IKAANIM NA KABANATA : BUWAYA SA DAGAT NG BUHAY (TAGPO 62-B)

26 2 0
                                    


"MAGHINTAY KA LAMANG...AKO'Y DARATING"

Kathambuhay na Nobela ni Zampagitang Azul

IKAANIM NA KABANATA

BUWAYA SA DAGAT NG BUHAY

Ikaanim-na-po't dalawang Tagpo (62-B)

Nagpapakiramdaman ang mga magkakapatid na sina Nena, Romy, Ellen, Susan, Ben, Elmer, Juancho at Sancho sa di-inaasahang pagdating ng kanilang Kuya Ruperto. Halatang binabasa ni Ruperto ang nasa isip at kilos ng mga kapatid na pawang walang kibo at matitigas ang mga mukha na ramdam niya na di-nagustuhan ang kanyang pagdating.

Sa pagkakataong yaon, tumataas ang tensyon na nararamdaman ng magkapatid na Ine at Luisa sa muling paghaharap nina Ruperto at ng mga kapatid ni Ernie na pawang may kinikimkim na sama ng loob sa kanilang nakatatandang kapatid dahil sa pagkampi nito sa hipag nilang si Liling.

Pilit namang ipinapanatag ni Ernie ang loob hanggang sa magpasiya siyang basagin ang saglit na pananahimik ng lahat.

"Salamat Kuya Ruperto...masaya ko...dinalaw mo ko...at masaya rin ako at nagkikita tayo ng iba pa nating mga kapatid...wish ko lang...sana, mabuo na tayong muli..." ang pasimula ni Ernie.

Ni isa man sa panig ng mga kapatid niya na may matinding hinanakit sa Kuya Ruperto nila, nanatiling walang kibo lamang.

Ilang sandali pa, nakuha na ring magsalita ni Ruperto.

"Una, nagpunta ko rito para alamin ang kalagayan ni Ernie...masaya ko kasi...nabalitaan ko kay Ine nang magkausap kami sa selfon na pinalabas na pala siya sa ospital...at ang nagbayad ng 'hospital bills' niya'y ang kapatid natin sa ama na si Ruperto Cruz Santos III na isa ring tumatakbo sa pagka-Kapitan..." paliwanag ni Ruperto.

Mangha at di halos makapaniwala sina Nena, Romy at iba pa nilang kapatid sa narinig sa bibig ng kanilang Kuya Ruperto.

"Paanong nangyaring nagkaroon tayo ng kapatid sa ama?" nagtatakang pagtatanong ni Nena.

Di-nakatiis si Ernie. Sumabat na rin siya sa usapan.

"Bago mamatay ang Tatang habang binabantayan ko siya sa ospital...ipinagtapat niya sa akin na may kapatid tayo sa ama...ipinaglihim niya ito nang matagal na panahon para raw di-masaktan ang Inang at nang di-magkagulo sa pamilya natin. Ipinakiusap sa akin ni Tatang na ilihim ko ito sa inyo at pinakiusapan akong hanapin ang isang nagngangalang Ruperto Cruz Santos III, ang ating kapatid sa ama upang ihingi ng tawad sa kanya..." ang maluha-luhang pagsasalaysay ni Ernie.

Bumuwelo si Ruperto. Muli siyang nagsalita.

"Nuong una nang malaman ko kay Ine...nakaramdam ako ng galit sa Tatang pero sa bandang huli, inunawa ko rin siya...ang mahalaga lubos niya tayong minahal...kailanman di niya tayo pinabayaang magkakapatid...gaano man kahirap ang buhay...sana mapatawad din n'yo siya mga kapatid ko...sana...mapatawad n'yo rin ako sa mga naging pagkukulang ko sa inyo...di ko na hinahangad na suportahan n'yo ko sa eleksyon...ang mahalaga sa akin mabuo tayong muli..." ang buong pagpapakumbabang namutawi sa mga labi ni Ruperto.

"Ako...tanggap ko ang naging pagkakamali ng Tatang...'yung tungkol sa ating dalawa...kaya kitang patawarin Kuya Ruperto... at sana mapatawad mo rin ako...pero di nangunguhulugan ito na aatras na namin ang aming suporta kay Kapitan Anchong!" ang tugon ni Romy.

"Alam ko naman...na di na kayo makababaklas na sa inyong pagsuporta kay Kapitan Anchong...mas mahalaga sa akin na mabuong muli ang ating pamilya..." ang muling pagsusumamo ni Ernie sa mga kapatid.

Lalapitan ni Ruperto si Romy at yayakapin niya ito.

"Patawarin mo ko Romy..." ang maluha-luhang tinig ni Ruperto. Maaantig ang damdamin ni Romy, mapapayakap na rin sa Kuya niya.

"Patawarin mo rin ako Kuya..." ang nasambit na lang ni Romy sa ginawang pagpapakumbaba nito sa harap nilang magkakapatid.

Isa-isa ring lalapitan ni Ruperto ang iba pang mga kapatid at isa-isa rin niyang hihingin ang kapatawaran ng mga ito. Lalambot ang puso ng mga kapatid sa kanilang narinig sa kanilang Kuya Ruperto lalo na nang sila'y nilapitan isa-isa at pinagyayakap nito.

Parang nabunutan ng tinik sa dibdib si Ernie nang huling lapitan siya ng kanyang Kuya Ruperto at yakapin nang mahigpit. Ganon na lamang ang kasiyahang-loob na naramdaman ng magkapatid na Ine at Luisa na naging saksi sa magandang kinalabasan ng paghaharap na muli ng magkakapatid.

All reactions:

4Charet B. Monsayac, Monaliza Sinadjan and 2 others

1LikeCommentShareHahaha bitin naman ako sagad


"MAGHINTAY KA LAMANG..AKO'Y DARATING"Kathambuhay na Nobela ni Zampagitang AzulWhere stories live. Discover now