"Ah, kayong tatlo dito, Filipino-es."

Tawa na naman ang babae. "Balik tayo sa Bumbay. Maiitim sila kadalasan. May dalang payong." Lumakas pa ang tawa nito.

"Kaparis mong tumawa ang mga yanida."

"Ano 'yong yanida?"

"Nilalang. Sa kagubatan. Tumatawa sila. Kapag narinig mo ang tawa nila, tatawa ka rin. Kakainin ka nila pero tumatawa ka pa rin."

"Ay, grabe ka. Mamamatay akong maligaya, gano'n?"

"Hindi maligaya. Tumatawa lang."

"Hmmm." Tatango-tango ang Dinapuan. "Parang dito din sa mundo namin... este, sukod. Maraming tumatawa pero hindi masaya. Pero teka... ibig mong sabihin, namamatay din kayo?"

"Hanggang nasa anyo kaming pisikal, mamamatay kami."

"Meron kayong hindi pisikal na anyo?" Parang nalito ang anyo ng Dinapuan.

"Kapag narating namin ang sukdulan ng kakanyahan, maglalaho ang pisikal at magiging bahagi ng enerhiya ni Inang-Buhay."

"Inang-Buhay? Meron ding Inang-Patay?"

"Nag-iisa lang ang Inang-Buhay. Hindi siya namamatay. Siya ang nagbibigay ng liwanag at buhay."

"Ah, sun. Araw. 'Yang sumisikat na mainit."

"Oo."

"Araw ang pinaka-God n'yo. Kunsabagay nga..." Suminghot ito. "Nakulo na ang kape ko. Tara sa ibaba." Nauna itong lumabas. Sumunod agad si L'aq'n. Gusto rin niya ang barakong kape.

Dumulog siya sa mesa. Sinilbihan siya ng Dinapuan. Umuusok na kape at monay. Alam na niya ang ginagawa sa monay. Binibiyak. Pinapahiran ng Star mar-grin, binubudburan ng asukal na pula bago kainin.

Ang monay at kape ay meryenda. Hindi kailangan ang kutsara at tinidor kapag monay ang pagkain. Nagsasanay pa lang siyang gumamit ng kutsara at tinidor. Walang ganoon sa emperyo. Kamay lang ang ginagamit nila.

"Ano 'yan?" Napamata si L'aq'n sa pagkaing ipinatong ng Dinapuan sa mesa. Kakaiba. Ngayon lang niya nakita.

"Maling. Nakautang nga sa Bumbay, eh. De may pambili ng Maling."

"Ano 'yon?"

Lumapit sa mesa ang Dinapuan. "Alam mo, tikman mo na lang nang malaman mo. Ipalaman mo sa monay."

Ginawa niya ang sinabi nito.

"Hindi ko gusto ang Maling," sabi niya nang matikman. "Mar-grin na lang."

"Owww-kay." Dumulog na rin sa mesa ang Dinapuan, nangalumbaba at tumingin sa kanya. "Hindi mo nami-miss ang mga mahal mo sa buhay? 'Yong... gusto mo silang makita at makasama uli... May kapatid ka?"

"Wala akong kapatid. Gusto kong makita si Inang-Lupa."

"Inang-Lupa? Nanay mo? 'Yong nagluwal sa 'yo?"

Tumango si L'aq'n. "Hindi ko alam kung paano bumalik." Itinuro niya ang ulo. "Nandito. Hindi ko maisip."

Hinawakan nito ang braso niya. "Relax lang. Babalik din 'yon at maiisip mo. Baka ano lang... naninibago ang brain cells mo sa environment."

Nanibago? Baka na-reformat 'kamo. Nawala ang ibang files. Kailangang madiskubre ni Bechang kung nasaan ang hard drive ni Lakan.

Obvious, ga? May sarili na akong interpretasyon sa kuwento. At least kasi, ang mga nanobots, totoo talaga. Ginagamit na iyon sa mga makina, sa medicine. Example, may fabric na raw na hindi nadudumihan at namamantsahan. Dahil may nanobots na tagataboy ng dirt. Those things make sense to me.

Itong kuwento ni Bechang, hindi ko maipaliwanag. Wala sa siyensiya.

"May gagawin ka? Sa gabi nagsusulat ang writers, 'di ga?" tanong niya matapos makuha ang sukli.

"Tsismis lang 'yon." Mula noon hanggang ngayon, sa umaga ako nagsusulat. Sometimes, as early as three AM until late morning. "Mag-e-FB lang ako, hindi na magluluto." Itinaas ko ang supot ng takeout.

"Gusto mong pumunta sa bahay?"

Unsure ako. Curious ako, oo. Eh, kaso... paano kung doon ako biktimahin dahil hindi pala siya budol. Isa siyang serial murderess. Galit siya sa mga kagaya kong diyosa—hindi 'yong diyosa sa Sirang-Lupa. Diyosang totoo. O kaya sa mga writers... Hala! Baka kagaya n'ong Misery ni Stephen King. Reader ko pala si Bechang, 'tapos galit siya dahil pinatay ko ang Impakta. Hindi niya alam na may part two na dahil... ang bilis maubos sa mga tindahan.

Igagapos niya ako... lulumpuhin...

Nasa bag ko si Rambo. Pareho kami ng Inay Biring niya ng balisong—baka sinadya ni Bechang banggitin 'yon para nga makuha ang loob ko. Ano ang ibig sabihin n'on? Marami na siyang nalalaman tungkol sa 'kin.

Pahamak ang Facebook.

Eh, di alam niya na lagi ko ring kasama si Rambo?

Hala. Hindi ko alam kung sasama ako sa bahay niya o hindi.

@

E N G K A N T OWhere stories live. Discover now