Untitled Part 55

557 19 0
                                    


"INIHAHANDA pa siya ng mga nurse niya para sa 'yo." May itinapat na bagay si Gigi sa kurtina, nahawi iyon. Pagkatapos ay binuksan nito ang pintuang salamin at lumabas sa balkonahe. "For a Norwegian, impressive ang Tagalog mo."

"Pilipino ang aking ina," sagot ni L'aq'n, lumabas din sa balkonahe, dumungaw sa pasimano. Naalala niya ang Nalla sa kinaroroonan. Mahilig tumanaw sa balkonahe si Inang-Lupa. Nag-iisip. Nangangamba at nagdududa sa kakayahang mamuno sa buong emperyo.

Hindi siya makapaniwala noong ipinapaliwanag sa kanya ni Bechang ang tungkol sa Norway at sa iba pang bansa sa sukod na iyon. Mga bansa na may kanya-kanyang pinuno at pamunuan.

Samantalang si Inang-Lupa lang ang namumuno sa buong emperyo ng Nalla. Silang lahat ay Nalla. Ano mang anyo, ano mang uri. Gaano man kalayo o kalapit ang lupa o tubig na tahanan.

Ngayon ay naiintindihan na ni L'aq'n ang mga pangamba ni Inang-Lupa. Napakalaki ng emperyo, napakaraming nilalang. Naiintindihan na niya ang mahal na reyna dahil bilang sunod na Hakim, nasa dibdib at isipan na rin niya ang mga pangamba... at higit pa.

Kailangan talaga siya sa emperyo.

Basta na lang sumagi iyon sa isip ni L'aq'n. Walang babala. Nakatitig siya kay Bechang noon, wala siyang gusto kundi ipaintindi sa babae kung ano ang laska. Napatingin siya sa buhok nito.

Hubri.

At kusa na lang naisip ni L'aq'n kung bakit taglay iyon ni Bechang. Alam na niya kung bakit siya naroroon sa sukod na iyon. Sa isang iglap ay alam na niya ang mga sagot sa mga katanungan.

Bigla siyang may naramdaman sa kanyang braso. Ang babae... si Gigi. Dumikit sa kanya.

"Paano mo nasasabi na napagaling mo na ang isang tao... nasasabi mo ba?" tanong nito.

"Hindi," sagot niya.

Humawak na sa braso niya ang babae. "You're really fascinating, Lakan. Iba ka, eh. There's... something. I know it sounds crazy but in some ways you remind me of the senator."

Alam ni L'aq'n na hinahaplos ng babae ang braso niya, parang gusto siyang paharapin dito, pero balewala iyon sa kanya.

Ipinatong siya ni Layna sa altar na hitik sa mga bulaklak ng hangin. Iniharap sa kanya ang salamin. Nagimbal siya sa kanyang anyo. Hindi agad niya nakilala kung anong nilalang ang nakikita sa salamin. Marahil ay itinatanggi ng isip niya ang katotohanan. Dinadaya lang siya ng salamin. Hindi siya isang mugi na pinandidirihan ng lahat.

"You want a drink? Let me get us something—" Bumitaw sa kanya si Gigi.

Nang muli siyang tumingin sa salamin, hindi na mugi ang nakikita niya. Si Runo. Tumatangis sa batuhang nakaharap sa talon.

"Estella, patawad... Estella..." paulit-ulit na sinasabi ni Runo.

Dalawang babae ang lumapit... hindi... mga Amulaki. Si Layna, may kasama.

"Parating na ang mga kawal, Runo. May panahon pa. Hanapin mo ang Hubri," wika ni Layna.

Mukhang nahimasmasan si Runo, tumayo ito.

Mula sa loob ng roba ay inilabas ni Layna ang salamin. Pinaharap doon si Runo at ang kasamang Amulaki.

Mayamaya ay bumaba na ng talon si Runo. Sa landas ng santelmo.

Ang Amulaking kasama ni Layna, naging si Runo. Iniwan iyon ni Layna doon. Iyon ang dinakip ng mga kawal. Hindi totoong si Runo ang nakapiit sa kailaliman ng palasyo.

Binalot siya ni Layna sa kanyang tapis at itinapon sa bintana.

Sinagip siya ni Kunig.

Si Kunig, ang tapat niyang kemira. Nakita nito ang mga nangyari, itinapon siya sa landas ng santelmo upang makita niya ang Dinapuan at mailayo kay Runo.

"Alam mo ba kung bakit ko nasabing pareho kayo ni Senator Joe?" Si Gigi, palabas na uli sa balkonahe, may hawak na dalawang baso ng inumin. "You're both crazy." Ngumiti ito. "Baliw kayo pareho. Baliw na baliw sa babae." Lumapit na uli ito sa kanya. "Ikaw, kay Bechang." Tumawa ito. Tumigil. "Sorry, that was mean." Ibinigay nito sa kanya ang isang baso. "Si Senator, kay Estella. Alam mo ba, hindi niya ipinalibing 'yon nang mamatay. Pina-preserve. He's hoping that someday, madi-discover ang gamot sa cancer at mabubuhay uli si Estella."

"Ano'ng sabi mo? Ano'ng pangalan ng babae?"

"Estella. Katulad mo rin 'yon. Nanggagamot pero through crystals. Hinihigop daw ng mga kristal ang masasamang enerhiya. Hindi naman niya nagamot ang sarili niya. She's been dead for like, over a decade, pero si Senator, hindi man lang interesado kahit katiting sa ibang babae."

"Saan siya nanggaling? Ang—senador?"

"Bicol. Alam mo ba na malaki ang tsansa niya na maging next President? He's really popular." Ininom nito ang alak. "Uh, si Bechang, how well do you know her?"

"Nasaan si Bechang?" Hindi maipaliwanag ni L'aq'n ang naramdamang kaba mula nang banggitin ni Gigi ang pangalang 'Estella.' Iyon ang pangalang inuulit-ulit ni Runo.

"Still in the library, I guess."

Walang imik na tinungo ni L'aq'n ang pinto.

"Lakan, wait! She'll be fine—" Humabol si Gigi, hinagip ang braso niya.

Inalis niya ang kamay nito, pati ang basong hawak niya, ibinato sa isang tabi. "Kailangan kong makita si Bechang." Binuksan niya ang pinto.

"You know that's a major turn off!" habol pa rin ni Gigi. "She's just... bakit ba baliw na baliw ka sa kanya?"

Hindi niya ito pinansin. Deretso siya sa hagdan, patakbong umakyat.

"Ang corny mo!" sigaw ni Gigi.

Sa itaas ng hagdan, lumiko si L'aq'n sa pasilyong pinanggalingan nila kanina. Sa dulo niyon pumasok si Bechang. Tinakbo na niya ang pasilyo.

Walang tao sa silid. Malamlam ang liwanag, nanggagaling lang sa ibaba ng malaking larawan ng babae.

E N G K A N T OWhere stories live. Discover now