Untitled Part 71

496 21 4
                                    


NAGPAPAHINGA sa balkonahe si L'aq'n nang makita ang paparating na kemira. Lulan ang Dinapuan at itinuturo siya. Ilang saglit pa ay ibinaba ito ng kemira sa balkonahe.

"Whew! What a ride," wika ng babae. Hinaplos ang ulo ng kemira. "Salamat, Josh."

Nang lumipad palayo ang kemira, saka lang lumapit sa kanya ang babae.

"Uh, hi," bati nito.

"Hi," ulit din niya. Pagbati iyon sa sukod ng mga ito.

"Uh, hindi ka galit?"

Hindi nauunawaan ni L'aq'n ang tanong. "Walang galit sa Daang Adomina."

"Talaga? Eh, di okay? Na-realize mo na tama ako. Wala nang galit dahil nanaig ang kabutihan laban sa kasamaan."

Hinayaan na lang niya ang Dinapuan sa sinasabi. Naramdaman niya si Inang-Lupa sa kanyang likuran.

May sinabi sa kanya. Sinagot niya. Tumingin siya kay Bechang dahil alam niyang hindi nito nauunawaan ang lengguwahe nila.

"Si Inang-Lupa. Tinatanong niya kung sino ang kausap ko. Sabi ko, si Bechang, ang Dinapuan sa kabilang sukod."

"Ah," tango ng Dinapuan at pinagdaop ang mga palad, yumuko kay Inang-Lupa. "Ikinagagalak ko ho kayong makilala, Mahal na Reyna. Ang ganda naman ho ng lugar n'yo. Ang galing n'yo sigurong reyna."

Isinalin ni L'aq'n sa kanilang wika ang sinabi ni Bechang. At isinalin naman niya sa wika nina Bechang ang sinabi ni Inang-Lupa.

"Huwag mo siyang tawaging reyna. Walang sino man ang may karapatang pamunuan ang kanyang kapwa. Bawat isa ay pinuno at kawal ng kanyang sarili. Bawat nilalang ay pantay-pantay."

Parang napaatras si Bechang. "Eh, ikaw? Magiging hari—Hakim ka, 'di ga?"

"Gaya ng sinabi ko, bawat nilalang ay pantay. Walang isinilang para maging mas mataas o mas mababa sa kanyang kapwa."

"Uh... Hindi ko yata ma-gets, Lakan. Kung hindi reyna ang nanay mo at hindi ka rin magiging Hakim, sino ang magpapatakbo ng emperyo?"

"Hindi kailangan ang pinuno para mabuhay ang mga nilalang."

"At ba't ganyan ka magsalita?"

"Nagdaramdam ka sapagkat galing ka sa kabilang sukod. Hindi lubos ang pananaig ng Adomina doon."

"Ha? Ano'ng nangyayari, Lakan? Bakit... bakit... para kang robot?" Lumapit sa kanya ang Dinapuan, pinisil ang pisngi niya. "Ngumiti ka nga. Tumawa ka nga." May masidhi itong emosyon ngunit hindi niya alam kung ano iyon.

"Ang mga bagay na iyan ay ginagawa lamang sa inyong sukod sapagkat doon may luha at kalungkutan."

"Dito? Wala?"

"Walang luha at kalungkutan sa Daang Adomina. Tanging pagtanggap."

"P-paano—" Tumalikod ang Dinapuan, umikot, naglakad. At huminto muli sa harap niya. "Lakan, ang Hubri—ito ga 'yon? Ito ang resulta ng paghina ng Malus?"

"Dahil sa iyo, lumakas ang Adomina."

"Oo nga. Pero bakit ganito? Bakit wala kayong emosyon lahat? 'Yong mga babae, mga bata... pati ang nanay mo... ikaw... wala ka bang nararamdaman?'

"Pagtanggap."

"Ng ano, Lakan?" Yumakap ito sa kanya. "Hindi mo ba nararamdaman? Mahal mo ako sabi mo... Mahal din kita. Nagmamahalan tayo—"

"Mahal kita. Mahal ko ang bawat nilalang."

"Hindi 'yong gano'n, Lakan. 'Yong... 'yong laska."

"Ang laska ay alamat. Likha ng mga eskribang may Malus noong unang panahon."

"Eh, ba't sabi mo? Hindi mo ba natatandaan 'yong mga sinabi mo sa 'kin n'ong nando'n tayo sa amin? Sabi mo, maniwala ako sa laska. Nararamdaman mo ang laska."

"Dahil sa Malus na nasa inyong sukod ang lahat ng iyon, Dinapuan." Iyon lang ang naiisip na paliwanag ni L'aq'n. Natatandaan niya ang lahat ng nangyari, ang lahat ng mga sinabi ngunit hindi niya nararamdaman.

"Lakan... hindi mo na ako mahal?"

"Mahal ko ang bawat nilalang, Dinapuan. Iyon lamang ang nilalaman ng aking damdamin."

Napailing si Bechang, saka niyakap at siniil ng halik sa mga labi si L'aq'n. Malikot ang mga labi ng babae. Ibinuka pa ang bibig niya. Hinayaan lang niya. Gawin nito ang nais gawin. Hindi niya pakikialaman.

Hanggang sa bumitiw na ito sa kanya.

May umagos na luha sa mga mata.

"Hindi sila nakakaramdam ng kaligayahan dahil hindi rin sila nakakaramdam ng kalungkutan," sabi pa ni Bechang.

Tumango ako. "Sabagay nga. Aanhin mo ang ligaya kung hindi ka naman malungkot?"

"Pero 'yon mismo ang malungkot," sabi niya.

Dinutdot ko ang noo niya. "Kasi may Malus ka!" Sabay tawa. Pero... ano nga kaya ang pakiramdam ng walang pakiramdam? "Eh, saka at least, alam mo na hindi ka naman niya ipinagpalit kaya nagkagano'n."

"Pero masakit pa rin. 'Yong 'pag tinitingnan ko siya... kontentong-kontento siya sa buhay, mas bumata 'yong hitsura niya dahil... Alam mo 'yon? Nawala 'yong... 'yong... kung ano siya—"

"Personality? Character?"

"Oo, parang gano'n. Lahat sila."

"Hindi kasi namomroblema. Walang stress." Sumubo ako ng salad. "As in, sa isang iglap, gano'n na silang lahat?"

"Ang weird. Kasi, sa pananalita ni Lakan, hindi nila alam na nagbago sila. Na parang feeling niya, gano'n na sila eversince."

E N G K A N T OWhere stories live. Discover now