Untitled Part 53

1.2K 63 9
                                    


Ibyang,

Mabuti naman ang kalagayan ko maski paano. Ikinuha ako ni Raffy ng apartment dito sa Pasay. So far, wala namang problema sa pagbubuntis ko. Six months na ako, three months na lang. Mid-May ang due date ko. Excited na akong makita ang baby ko. S'ya lang ang nagpapalakas ng loob ko.

Hindi pa rin ako kinakausap nila mama. Hindi nila ako binibisita kahit alam nila kung nasaan ako. Buti pa si Tito Ante, pinuntahan agad n'ya ako nung lumaya s'ya last month. 'wag daw ako matakot, maski pabayaan daw ako ni Raffy, aalagaan naman ako ni Tito Ante. Ewan ko kung paano, wala naman s'yang trabaho, eh. Tsaka dami na n'ya susustentuhan. Pero at least, mahal n'ya ako at ang baby ko. Masaya na ako dun.

Mas masaya pa 'ko ngayon kasi nabasa ko ang sulat mo. Napaiyak nga ako. Sorry, ha. Sorry kung hindi ko sinabi sa 'yo. Balak ko namang sabihin, kaso naunahan ako ni mama, binuking na 'ko sa lahat. Hindi naman sa wala akong tiwala sa 'yo, Ibyang. Nahihiya lang talaga akong umamin at ayokong mamroblema ka dahil sa 'kin. Alam ko naman na pag nabalita 'to, makakarating sa mga lola mo ang tsismis. Alam mo naman ang mga 'yon, di ba?

Pero tama na ang drama, hindi ako makapaniwala na nagkasundo kayo ni Corey. Ang tarantadong 'yon??? Gago talaga. Alam mo ba, crush ka nun? Ilakad ko raw s'ya sa 'yo. Masayang-masaya siguro ang gagong 'yun ngayon, ano?

Actually, mabait naman 'yun. Masayang kasama. Thoughtful. Hindi na rin siguro kataka-taka na nagkasundo kayo. Nanghihinyang tuloy ako na hindi ako makaka-attend ng prom. Gusto ko kayong makita. Miss ko na s'ya, miss na miss na rin kita, Ibyang. Hindi ko alam kung kelan tayo ulit magkikita pero kahit nasaan ako, hindi kita makakalimutan. Sa 'yo ko lang naramdaman paano magkaroon ng best friend. You will always be my best friend too. Naiiyak na naman ako. Basta, sana maging masaya tayong lahat....

Pinahid ni Olivia ang luha at maingat niyang itinupi at ibinalik sa sobre ang sulat na ipinagkait sa kanya. Ang iba pang sulat na nasa harap niya, pawang sa kanya na nanggaling. Hindi nakarating kay Trini. Gusto niyang sumigaw at magwala. Gusto niyang sumbatan sina Inay Doris. Ano ba ang masama kung magkaibigan sila ni Trini? Bakit kailangang harangin at itago ang mga sulat?

"Olivia--" sumilip si Beth sa pinto, "Nandito 'yung kaibigan mo."

Napapitlag ang puso niya, "Si Trini?"

Pero hindi si Trini ang pumasok sa kwarto. Si Marife.

"Hi. Nabalitaan ko, okay ka na daw. Kumusta ang pakiramdam mo?" Sabi nito na nakangiti.

Gulat si Olivia sa itsura ni Marife. Tumangkad at bumilog ang katawan. Parang hindi na highschool...pero kung sabagay, hindi na nga ito highschool, college na.

Nakasuot ito ng apple green na pedals, hanging blouse na polka dots--asul at puti. Ballet shoes na pula sa paa. Hanggang balikat ang buhok na alon-alon, may malapad na headband at naka-tease ang bangs.

"Tinawagan ako ni Inay kagabi sa dorm." Sabi pa ni Marife. "Magaling ka na daw at pwede na raw siguro tayong magkwentuhan. Tinawagan ko ang dad mo ayun, isinabay n'ya ako papunta dito."

Naalarma si Olivia sa narinig. Sa future....sa panaginip niya, girlfriend ng daddy niya si Marife. Pero imposible. Imposibleng magkagusto ang kanyang daddy kay Marife. Kasing edad lang niya si Marife at hindi naman tanga ang daddy niya para sumuong sa isang bagay na maituturing na eskandalo.

"Si Dad?" Tanong niya.

"Nasa office pa nitong ospital, inaayos n'ya 'yung discharge papers mo. Pwede ka nang lumabas bukas. Ang saya nga n'ya, eh. Naiiyak sa saya." Ngumiti si Marife pero hindi maramdaman ni Olivia na totoong masaya ito para sa kanila.

Bumalik ang takot niya. Parang ang dami namang nalalaman ni Marife tungkol sa daddy niya. Mataman niyang tiningnan ang babae. Posible nga kayang....

No. I won't allow it.

Umupo sa edge ng kama niya si Marife, "What do you remember about that night, Olivia?"

Time After TimeWhere stories live. Discover now