Untitled Part 86

503 23 0
                                    


"AY, PALAKA!"

Lumingon si L'aq'n nang marinig ang boses ni Bechang.

"Sino ba ang naghukay dito... Aww—" Hinihilot nito ang paa. Sa hitsura, mukhang nabuslot sa hukay sa buhangin.

"Si Kunig siguro," sagot niya. "Mahilig 'yong maglaro dito."

"Sabagay, 'di ko siya masisi. Ang daming... puraw," sagot ni Bechang, naupo na lang sa dagtum. Dumampot ng batong-puraw. Kasinlaki ng butil ng mais. "Grabe, Lakan. Kung makakakuha ako ng isang supot na ganito, baka pati Amerika, mabili ko na." Nanguha pa ito nang nanguha.

Nagpasya si L'aq'n na lapitan ang Dinapuan.

"Lakan, saan ka pupunta?" tanong ni Elekia. "Kailangan nating magsanib."

"Pagkatapos ng basbas. Huminahon ka." Yumuko siya paglapit kay Bechang. "Halika."

"Saan?"

"Doon," turo niya sa kabilang direksiyon. "Mas malaki ang mga puraw doon."

Inabot ni Bechang ang kamay niya at tumayo. Pinagpag ang puwit. "Grabe, Lakan. Ang daming kayamanan dito... ang natural resources n'yo. Siguro may langis din kayo."

"Langis... pamprito ng tilapia."

"Hindi lang 'yon ang langis. Do'n din nanggagaling 'yong gas ng mga sasakyan, ang nagpapaandar ng mga makinarya. In demand 'yon sa 'min. Hinuhukay ang mga lupa para makuha ang langis. Pero nasisira ang kalikasan... ang hangin. Dahil sa usok n'on."

"Napansin ko nga ang inyong kalikasan. Parang nagagalit na si Inang-Buhay."

"Galit na galit na siya siguro... iniwan mo ang isda—este, kasanib mo."

"Si Elekia. Hindi pa kami magsasanib. Haharap muna kami sa Sigmus."

"Haharap—altar n'yo 'yon, 'di ga? Ikakasal kayo?"

"Bigkis. Ibibigkis kami ni Inang-Lupa ng gintong sinulid."

"Kasal nga 'yon, Lakan. Sigurado ka? M-may Malus 'yon, nahalata ko kanina."

"Kalaunan ay mawawala 'yon sa kanya." Huminto siya. "Dito. Tingnan mo."

Parang hindi interesado sa malalaking batong-puraw si Bechang. "Alam ko, hindi ka tumitingin sa pisikal na anyo pero... naisip mo ba ang magiging hitsura ng anak n'yo kung sakali?" Naupo ito sa buhangin.

Tinabihan niya ito, binigyan ng batong-puraw. Mas malaki doon sa ibinigay nila sa matandang lalaki kapalit ng mga pera.

Kinuha ni Bechang ang bato, tinitigan, inikot-ikot. Saka itinapon sa dagat.

"Itinapon mo."

"Umaasa lang ako na... baka 'pag nilabanan ko ang kasakiman, mararamdaman mo uli na mahal mo ako. Pero hindi gano'n, eh. Kaya—" Pinagdadampot nito ang bawat batong-puraw na makita, isinuksok sa damit. "Kaloka ito. Ang yaman ko na, grabe."

Tinulungan niya si Bechang na mamulot ng puraw. "Ibahagi mo sa may gusto."

"Okay ka lang? De bumaba ang value? Value—hindi mo alam 'yon. Economics 'yon, wala naman kayong currency. Para laging mataas ang value or halaga ng isang bagay, kailangang itago. Kunwari, kakaunti... sana pala nagdala ako ng malong." Hindi na nito malaman kung paano pa isusuksok sa damit ang mga puraw.

"Hindi mo kailangang kuhanin lahat ngayon. May iba pang araw pero kung gusto mo nang bumalik sa inyo—"

"Hindi pa ako babalik, Lakan. Hihintayin kong lumakas ang Malus."

E N G K A N T OWhere stories live. Discover now