—mahal mo rin ako."

"Eh... Lakan—hindi gano'n kadali 'yon—" Halos nakadikit na sa pisngi ni Bechang ang bibig ni Lakan, nakakapaso ang mainit nitong hininga. Init na gusto niyang tikman.

"Natatakot ka. Huwag kang matakot sa laska."

"Uh—" Bakit nito alam? Nababasa nga ang isip niya. Pati siguro kaluluwa.

"Bakit ayaw mong maramdaman ko?" tanong uli nito.

"Ah—" usal lang uli ni Bechang. Napatitig na lang siya kay Lakan.

"Hindi ko maintindihan," sabi pa nito. "Mapalad ang makaramdam ng laska. Bakit mo ikinukulong? Bakit mo itinatago?" Mas ibinaba pa nito ang mukha sa kanya, halos magkadikit na ang mga ilong nila...

Pumikit na lang si Bechang nang maramdaman ang mga labi ni Lakan sa kanya. Tinanggap niya. Hinayaan. Hanggang sa nakayakap na rin siya rito at tinutugon ang maalab nitong halik.

Tinutugon?

Napasinghap siya. "Lakan!"

"Wala na ang sumpa," sagot nito at muli siyang siniil ng halik. Hindi niya maintindihan kung paano yayakap nang mas mahigpit kay Lakan. Gusto niyang maramdaman... maangkin ang buong katawan nito. Gusto niyang ibigay ang sarili. Hindi siya kayang pigilan ng takot sa Mamay Berto, maging ng kahihiyan man.

"Lakan—" daing niya, hinila ito papunta sa higaan.

Kumalas ito sa kanya. "Hindi ko puwedeng angkinin ang nakakulong na damdamin."

"Ha?"

"Huwag mong ibigay sa akin ang katawan mo kung sarado ang damdamin mo."

Nangilid ang luha ni Bechang. "Natatakot ako dahil ang magagandang bagay dito sa mundo namin, hindi nananatili, Lakan. Kahit gaano mo pa kagusto... kamahal ang isang tao, nawawala sila sa 'yo. Sa isang iglap." Nalaglag ang luha niya. "Sa isang iglap. Kahit hindi ka pa kumukurap, nawawala na sila."

Iniaabot lang niya ang posporo sa kanyang tatay, bigla na lang itong natumba sa tabi ng pampasada nilang jeep. Hindi pa niya naiintindihan ang nangyari. Napamasid lang siya sa ama. Parang nagulat din ang mukha nito. Parang gustong bumangon. Pero bigla na lang parang tumigil ang lahat.

Isang iglap.

May tatay pa siya bago siya kumurap.

Pagkatapos... wala na.

May pumutok daw na ugat sa ulo ng tatay niya.

Sabi ng mga tao, huwag daw siyang masyadong malungkot dahil may nanay pa naman siya.

Pero sa isang iglap, nawala rin ang nanay niya.

"Binantayan ko siyang mabuti sa ospital. Sabi niya, hindi siya aalis. Pero hindi ko na kayang maniwala. Ayokong matulog dahil ayokong pumikit. Ayokong mawala siya sa paningin ko dahil alam ko, 'pag nangyari 'yon, maiiwan ako. Mahal na mahal daw niya ako pero... hindi na siya kumukurap. Hindi na niya ako nakikita. Wala na rin siya. Mas gusto niyang kasama si Papa kaysa sa 'kin, hindi siya lumaban—iniwan niya 'ko—"

Naaksidente ang sinasakyang owner-type jeep ng kanyang nanay. Dinala ito at ang mga kasama sa ospital. Sumailalim sa operasyon ang nanay niya pero sa ikatlong araw sa ospital, binawian na rin ng buhay.

"Sobrang sakit, Lakan." Hanggang ngayon, nararamdaman pa ni Bechang ang sakit. Bigla-bigla iyong dumadating, sinasakmal ang puso niya. "Wala kasing makakapantay sa yakap ng nanay at tatay ko. Gustong-gusto kong maramdaman pero alam ko na hindi na mangyayari. Naiintindihan kita. Alam ko kung gaano kasaya, kasarap sa pakiramdam kapag kasama mo 'yong mahal mo. Pero alam ko rin kung gaano kasakit 'pag nawala sila dahil hindi ikaw ang magdedesisyon kung sino lang ang dapat maging masaya.

"Hindi ako 'yon. Wala akong karapatan... dahil kung meron, bakit sila nawala? Kagustuhan daw 'yon ng Diyos. Bakit 'yon ang gusto Niya para sa 'kin? Dahil... hindi ako mabait, hindi ako masunurin. Kaya siguro sa 'kin dumapo ang Hubri... 'Yon ang bagay sa kagaya ko. Sumpa.

"Bumalik ka na lang sa mundo mo kung... kung... baka doon mo lang ako kayang kalimutan."

"Hindi mo alam ang sinasabi mo."

"Sorry, hindi ko alam 'yong laska... wala ako n'on." Dinaklot ni Bechang ang kanyang dibdib. "Wala dito n'on. 'Yong gusto mong angkinin, hindi ko maibibigay dahil hindi ko alam kung ano 'yon."

"Buksan mo ang mga mata mo."

"Nakabukas ang mga mata ko. Nakikita ko. Alam ko. Pati isip ng mga tao, nababasa ko dahil sa Hubri. Walang laska dito sa mundo namin."

Hinaplos ni Lakan ang pisngi niya. "Pabayaan mong ipakita ko sa 'yo."

"May nakikita ka na hindi ko nakikita?"

"Walang pinipiling sukod ang laska. Mali ang luha mo."

"Paano naging mali ang luha?"

"Nasa 'yo ang sagot." Hinalikan siya ni Lakan sa noo. "Magpahinga ka na. Pagod ang isip mo."

E N G K A N T OWhere stories live. Discover now