Untitled Part 23

671 23 1
                                    


HINDI makapaniwala si L'aq'n sa nakikita sa mga salaming kahon. Mga bato sa Dagtum na idinikit... isinama sa mga metal. Nakahilera ang mga iyon, parang ipinagmamalaki.

"Ang gaganda—" Hangang-hanga rin ang Dinapuan—si Bechang. Huwag na raw niya itong tawaging Dinapuan. Nangako siya, kapalit na isasama siya sa pagluwas nito. Ayaw niyang mawalay sa babae.

Hindi makasang-ayon si L'aq'n sa sinabi nito. Oo nga at mapang-akit sa paningin ang mga bato at metal, pero hindi niya maramdaman ang kahalagahan ng mga ito. Hindi niya maintindihan kung bakit parang gustong-gusto iyong maangkin ni Bechang.

Naramdaman yata nito ang pagtataka niya, bumulong. "Alahas ang mga 'yan. Jewelry. Mahal 'yan. Mayayaman lang ang nakakabili ng mga ganyan... Aahmm, isinusuot kasi 'yan, pampaganda... palamuti sa katawan, tineterno sa damit. Gano'n."

"Nakita ko. Kanina. Nakabaon sa tainga ng babae, nakasuot sa braso, nakasabit sa leeg."

"O, 'di ba, lakas makasosyal 'pag maraming alahas?"

"Sos-yal?"

"'Yong ano, mukha kang maraming pera. Yayamanin."

"Gusto mong maging kaparis n'ong babae?" Pumasok lang ang babae sa isang pinto, dala ang batong-puraw na ibinigay niya kay Bechang.

"Oo ba."

Lalong nanggilalas si L'aq'n, pero kung iyon ang gusto ni Bechang, igagalang niya at tatanggapin. Mahalaga ang mga kagustuhan ng Dinapuan.

"Kumain ka nang marami," payo niya.

"Huh?" tanong nito.

"Gusto mong maging majubis, 'di ga... ba?"

"Maju— Kalimutan mo na nga 'yong salita ng mga diyosa. Saka hindi 'yong taba ni Madam ang sinasabi ko—"

"Sabi mo, gusto mong maging gano'n." Pabilog ang katawan, mas mababa kay Bechang, mas matanda. Kung bakit gusto ni Bechang maging ganoon, si Inang-Buhay lang ang nakakaalam.

"Hindi 'yong katawan, tange. 'Yong yaman lang. Gusto ko lang magsuot ng maraming alahas."

Hindi pa rin maunawaan ni L'aq'n. "Gusto mong tumanda."

"Ha?"

"'Yong ninang mo, may alahas din. Matanda. At natatandaan ko na, naalala ko, si Ka Susan na inutangan mo ng bigas, may alahas din. Matanda din 'yon. Ang madam, matanda din."

Napamasid sa kanya si Bechang, mayamaya ay tumango. "Oo nga. May point ka diyan. Lakas makasosyal ng alahas, lakas ding makamatrona." Dumukwang ito nang bahagya sa salaming kahon, tumingin sa pinto sa kabila niyon kung saan pumasok ang majub—mabilog na ale. "Ang tagal naman ni Madam Mabeth."

"Saan niya dadalhin ang bato? Gagawin niyang alahas?"

"Hindi pa. Susuriin niya kung totoong diamond. 'Pag napatunayan niyang totoo, bibilhin niya. Yayaman na kami."

"Bakit hindi kayo pantay?" tanong ni Lakan.

"Paanong hindi pantay?"

"Hinahati mo ang kapwa mo. 'Yong iba, sinasabi mong mahirap. 'Yong iba naman, sinasabi mong mayaman."

"'Yon talaga ang lipunan namin. May mga taong mas maraming pera, mayaman sila."

"Bakit?"

"Dahil nga sa pera."

"Eh, di ibigay na lang 'yong pera sa walang pera. Pantay na."

"Hindi gano'n 'yon. 'Yong mararaming pera, hindi nila ipapamigay ang pera nila. Pinaghirapan nila 'yon. 'Yong iba naman, sakim lang talaga."

E N G K A N T OWhere stories live. Discover now