Untitled Part 61

537 22 3
                                    


"NASAAN ho tayo?" Kanina raw ay nasa Tagaytay sila, pagkatapos Cavite... pagkatapos parang pumasok sila sa tahimik na baryo. Malubak ang kalsada, palusong. Kakahuyan at burol sa tabi.

"Silang pa rin ito." Pinatay na ng senador ang makina ng SUV. "Halika na." Nauna itong bumaba.

Sumunod na rin si Bechang. Hindi pa rin siya sigurado kung natatakot o excited lang. Parang wala naman siyang dapat ikatakot kapag si Senator Joe ang kasama. Mukhang alam na alam nito ang ginagawa. Sa tindig at pangangatawan, hindi mo pagdududahan na kaya kang ipagtanggol.

Parang si Lakan.

Na-guilty na naman si Bechang. Siguradong hinahanap na siya ni Lakan. Sana ay nagpumilit siya kanina na magpaalam muna sa lalaki. Hindi sana siya nagpadala sa pagmamadali ng senador.

Nakatayo sa tabi ng kalsada ang senador, sa unahan ng SUV, nakatutok ang hawak na flashlight sa ibaba, parang may hinahanap.

"Bababa ho tayo diyan?" Mga dalawang metro ang lalim, bato at lupa. Mga halamang ligaw ang tumutubo.

Imbes na sumagot, itinapat ng senador ang lente sa isang nakausling bato. "Dito." At bumaba ito roon... nagpatuloy bumaba gamit ang mga bato, kahoy, at ugat ng halaman bilang hagdan.

"Bakit ho dito?" Inalalayan siya ng senador dahil kailangang lumundag mula sa huling tuntungan. "Ano'ng meron dito?"

"Dugo." Naglalakad na uli sila, pantay na ang lupa. Mas masukal na ang mga halamang ligaw.

Nanghilakbot si Bechang. "Dugo ho?"

"Dito itinatapon ang mga pinapaslang. Mga ginahasa, mga isinalvage. Mayroon ding dito mismo pinatay, dito mismo nilapastangan. Babae, bata, buntis, matanda. Saksi ang lugar na ito sa maraming karahasan. Kasamaan.

"Sa mga ganitong lugar malakas ang Malus. Nararamdaman ko na ang konsentrasyon ng enerhiya."

"Kung saan ho malakas ang Malus, doon lumalabas ang santelmo."

"Sa mga ganitong lugar manipis ang enerhiyang pumoprotekta sa mga sukod."

"De maraming ganitong lugar sa buong mundo."

"At bagay, Bechang. Mga bagay na saksi sa maraming hirap at pagdurusa."

"Mga piping saksi."

"Kung minsan ay sinasabi ninyong malas ang isang bagay o lugar."

"Dahil sa Malus. Malus. Malas."

"Tama ka."

Nilingon ni Bechang ang pinanggalingan nila. Hindi na niya makita dahil bukod sa madilim, natatakpan na ng mga halaman.

"Paano n'yo ho nalaman itong lugar na ito?"

"I search for places like this. Marami sa Kamaynilaan, pero marami ring tao na gising pa sa mga oras na ito."

"Mga adik," sabi niya.

Hindi na sumagot ang senador.

Hindi naman nauubos ang tanong ni Bechang. Kinakabahan na ba siya?

Oo, kinakabahan na ako.

Parang nasa pusod na sila ng kagubatan kahit alam niyang hindi. May umaalulong kasing aso mula sa malayo. May mga kaluskos sa mga dahon at lupa.

"Paano ho dadaan sa santelmo?" Kumapit siya sa manggas ng senador.

Bigla nitong pinatay ang lente. "Susundan natin ang landas niya."

"Alin...." Napasinghap si Bechang. Sa unahan nila, may bolang apoy. "Santelmo."

Halatang biglang nagmadali ang senador. Paspas din si Bechang. "Nawawala po ba 'yan? Kailangan nating bilisan?"

"Hindi 'yan nawawala. Mailap lang." Hinagip ng senador ang pulso niya, pinagmadali siyang maglakad.

At maglakad.

At maglakad.

Panaka-naka ay lumilingon si Bechang sa pinanggalingan pero wala na talaga siyang makita. Madilim na madilim. Nasa santelmo lang ang liwanag pero hindi naman ganoon kaliwanag. Para lang iyong liwanag ng maliit na siga.

Naramdaman na lang niya na lumamig ang hangin. Parang umaambon.

"Maupo ka muna," sabi ng senador, iginiya siya sa isang bato. "Sa itaas ng talon ang daan papunta sa templo."

"H-ho?!" Hindi magkandaugaga sa paglinga si Bechang. "Nandito na tayo?!" Napanganga siya nang makita ang talon sa likuran niya, doon nanggagaling ang malamig na hangin at ambon. Bumabagsak iyon sa pabilog na ilog na katabi lang ng batong kinauupuan niya.

"Kanina pa."

Hindi raw niya naramdaman na nasa ibang dimension na siya. Akala niya ay dere-deretso lang silang naglalakad.

Iba nga ang kuwento ni Bechang kaysa sa ibang kuwento ng kababalaghan. Parang walang masyadong kababalaghan ang kababalaghan niya. Nai-imagine ko pa naman ang portal na parang sinag-sinag na bilog at doon ka lulusot to get to the other side.

Hindi pala?

Apparently, you just walk to the path of St. Elmo's Fire.

May pelikulang gano'n sina Demi Moore dati. Hindi ko napanood. But I love the soundtrack. Just Google and listen. It's good.

Pero, ang sinasabi ni Bechang, ang santelmo ang pinaka-portal. 'Wag sana akong makakita ng bolang-apoy, baka sundan ko nang hindi oras. Ito namang si Bechang, may katangahan din.

"Basta ka sumama? 'Di mo tinanong kung makakabalik ka pa?" tanong ko.

E N G K A N T OWhere stories live. Discover now