Chapter 52

439 25 6
                                    

TUMAYO si Xebastian at nilapitan ang katawan ni Eli Montero sa sahig. Dinama niya ang palapulsuhan nito. Buhay pa ang lalaki. Kailangan niyang magmadali ng kilos bago ito magising.

Naghanap siya ng isa pang bag, inilagay sa loob niyon ang mga files na nasa desk ni Peter Domingo. Inabot niya rin ang baril na nasa sahig, pinunasan iyon gamit ang damit ni Peter bago ipinasok sa bag.

Lumabas siya ng factory, dala ang bag. Kinuha niya pa ang pala na nasa storage room. May dala rin siyang dalawang galon ng tubig. Mabibilis ang mga hakbang ni Xebastian hanggang sa makarating sa kinapaparadahan ng sasakyan ni Samantha. Tinanggal niya muna ang plate number ng sasakyan at ipinasok din iyon sa loob ng dalang bag.

Buong lakas niyang itinulak ang sasakyan palayo ng ilang hakbang pagkatapos ay naghukay sa lupa, ibinaon doon ang bag na dala. Tinapak-tapakan ni Xebastian ang lupa bago nagtungo sa likuran ng sasakyan. Itinulak niya uli iyon pabalik sa dating posisyon. Mababaon dito ang lahat ng eksperimento ng mga demonyong iyon.

Binuksan ni Xebastian ang sasakyan ni Samantha, ibinuhos sa loob niyon ang tubig na dala para matanggal ang kahit anong bakas ng may-ari nito. Ganoon din ang ginawa niya sa labas ng sasakyan.

Nang matapos ay bumalik siya sa factory, deretso sa storage room. Kinuha doon ni Xebastian ang mga galon ng gasolina, posporo. Pagkapasok sa loob ng factory, hindi na siya nag-aksaya ng oras at ibinuhos sa buong lugar ang gasolina.

Nag-igtingan ang mga panga ni Xebastian nang makarating sa kulungan kung saan naroroon ang mga bangkay ng kasamahan. Kahit masakit ay binuhusan niya rin ng gasolina ang mga ito.

Lumakad siya patungo sa opisina ni Peter, binuhusan din ng gasolina ang katawan nito at ni Eli Montero na wala pa ring malay. Napatingin siya sa isa pang pinto sa loob ng opisina ni Peter. Binuksan niya iyon at nagulat nang makita ang isang lihim na kuwarto – isang laboratory. Napakaraming mga gamit doon na para sa page-eksperimento. Galit na galit niyang binuhusan ng gasolina ang lahat ng iyon. Susunugin niya ang lahat ng pinaghirapan ng mga ito. Lahat-lahat.

Dala-dala ang isa pang galon ng gasolina, lumabas si Xebastian at ini-lock ang front door at backdoor gamit ang mga kadena. Binuhusan niya rin ng gasolina ang palibot ng factory.

Humugot siya ng malalim na hininga, sandaling pinakatitigan ang factory kung saan sila lumaki. Magiging isang literal na impyerno na ito. Nagsindi si Xebastian ng posporo at itinapon iyon sa lupa.

Agad na kumalat ang apoy hanggang sa lumalagablab na iyon, tinutupok ang buong factory. Inabot ni Xebastian ang galon ng gasolina sa lupa at ibinuhos pa ang natitirang laman niyon sa nasusunog na factory.

Napatingin siya sa isang parte ng kagubatan, natanaw doon ang isang babae na nakatayo. Gulat itong nakatingin sa kanya bago mabilis na nagtatakbo palayo. Hindi naman natinag si Xebastian. Itinapon niya ang hawak na galon sa apoy bago ngumisi.

Wala siyang maramdamang kahit ano maliban sa galit na bumabalot sa buong pagkatao. Nakatitig lang siya sa malaking apoy na nasa harapan. Mawawala na ang lahat. Maglalaho na ang lugar na ito mayamaya.

Tumalikod si Xebastian at humakbang palayo sa factory ng ilang metro. Tumigil siya nang mapatapat sa isang malaking puno, naupo doon.

Nakatulala lamang si Xebastian sa kawalan hanggang sa hindi namamalayan na unti-unti nang lumiliwanag ang paligid. Naririnig niya ang ingay ng sirena ng mga bombero, police cars.

Hindi siya gumagalaw sa kinauupuan. Mayamaya ay narinig niya ang mga yabag papalapit.

"May tao dito! May tao dito!" sigaw ng isang lalaki.

The Silent Duology 1: The Silent AttackWhere stories live. Discover now