Untitled Part 32

1.4K 60 2
                                    


NAPAHIYAW SI OLIVIA NANG MAGISING DAHIL IDINIPA NIYA ANG KAMAY PARA KUMUHA ng unan pero empty space ang nakapa niya at kamuntik pa siyang nahulog.

"Ooops, ooops, oops--" sabi ng lalaki na nasa bandang komedor, akmang susugod at sasambutin si Olivia.

Pero nakabawi na siya ng gulat at naalala na kung nasaan siya. Naupo siya, "G-Good morning po." Sabi niya sa lalaki. Medyo payat, nasa forties siguro ang edad.

"Good morning." Friendly ang tono nito, nginitian pa siya, "Halika, mag-almusal ka muna. Nasa itaas si Micky, tulog pa."

"P-Pasenssya na po---kayo po ang tito n'ya?" Tumayo siya at ipinagpag ang kumot.

"Hayaan mo na 'yan, ako na magliligpit mamaya. Mag-almusal ka na muna." Nagtungo ang lalaki sa kusina, kumuha ng plato at kubyertos.

"Salamat po. Pwede pong mag-CR?"

"Oo, oo. Sige na. Pagkatapos ay kumain ka dito, ha."

"Opo."

Pumasok siya sa banyo, napahinto sa harap ng salamin. She touched her face and hair. Lahat naman iyon, pamilyar. Ignala niya ang paningin sa banyo at naihalintulad niya iyon sa isip niya.

It was a bathroom, it had a shower, a toilet, a sink. Pero maliban sa mga bagay na iyon, hindi na siya pamilyar pa sa ibang bagay na naroroon. Hindi niya matandaan kung kailan siya huling nakakita ng shampoo na Head & Shoulders ang pangalan. Pati ang tube ng toothpaste....everything around her was unfamiliar. Kahit alam niya kung ano o para saan, pakiramdam niya ay noon lang niya nakita.

She sat on the toilet and relieved herself. Pinakiramdaman na rin niya ang katawan lalo na ang ulo. Wala. Walang masakit. Ang problema ay nasa loob ng bungo niya.

Wala pa rin siyang maalala.

Olivia raw ang pangalan niya. Olivia ano? Saan siya nakatira?

Shit. Diniinan niya ng mga kamao ang mga mata. Gusto niyang pigain ang ulo pero sumakit lang ang eyeballs niya. Gusto na naman niyang umiyak. Naisip lang niya ang tito ni Micky sa labas. Nakakahiya naman kung magpapadala siya sa panic.

Tinapos niya ang mga gagawin sa banyo at lumabas. Tinawag uli siya ng lalaki, pinadulog siya sa mesa.

May kanin at malaking bowl ng umuusok na nilaga sa mesa.

"Umaga na ako dumating, tulog na rin si Micky. Pero tumawag at tinext naman sa 'kin bago s'ya matulog na may bisita nga raw kami."

Takang napamata sa lalaki si Olivia, "Ti-next?"

"Oo, dito sa cellphone. Pinagkabilin-bilin, 'wag akong maingay at baka magising ka."

"Sel--fone?"

May dinukot sa bulsa ang lalaki. Maliit na bagay, gawa sa...plastic. Natitiklop dahil binuksan nito ang takip. May maliit na parang screen ng ...ng..TV?

"Sabi ni Micky sa text, medyo wala ka daw maalala. Dadalhin ka daw sana niya sa ospital pero nakatulog ka na. Hinayaan na muna n'yang makapagpahinga ka. Pero 'wag kang mag-alala, ineng. Ako mismo ang magdadala sa 'yo sa duktor mamaya. Siguro ay nauntog ka o kaya ay natakot ka at nagkasunog sa school n'yo kagabi. Nagka-stampede raw, eh.

"Wag kang matakot. Ang alam ko sa ganyan ay gumagaling naman. Maaalala mo ulit lahat."

"Salamat po. A-Ang bait n'yo po."

"Naku, hindi rin." Ikinuha siya ng lalaki ng kanin at nilaga, "Humigop ka nitong mainit na sabaw. Bulalo 'yan, binili ko sa sabungan."

Naaalala iyon ni Olivia, "Sabi nga po ni Micky, nagsasabong ka raw po kasama ang mayor."

"Oo. Panalo naman ang manok, masayang-masaya si mayor." May inilapit pa itong platito kay Olivia. Sawsawan. Patis at kalamansi, may isang sili, "Gusto mo bang medyo maanghang?"

"Opo." Maagap ang sagot niya na ikinagulat niya. Gusto ba talaga niya o nahihiya lang siyang tumanggi? Hindi. Gusto niya.

"Para kang si Trini. Pamangkin ko, nanay ni Micky. Bale apo ko na 'yang si Micky at kasing edad n'ya ngayon ang nanay n'ya noon nung ipanganak s'ya."

"N-Nabanggit nga po ni Micky. W-Wala na ang mama n'ya."

"Oo. Minsan, hindi mo maintindihan ang Diyos, eh. Bakit pinapayagan ang mga ganun. Pakabait ng pamangkin kong 'yun. Nung nakulong ako eh s'ya lang ang dumadalaw sa akin. Hiyang-hiya sa nangyari ang pamilya namin, ayaw na akong makita. Pero si Trini, dinadalhan pa ako ng yosi. Palibhasa'y parang ako na ang ama nun. Naghiwalay kasi 'yung kapatid ko at bayaw. Si Bayaw, ewan kung saan nagpunta, isinama 'yung dalawa pang kapatid ni Trini. Apat sila. Dalawa rin silang naiwan sa kapatid ko, pero malaki na 'yung ate n'ya, si Trini ang alagain noon. Sa amin ng asawa ko iniiwan."

"N-Nasa'n po ang asawa n'yo? May anak po kayo?"

"Malalaki na. Kapisan ng ina, nasa Malabon. Hiwalay na kami. Nag-alsa balutan, dinala ang mga bata. Pero okay na ngayon, nakikita ko naman sila pag lumuluwas ako. Kami lang ni Micky ang naiwan dito sa bahay.

"Wala na ang parents ko. 'Yung mga kapatid ko, nasa abroad ang iba, 'yung iba, nasa ibang probinsya. 'Yung ate ko na lola bale ni Micky, nasa Italy. Ang huling uwi ay noon pang nawala si Trini. Tagal na. May kinakasama na doon. Kain ka pa, ha. Mas maganda 'yung malusog para gumaling ka agad."

"Opo."

"Oops, tubig pa. Teka lang, pasensya na, ha--" tumayo ang lalaki, lumapit sa ref.

Napalinga sa pinto nang makarinig sila ng humintong motorsiklo.

"Aba, maaga si Ser, ah." Komento ng tito ni Micky "Ano na naman kaya ito?" Ibinaba nito sa mesa ang pitsel bago binuksan ang pinto, "Ser, good morning!"

"Good morning din po, Ka Ante."

"Ano'ng atin, Ser?"

"May itatanong lang ako kay Micky."

Parang nawala ang sigla ni Tito Ante, "Pasok muna, Ser. Tulog pa si Micky, gigisingin ko lang. Almusal ka muna, Ser."

"Salamat. Tapos na."

Time After TimeWhere stories live. Discover now