IKASAMPONG KABANATA : DALUYONG (TAGPO 117)

8 2 0
                                    


"MAGHINTAY KA LAMANG...AKO'Y DARATING"

Kathambuhay na Nobela ni Zampagitang Azul

IKASAMPONG KABANATA

DALUYONG

Ikaisandaa't labimpitong Tagpo

Kasunod ng malakas na lindol na may intensity 7.8 na yumanig sa Ishikawa, Japan ang nag-aalimpuyong tidal wave o mga higanteng alon na kasintaas ng mga gusali ang nanalasa sa bilyon-bilyong ari-arian ng mga Hapones.

Sa Pilipinas balitang-balita sa mga naglalakihang mga TV Broadcast Media Network, di lamang ang pambobomba ng water cannon ng Chinese Navy Ship sa Resupply Mission ng Barko ng Pilipinas sa Ayungin Shoal na bahagi ng teritoryo ng West Philippine Sea na inaangkin naman ng Tsina na naging dahilan ng pagkasira ng nabanggit na barko at pagkasugat ng ilang Philippine Coast Guard kundi maging ang malakas na lindol na may kasamang tidal wave pa ang nagwasak sa mga nagtataas-taasang gusali at naging dahilan ng pagkasawi ng daan-daang mga tao, pagkasira ng bilyon-bilyong mga ari-arian at pagkahinto ng malalaking negosyo sa Ishikawa, Japan.

Nang makaabot ito sa kaalaman ni Ate Luisa, wala nang ginawa ito kundi umiyak nang umiyak na halos mabaliw na sa sobrang pag-aalala sa mag-asawang Ernie at Ine. Walang nagawa rin si Atong sa maghapon kundi aluin ang kasintahan.

Nang mahimasmasan na si Luisa, maya't maya nama'y tinatawagan niya sa mobile phone sina Ernie at Ine ngunit ni isa sa mga ito ay di na niya makontak dahil kapwa wala ng signal ang mga mobile phone ng mga ito. Tinawagan naman ni Atong sa mobile phone niya si Louie na nang matanggap ang tawag niya'y sumagot naman agad.

"Salamat sa Diyos at buhay ka Louie...musta na Louie dyan sa Japan...ano na ang balita riyan kina Ernie at Ine?" ang sunod-sunod na tanong ni Atong kay Louie.

"Labis rin kaming nag-aalala rito ni Jessa sa kalagayan nina Tito Ernie at Tita Ine sa Ishikawa, Japan...wala pa rin kaming balita sa kanila..." di-mapigilan ni Louie na maiyak na rin sa labis na pag-aalala na nasa kabilang linya.

Sa Virgen Delos Flores naman, sa may renovated old house ng magkakapatid na Santos, naghihisterya si Ate Nena, ang nakatatandang kapatid na babae ni Ernie nang mabalitaan ang nangyari kina Ernie at Ine sa Ishikawa, Japan. Naroong himatayin sa kanyang labis na pamimighati sa sinapit ng mag-asawa.

Ganoon din sina Susan at Ellen na walang tigil rin sa kaiiyak. Nakaalalay naman sina Efren at Beet sa inang si Liling na labis ding naapektuhan nang mabalitaan ang kalunos-lunos na pangyayaring sinapit ng mag-asawang Ernie at Ine.

Pinagtutulungan namang payapain ng magkakapatid na Romy, Elmer, Juancho at Sancho ang tatlong kapatid na babaeng na wala nang ginawa kundi mag-iiyak.

Dahil dito, saglit na natigil ang pagpapabasa ng pasyon at pagpapakain sa mga kapos-palad. Bakas sa mukha ng mga naroong inimbitahang mambabasa ng pasyon, mga kapos-palad at mga trabahador ng pagawaan ng balot ang lungkot sa kanilang mga mata na pawang naging saksi sa pagdadalamhati ng mga magkakapatid na Santos. Tahimik na nakikidalamhati rin si Mang Damian. Lumuluha nang tahimik. Pigil ang damdamin sa paghihinagpis. Malaki ang utang na loob niya sa mag-asawa na kumalinga at nagbigay ng magandang pagkakataon sa kanya para magbagong buhay, mamuhay nang matiwasay at masagana sa piling nina Ernie at Ine na kapwa may ginintuang puso. Kung may magagawa lang siyang iligtas ang buhay ng mag-asawa, gagawin niya kahit ang maging kapalit nuo'y sarili niyang buhay.

Samantala, pinilit naman na binuo ni Romy ang kanyang sarili at buong tapang na hinarap ang mga kapatid, at naggalit-galitan sa harap ng mga ito.

"Walang mangyayari sa atin kung puro kayo ganyan! Kailangan nating maging matapang para kina Ernie at Ine. Nasaan na ang pananampalataya natin kay Kristo? Ngayon pa ba kayo panghihinaan ng loob? Sama-sama tayong manalangin para sa kaligtasan nina Ernie at Ine! Walang magagawa 'yang pagngangawa ninyo riyan...tuloy ang pagbasa ng pasyon!" ang mariing pag-uutos ni Romy na pilit nilalabanan ang matindi ring paghihinagpis na nararamdaman.

Parang natauhan ang lahat ng naroon. Itinuloy na muli ang pagbasa ng pasyon at itinuloy na rin ni Mang Damian at ng mga trabahador sa balotan ang pagpapakain sa mga kapitbahay nilang mga hikahos sa buhay.

Bagamat may mga luha pa rin sa mga mata, nagsiluhod ang magkakapatid sa pangunguna ni Ate Nena at ipinagpatuloy nila ang nakagisnang pagrorosaryo na itinuro sa kanila ng yumao na nilang mga magulang sa matinding paniniwala nilang maghihimala ang Diyos para sagipin ang buhay ng mag-asawang Ernie at Ine sa matinding kapahamakan.

All reactions:2Jose Rey Munsayac and Charet B. Monsayac

21LikeCommentShareView more comments

ganyang talaga ang istorya par manabik ang mambabasa

LoveReply


Write a comment...

"MAGHINTAY KA LAMANG..AKO'Y DARATING"Kathambuhay na Nobela ni Zampagitang Azulजहाँ कहानियाँ रहती हैं। अभी खोजें