Untitled Part 31

606 24 0
                                    


"SA LETRANG O, uk-ray! Baynte-nuwebe!"

"Oh, yeh, ukrayin mo, beybi—" Gumiling-giling si Kelang habang nakasalampak ng upo sa sahig ng balkonahe nina Ka Estreng. Anim sila doon, nakapaikot sa nakalatag na mga Bingo cards.

"Tanga ka!" Hinampas siya ni Julie sa batok. "Tranta'y siyete iyan!" turo nito sa card ni Mikay. "Hindi ka pa Bingo, tanga ka!"

"Namumuro ka na, puta ka!" Inambaan ni Kelang ng sapak si Julie.

"Ay, sadya! Purong-puro na!" tukoy ni Julie sa sariling card, malapit na ring bumingo.

Bumunot na uli si Ka Estreng. "Ay! Ay, nako, Rudeh!" sabay tingin sa kalsada. "Ano ga iyon, utoy?"

Lingunan sina Kelang. May nakahintong trak, may lalaking palapit sa balkonahe, may dalang papel. "Saan ga ho 'yong Brigida Lasig?" tanong nito.

"Brigida?" Si Julie.

Sumigaw si Mona, katapat ni Kelang. "Baka ang nanay! Lasig 'yon." Tumuro ito pakanan. "Doon pa ho, malapit sa tulay!"

Sumegunda si Ka Estreng. "Uu nga! May aratiles sa harap, basta't 'pag may nakita kang buhangin at haloblak, 'yon na!"

Hindi na nakatiis si Kelang. "Ano ga ho 'yan, Kuya?" Inginuso niya ang trak.

"Sala set ho. Siya, salamat ho." Bumalik na sa trak ang lalaki.

"Sala set naman ngay'on?" sabi ni Julie. Noong isang araw, kama. "Aba, hindi nauubos ang pera?"

"Uu nga, eh. Kakataka na ang mga iyan." Si Pilar, isa pang varsity ng Bingo.

"Eh, di ga raw ay binayaran n'ong kompanya si Bechang bago ipinantubos nila iyon ng lupa ng mga mamay, bago isinanla daw ule ang lupa para makapagnegosyo at maipaayos ang bahay," sabi ni Ka Estreng.

"Magkano ga ang ibinayad sa kanya ng kompanya? Napakalaki ga at panay na panay ang syaping ni Bechang? Parebond-rebond pa, hindi naman mawala ang uban. Pati ang Nanay Biring, pagkakisig ngay'on, 'kala mo ay donya. Magkano ga laang nila naisanla dati ang lupa?" Hininaan ni Pilar ang boses. "Baka tumama sa Lotto ang mga iyan, ayaw laang ipagsabi."

"Eh, naman?" Atras ang leeg ni Julie. "Ba't naririne pa? Ang mga natama sa Lotto ay hindi na nagpapakita sa mga kakilala, ang alam ko."

"Kaya nga inililihim nila. Malay mo kung nakabili na ng mansiyon?"

"Ala, hinde!" kontra ni Kelang sa mga ka-Bingo. "Sabe ni Unyor kahapon pag-uwi, nag-inuman sila ng mga Mamay Berto, eh. Sabi daw ng matanda nang malasing ay may alaga silang engkanto."

"Dati pa naman 'yan." Si Ka Estreng. "Kaya nga nanghihilot."

"Ay, 'wag kayo at sabi pa raw ng mamay—" Dinuro pa ni Kelang ang mga ka-Bingo. "Ang engkanto daw ay si Lakan."

"Ay, baka nga! Pagkaguwapo, eh! Kainaman ang batang iyon. Kung puwede pa akong magbuntis, paglilihian ko 'yon!" sabi ni Ka Merla, senior citizen.

Nagpatuloy si Kelang. "Hindi ga kayo nagtataka, basta na laang naman sumulpot 'yang si Lakan dito. Galing daw Maynila, wala namang nakakita no'ng dumating."

"Hatinggab'i daw, eh. Paano may makakakita?" Si Ka Estreng, kinalog ang hawak na lalagyang plastic. "Are namang si Kelang, sarisari ang naiisip."

"Aba'y ewan ko sa inyo. Pati naman si Bechang ay mahiwaga, hindi n'yo ga pansin? 'Yong buhok niya? Pupuwede gang basta na laang dumami ng gay'on ang uban? At 'yong picture? 'Yong sinasabi ko—" Siniko niya si Julie. "Magkasama tayo no'n, ah. Kitang-kita mo, piniktyuran ko si Lakan nang naglalakad, ba't wala sa picture?"

"Naglalakad, eh," katwiran ni Julie. "Baka nga 'kala mo lang, nakunan mo, hindi pala. At kapanget naman ng camera mo, eh."

"Hindi ako nagkakamali. Kung naglalakad lang siya, dapat malabo lang, blar. Wala maski anino, eh. Lasa ko nga ay engkanto 'yong si Lakan. Kakaiba din naman, eh. Pansinin n'yo. Parang hindi tao. Ang mata, minsan blue, green, gray... pagtingin mo uli, itim."

"Hindi ka laang sanay makakita ng totoong guwapo."

"Ala, kahit na," giit ni Kelang.

"De piktyuran mo uli, 'pag wala talaga—"

"Ay, sadya! Nabuwelo laang ako." Hindi pa lang niya mataymingan na nag-iisa si Lakan, laging kasama si Bechang. At sa totoo lang, asar siya kung asar kay Bechang pero aminado ring takot siya sa babaeng may uban. Kakaiba ito kung tumitig, parang alam ang iniisip niya. Hindi parang... alam talaga.

E N G K A N T OWhere stories live. Discover now