Untitled Part 32

615 21 0
                                    


NASA sala si Bechang, nakaupo sa bagong upuan—dinala iyon sa bahay nang nakaraang araw. Malambot. Maraming unan. Kakulay ng kapeng may gatas.

Naupo si L'aq'n sa tabi ni Bechang.

"Mabuti naman at naalala mo pang umuwi," sabi ni Bechang habang sa hawak na selpon nakatingin. Mula nang bilhin nito iyon noon pang pagkauwi nila galing sa Maynila, ayaw nang bitiwan. Lagi na lang hawak-hawak.

"Bilin ng inay umuwi ako ng alas-siyete. Magluluto siya ng 'pageti."

"Spaghetti. Luto na, kain na do'n."

"Ikaw?"

"Mamaya na 'ko. May kausap pa 'ko."

"Ha? 'Asan?"

"Si tangengot ka. Di ga, in-explain ko sa 'yo 'yong chat dito?" tukoy ni Bechang sa selpon. "May ka-chat ako. Gusto mo ga? Ibibili kita para makapag-FB ka. Kaso—" Tumawa ito at bumulong. "Hindi ka napipiktyuran."

"Sino?"

"Ha? Ikaw—sa Facebook kasi nagse-sel—"

"'Yong chat mo," sabi niya. "Tangengot ka."

Tumawa si Bechang. "Sira ka. Gaya-gaya, puto-maya." Suminghot ito. "Ikaw 'yon? Amoy-alak ka. Nag-inom ka?"

"Oo. Sa ilog." Kasama uli ni L'aq'n sina Buknoy. Nagbasketbol uli sila, nanalo sila dahil marami siyang na-shoot. Tuwang-tuwa si Buknoy, uminom daw sila sa tabing-ilog.

"Lasing ka? Nahilo ka?"

Umiling siya. "Hindi."

"Mabuti. Pero 'wag kang inom nang inom, ha. Minsan lang. Mapapagaya ka sa mamay 'pag lagi kang nag-iinom." Itinaboy na naman siya ni Bechang. "Lakad na do'n, kumain ka na ng spaghetti, saka may puto pa." Dinudutdot nito nang dinudutdot ang salamin ng selpon.

"Sino nga 'yan?" giit niya, siniksik si Bechang. Hindi naman ito umalis maghapon pero para na ring wala dahil sa selpon.

"Si Nikko, 'yong tagabangko. Friends na kami sa Facebook."

Kandayuko si L'aq'n para masilip ang selpon. "'Yan?" Dinutdot niya ang larawan.

Dinutdot din iyon ni Bechang. May lumitaw na mas malaking larawan. Lalaki. May buhok sa itaas ng bibig.

"O, 'di ba, guwaping. Bigotilyo," sabi nito.

Hindi niya maintindihan. Parang nagmamalaki si Bechang. Bakit?

"Ganyan ka makatingin?" tanong nito.

"Ipinagmamalaki mo siya sa akin."

"Hindi naman. Natutuwa lang ako sa kanya."

"Bakit?"

"Eh, sa natutuwa ako. Sabi niya, maganda daw ako. Gusto daw niya akong makilala nang lubusan."

"Bakit?"

"Eh, baka type niya ako. Gusto niya ako."

"Gusto din kitang ganoon." Kasama. Kausap. Katabi sa upuan. "Pero 'yan, hindi ko gusto."

"Eh, kasi lalaki ka din. Ibig sabihin, hindi ka beki."

"Hindi ako beki at hindi ko gusto 'yan na gusto ka."

"Nagseselos ka?"

"Hindi ko alam 'yon."

"Selos, hindi mo alam?"

"Hindi."

"'Yong ano, 'yong tao—nilalang—na gusto mo, gusto mong ikaw lang ang ginugusto. Ayaw mo na may kakausapin siyang ibang lalaki."

"Nagseselos ako," tango ni L'aq'n. Alam niya ang damdamin. Iyong salita ang hindi niya alam. Tumahimik si Bechang. Siniko niya. "'Wag mo 'yan i-chat para hindi na 'ko magselos."

"Sorry. Kasi naman, parang... ang saya kasi na may nagkakagusto sa 'kin ngayon. 'Tapos, hindi istambay. Basta. Feeling ko, ang ganda ko. For the first time."

"Hindi mo alam na maganda ka?"

"Hindi ko siguro napi-feel dati. Sa dami ng problema. Saka, hindi naman ako nakakapag-ayos noon. Hindi ako makaporma ng gusto ko, wala akong pambili masyado. Ngayon lang... parang ngayon ko lang nararamdamang mabuhay talaga."

Hindi nagsalita si L'aq'n. Wala siyang maisip na sabihin. Si Bechang ay mukhang nag-iisip din.

"Kakain na 'ko ng 'pageti," sabi niya. "Gusto ko rin ng kok."

"Aba, ikaw na ang kumuha. Meron sa ref."

"Tinatanong lang naman—" Kinukuha ni L'aq'n ang inumin sa rep nang umalingawngaw ang selpon ni Bechang. Kumabog ang dibdib niya sa gulat. Si Bechang ay parang sinuwag ng vulpa ang pang-upo. Taranta pero nasisiyahan ang boses.

"Huy, ano ga?" tanong nito sa selpon, parang may bungisngis na kasama. "'Eto, kakain pa lang. Ikaw po?"

Hindi na nakatiis si L'aq'n. "Sino ang kausap mo? 'Yong may buhok sa bibig?"

"Sshh!" saway sa kanya ni Bechang.

"Sino nga?" Malakas na ang boses niya, ibinagsak ang pinto ng ref.

"Si Nikko nga. 'Wag kang maingay diyan," asik ni Bechang. Sabay mabilis na lumabas ng pinto.

Hindi papayag si L'aq'n. Sumunod siya sa labas. Hindi niya maipaliwanag ang kilos ni Bechang. Kasasabi lang niya na nagseselos siya...

Nasa may sampayan ng mga damit si Bechang. Wala na sa tainga ang selpon, nasa likod pareho ang kamay, nakangisi sa kanya.

"Halika dito," tawag nito.

Lapit agad L'aq'n.

Huli na nang malaman niya ang gagawin ni Bechang. Agad itong tumiyad paglapit niya at hinalikan siya sa mga labi.

"'Yan, ganyan ka muna." Tinapik-tapik nito ang ulo niya. "Love mo naman ako, 'di ga? Intindihin mo na lang."

Ribbit. Hindi iintindihin ni L'aq'n. Mali ang ginagawa ni Bechang.

"Malandi ka pala, eh," sabi ko habang naglalakad kami.

Tumawa si Bechang. "Oo nga. Hindi ko mapigil, eh. Hindi ko naman naranasang maligawan talaga. Kadalasan 'yong mga... palipad-hangin lang ng mga tambay. Tipong, kung maniniwala ka, de bahala ka."

"Nababasa mo... I mean, naririnig ang totoo nilang motibo."

"'Yon din," tango nito. "Ang babastos. At least si Nikko, walang gano'n. Sosyal pa. Lasal nag-aral."

Nababasa pa kaya ni Bechang lahat ng iniisip ko tungkol sa kanya? Ayokong itanong. Natatakot ako, sa totoo lang. Ayokong maprangka. Isa pa, kahit naman kung ano-ano ang naiisip ko, enjoy naman akong kausap ang babaeng ito.

Nakaka-excite ang kuwento niya.

"'Asan na ang uban mo?" tanong ko na lang.

Tumingin siya sa akin, ngumiti. "Darating tayo diyan."

E N G K A N T OWhere stories live. Discover now