Part 5

1.3K 34 0
                                    


"DOON, Kunig!" Hinaltak ni L'aq'n ang paningkaw para ipihit sa gawing silangan ang alaga. Naaaninag niya sa likod ng makapal na ulap ang aninong hugis-moog. "Nakikita mo?" tanong niya kay Kunig. Nasa Lungti na sila, ang siyudad ng mga Amulaki.

Ilang sandali pa ay ibinaba na siya ni Kunig sa balkonahe ng tore. Gawa sa kahoy ang lahat ng istraktura sa Lungti. Bawat daan, hagdan, pasilyo, at mga tirahan ay iniayon sa mga sanga ng pinakamalalaki at pinakamatatayog na punong-kahoy.

Mula sa isang panig ng balkonahe ay lumitaw paitaas ang isang silid. Lumabas mula roon si Layna, ang Punong Amulaki. Napamaang si L'aq'n. Napakaganda talaga nito. Maging ang dalawang kasama. Kagandahang hindi mo makukuhang pagmasdan nang magatal dahil masisilaw ka.

Ginintuan ang mahaba at umaalong buhok. Parang perlas ang mga ngipin, kakulay ng talulot ng rosas ang mga labi, malasutla ang balat. Lahat ng iyon, may kasamang magandang hubog ng katawan na kitang-kita sa suot nitong maiksing tapis at kapirasong salong-dibdib.

Napakayaman ng dibdib ni Layna.

Pero gaano man kagustong pagmasdan ni L'aq'n ang Amulaki, imposible iyong magawa nang matagal. Nakakasilaw. Sa katunayan, naluluha na ang kanyang mga mata. Ibinaling niya ang paningin sa mga luntiang dahon sa paligid.

"Magandang Liwanag, Prinsipe L'aq'n," bati ni Layna. Yumuko ito at ang dalawang kasama.

"M-magandang Liwanag din sa iyo, Layna."

Sinasabi sa mga kuwento, iyon lang daw mga tunay na mangingibig ang may kakayahang tumitig nang matagal sa mga Amulaki. Kapag nagawa raw iyon ng isang lalaki, makikita rin nito ang nasa ilalim ng kagandahan ni Layna.

Dahil ang mga Amulaki ay mga nilalang na parehong babae at lalaki. Iyon ang dahilan kung bakit may-pagkamataas ang mga Amulaki at piniling manirahan sa ulap. Bilang taglay ng mga Amulaki ang mga katangian ng parehong kasarian, masasabing nasa mga ito na ang lahat. Talino, pagkamasining, lakas, at kagandahan.

Labis daw na kinaiinggitan ng ibang nilalang ang mga Amulaki noong unang panahon. Itinaboy ang mga ito sa kagubatan. Pero hindi pa nakuntento ang mga naiinggit at nagagalit, maging sa kagubatan ay ginugulo ang mga Amulaki. Nililibak. Pinapaslang.

Napilitan daw ang mga Amulaki na umakyat sa pinakamatataas na puno at doon gumawa ng mga bahay. Doon ay ligtas ang mga Amulaki at malayang napaunlad ang mga sarili hanggang sa dumating ang sandali na kinilala na ng emperyo ang mga ambag ng Amulaki sa sining, agham, kultura, maging sa pakikipagdigma.

"Kamahalan—" Inilahad ni Layna ang kamay sa maliit na silid.

Bahagyang tumango si L'aq'n at pumasok sa silid. Sumunod sa kanya ang tatlong Amulaki. Pinakawalan ng isa ang kawit sa tabi ng pinto. Unti-unti silang bumaba. May mga ganoong silid na rin sa palasyo. Imbensiyon ng mga Amulaki.

Nang bumukas ang silid, nasa ulutan na sila o silid-hintayan. Buhat doon, bumaba sila sa sala na nakapaikot sa malaking sanga ng puno. Makinang na makinang ang tablang sahig, napapalamutian ng mga hinabing dahon at makukulay na bulaklak.

Inanyayahan siyang maupo ni Layna. Pansamantala silang iniwan ng dalawa nitong kasama. Pagbalik ay may dala nang mga pagkain. Isinilbi iyon sa mababang mesa sa pagitan nila ni Layna.

Mga prutas, keso, pulot, at gatas.

Yumuko kay L'aq'n ang dalawang Amulaki at muli na silang iniwan sa sala.

"Ano ang maipaglilingkod ko, Kamahalan?" tanong ni Layna, kumuha ng prutas na hugis-kamao at kinagat. Magkakrus ang mahahaba nitong binti at bahagyang nakayuko kaya hindi niya maiwasang mapamulagat na naman sa mayayamang dibdib ng Amulaki.

E N G K A N T OWhere stories live. Discover now