Chapter 58

430 25 0
                                    

"SAAN doon?" tanong ni Princess kay Xebastian, pabulong. Binisita niya ang lalaki ngayon para pag-usapan ang tungkol sa huling trial nito. Pero sinabi sa kanya ni Xebastian na may kailangan siyang kunin sa kinatatayuan ng Hidden Box Factory noon sa Antique.

"Nandoon pa ba ang sasakyan ni Ate Samantha?" mahinang tanong ni Xebastian. "Sa gubat?"

Tumango siya. Nakita iyon ni Princess noong nagpunta sila sa Antique. Walang ibang gumalaw doon at nilumot na. Wala rin kasing plate number.

"Sa ilalim niyon nakabaon ang isang bag," bulong ni Xebastian. "Nandoon ang lahat ng files ni Peter Domingo. Ang mga gamot na ibinigay nila sa atin. Ang baril ni Peter. Ang plate number ng sasakyan ni Ate Sam. Ibinaon ko doon lahat. Kung magagamit mo, puwede mong kunin doon, Princess."

Sandaling napaisip si Princess. Makakatulong din iyon. "Pupunta ako sa Antique a day before your trial. Kukunin ko 'yon. Ako na ang bahala." Nginitian niya si Xebastian.

Nagulat si Princess nang biglang bumukas ang pinto sa kuwarto kung saan niya kasalukuyang kinakausap si Xebastian. Pumasok sa loob si Niel. "You're here," bati sa kanya ng lalaki. "Gusto ko lang makausap si Lozano. Puwede ka bang lumabas, Samantha?"

"No," mabilis na sagot ni Princess. "Kliyente ko siya. Kausapin mo siya sa harapan ko, Niel." Ano na naman ang ginagawa ng lalaking ito dito? Hindi ba nito iniimbestigahan ang pagkamatay ni Dino Flores?

Nag-igtingan ang mga panga ni Niel. Lumapit ito sa mesa, inilapag doon ang dalawang pictures. "Nasaan ang dalawang 'to, Lozano? Sina Henry Salazar at Princess Cordero. Alam mo kung nasaan sila. Sabihin mo!"

Nagulat si Princess nang makita ang larawan niya – ng dating mukha niya.

Umismid si Xebastian. "Nababaliw ka na ba, Investigator? Ilang beses ko bang sasabihin na hindi ko alam kung nasaan sila? Nakakulong ako dito. Wala akong ibang nakikita kundi ang apat na pader ng kulungan araw-araw. Hindi ka ba marunong umintindi?"

Sunod na inilapag ni Niel ang sampling bag na may lamang isang locket. "Kilala mo ba ang locket na ito, Lozano?" tanong nito. "May nakaukit na letters sa loob ng locket na 'to. Letter X and P. For Xebastian and Princess. Tama ba? Isang mamamatay-tao si Princess Cordero. Dapat din siyang nakakulong dito."

Kumuyom ang mga kamay ni Princess. That was her locket! Iyon ang locket na ibinigay sa kanya ni Xebastian noong unang taon na naging magkarelasyon sila. Palagi niya iyong dala. Hindi niya napansin na nahulog iyon sa bag noong pinatay si Dino Flores.

Sumiklab ang matinding galit sa mga mata ni Xebastian. Mabilis itong tumayo, sinipa ang upuan at kinuwelyuhan si Niel. "Hayup ka!" sigaw nito. "Huwag mong tatawaging mamamatay-tao si Princess. Hayup ka! Wala kang alam!"

"Stop!" pagpapatigil ni Princess sa mga ito. Bigla siyang nataranta dahil sa galit ni Xebastian. Lumapit siya kay Xebastian, niyakap ito sa baywang para ilayo kay Niel. "Stop this, please. Calm down." Alam niya na hindi gusto ni Xebastian na sinasabihan siya ng masama pero kailangan nitong kumalma.

"Iyon naman ang totoo, hindi ba? Isang kriminal ang girlfriend mo!" sabi pa ni Niel.

"Niel, stop it!" bulyaw ni Princess kay Niel, tiningnan na ito ng masama. Oo, kriminal siya. Hindi niya itatanggi iyon. Pero hindi alam ng lalaking ito kung bakit niya iyon ginagawa. Wala itong alam!

Pilit na nagpumiglas si Xebastian sa pagkakayakap niya. Lumapit na rin ang guard sa kanila para mapigilan ito.

"Walang hiya ka!" sigaw ni Xebastian. "Hindi kriminal si Princess! Tawagin mo na akong kriminal pero huwag na huwag mo siyang pagsasalitaan ng masama! Papatayin kita! Wala siyang ginagawang masama, hayup ka!"

The Silent Duology 1: The Silent AttackWhere stories live. Discover now