Untitled Part 92

530 23 0
                                    


"AH?" NGANGA si Bechang sa dulo ng butas na pinasok. Biglang lumipad palabas si Josh. Dahil... bangin. Tumingin siya sa ibaba. Batuhan ang babagsakan niya at medyo mataas din. Doon din malamang sa butas na iyon dumaan si Josh kanina kaya nauna pa sa kanya.

Nasa harap na niya ang kemira, ibinaba sa harap niya ang bulaklak.

Kinuha niya.

Ni hindi iyon nalagasan maski isang petal kahit kasinselan naman ng sa mga rose. Napatingin siya kay Josh. Nagkaintindihan sila. Dumikit ito sa butas para makasampa siya rito.

Eksaktong nakasakay si Bechang sa kemira nang bigla silang humampas sa bato. Hindi siya nakabitaw dahil yumapos siya sa leeg nito.

Nabitiwan naman niya ang bulaklak.

"Aride!" sigaw ng isang babae.

Gilalas si Bechang. Ang mga Amulaki. Nakasakay rin sa mga kemira pero itim ang mga iyon, nagbabaga ang mga mata. Ang isa ay bumulusok pababa.

"Josh, ibaba mo 'ko! Ang bulaklak!"

Sumunod naman agad si Josh. Halos magkasabay silang bumaba ng Amulaking inutusan ni Layna. Sumingasing kay Josh ang itim na kemira. Tinakbo ni Bechang ang Adomina. Sumingit iyon sa mga bato.

Isang lundag lang.

Na padapa.

Kahit alam na masasaktan, ginawa ni Bechang ang naisip. Sa huling sandali ay naiiwas niya ang mukha na humampas sa bato. Nahawakan niya ang Adomina.

Iniamba ng Amulaki ang espada, nagpalundag-lundag sa mga bato papunta sa kanya.

"Josh!"

Nakikipaglaban iyon sa itim na kemira. Mukhang dehado ang kemira niya. Mas malaki at mas mabangis ang itim.

Pero mas mautak ang kemira niya.

Akmang lulusob si Josh sa kalaban pero sa huling saglit ay bumulusok ito ng lipad papunta kay Bechang. Hinagip siya ng mga paa at lumipad palayo. Pero kasunod agad nila ang mga Amulaki.

E N G K A N T OWhere stories live. Discover now