Untitled Part 35

1.4K 60 9
                                    


EXCITED AKONG GUMISING NO'N KASI ALAM KONG DADATING SI MAMA. NANGAKO s'ya na uuwi sa birthday ko. Magluluto s'ya ng spaghetti at pansit. May regalo daw s'ya sa 'kin siempre.

"Pero hanggang gabi na, hindi s'ya dumadating. Sabi daw sa office, hindi naman pumasok. Madaling-araw, ginising kami nina Kapitan. May nakakita daw kay Mama dun sa kwarto sa resort. Wala na s'ya."

"I-I'm sorry, Micky." Inilagay ni Olivia ang kamay sa balikat ng lalaki.

"Sana malaki na 'ko nun para naipagtanggol ko s'ya. Sabi n'ya ako lang daw ang kakampi n'ya pero wala naman akong nagawa."

Pinahid ni Olivia ang luha. Kung bakit ganoon na lang ang lungkot niya nang makita ang puntod ng mama ni Micky, hindi niya maipaliwanag. Ordinaryong puntod, ordinaryong lapida. Ang hindi lang ordinaryo ay ang kalinisan ng paligid at ang mga bulaklak na nakalagak sa ibabaw. Ang iba ay tuyo na, pero mayroon ring nagsisimula pa lang malanta. Palatandaan na regular iyong dinadalhan ng bulaklak, karamihan ay mums.

Trinidad B. Carlos 1971-1995

"Totoo kaya 'yun?" Walang anu-ano ay tanong ni Micky. "Hindi naman namamatay ang kaluluwa."

"Pumupunta sa langit." Sagot ni Olivia. Bakit may ganoon siyang alam pero hindi niya maalala ang sa tingin niya ay mas importante, hindi rin niya alam.

Umiling si Micky, "Sabi ng pedia ko noon, lumilipat sa ibang katawan. Pero kasi, Bumbay 'yun, si Doc. Dati takot na takot ako. Kasi, pag umiiyak ka, sasabihin sa 'yo, kukunin ka ng Bumbay...tapos 'yung pedia mo, Bumbay." Ngumiti ito. "Pero okay 'yun di doc. Suki ako non nung maliit pa 'ko."

"Bakit? May sakit ka?"

"Hika. Tsaka...nagsasalita ako ng kung anu-ano. Hindi ko naman matandaan masyado. Ang tanda ko lang, nag-aalala si Mama. Sinasabi ko daw hindi ako si Micky tapos tumatakbo ako palabas ng bahay, sabi ko daw may hahanapin ako. Hinihimatay ako kapag malakas ang ulan at may mga kidlat."

"Ang dami mong ala-ala, Micky." Sabi ni Olivia. "M-May pupuntahan ka kapag...nalulungkot ka."

"Parang 'yun lang ang meron ako. Mga ala-ala. Pero natatakot ako...kaya ako laging pumupunta dito. Pakiramdam ko, habang tumatanda ako, hindi na ganoon katingkad ang mga ala-ala. Lumalabo..." Tumingin ito sa kanya, "Hindi ko na nakikita nang malinaw ang mukha ni Mama, nawawala ang mga detalye...paano pag hindi ko na maalala? Saan ako...pupunta?"

"Hindi ko alam." Amin ni Olivia. Wala siyang hindi ibibigay magkaroon lang siya kahit kapirasong ala-ala.

"Sorry." Sabi ni Micky. "Halika na, puntahan natin 'yung sinasabi ni Ninong Rius na lolo mo daw."

Hahakbang na sana sila palayo pero pumihit si Olivia. Ipinatong rin niya sa puntod ang hawak niyang mga bulaklak.

"Sa 'yo 'yan, eh." Sabi ni Micky.

"I want to give her something too." HInaplos niya ang puntod, "If I have only one friend left...."

"Ano 'kamo?"

"Huh?" Napamaang siya kay Micky.

"M-May sinabi ka."

"Ha?"

"Ngayon lang."

"I want to give her something."

Nagtataka pa rin pero nagkibit na lang ng balikat si Micky, "Tara na."

Time After TimeWaar verhalen tot leven komen. Ontdek het nu