IKALAWANG KABANATA : KAPALARANG NAGHIHINTAY (Tagpo 21)

90 3 0
                                    

"MAGHINTAY KA LAMANG...

AKO'Y DARATING"

Kathambuhay na Nobela ni Zampagitang Azul

IKALAWANG KABANATA

KAPALARANG NAGHIHINTAY

Ikadalawanpo't isang Tagpo

Ilang linggo na'y bumubuhos pa ang malakas na ulan. Kung minsan, nagpapakita ang mapanglaw na araw. May manaka-nakang sandali namang muling lalakas pa ang ulan kaysa rati nang di-inaasahan. Di pa rin umaalis ang bagyong si Egay.. May napapabalitang may darating pang bagyo.

Isang linggo nang kay Althea na lamang umaasa si Ernie. Buti na lang at may mga ayudang dumarating sa Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan gayundin sa Munisipyo ng Hagonoy. Bukod pa rito, buti na rin lang at marami pang natitirang isang sakong bigas at marami pa namang lutuing ulam na nakalagak sa refrigerator.

Maya't maya'y tinatawagan ng kanyang mga magulang si Althea. Kinukumusta ang lagay nito. Labis na nag-aalala sa kalagayan nito. Gayundin si Althea, kinukumusta rin ang mga magulang at kapatid. Sa puso niya'y naroon din ang labis na pag-aalala.

Sa isang tabi'y tahimik na nakikinig lamang si Ernie. Lumalao'y lalo nang nakikilala ni Ernie ang mabuting kalooban ni Althea at gayundin ang mabuting pamilyang nag-aruga at nagpalaki sa kanya.

Di na rin nakapasok ng trabaho si Althea dahil baha na halos sa lahat ng dako sa Bulacan.

Upang kahit paano'y makaganti sa kabutihang-loob ni Althea, nagkukusa na si Ernie na maglinis ng bahay. Tinutulungan si Althea sa paglalaba at pagluluto. Kapag tapos na ang gawaing bahay, sabay silang nanunuod sa telebisyon.

Kapag sabay silang kumakain, ngayo'y nagbibiruan pa sila. Sa madaling salita, panatag na ang loob nila sa isa't isa.

Nung minsan kumakain sila, napansin ni Ernie ang lungkot sa mga mata ni Althea.

"Bakit Althea, parang malungkot ka?" bati ni Ernie.

Nanatiling walang kibo si Althea.

"Ako pala ang kauna-unahang lalaking nakagalaw sa iyo." untag ni Ernie.

Bahagyang tumango si Althea. Tuluyan nang pumatak ang luha niya. Binasag ni Althea ang kanyang pananahimik.

"Naiisip ko lang baka di na tayo magkita pagkatapos ng bahang ito" ang tinig ng pag-aalala ni Althea.

"Hindi maaaring hindi na tayo magkita. Huwag kang mag-aalala. Babalik ako pramis!" ang pag-aalo ni Ernie para mapanatag ang kalooban ni Althea.

Pilit na ngumiti si Althea.

"Huwag kang mag-aalala...di naman ako umaasa. Alam ko naman na hinihintay ka ni Ine."

Walang ano-ano'y nabaling ang pansin nila sa nakabukas na telebisyon. Napanood nila sa balita na baha na sa lahat ng lugar sa Pilipinas, may mga nalunod na pananim, nagkaroon ng landslide sa may Kenon Road sa Baguio, maraming mga alagang baboy, baka at mga manok ang tinangay ng rumaragasang agos gayundin ang mga nagagagandahang mga sasakyan na naglutangan sa baha. Bilyong halaga na ang pinsala sa buong kapuluan.

Napanood din nila sa balita ang patuloy na pagtaas ng mga bilihin, patuloy na pagtaas ng dolyar laban sa piso, pagtaas ng gasolina, ang patuloy na pambu-bully ng China sa West Philippine Sea at ang paghahanda ng Gilas Pilipinas sa FIBA World Cup gayundin ang pagkapanalo ni Crawford laban kay Spence, at ang umuugong na balitang posibleng paghaharap sa 'boxing arena' nina Pambansang Kamao Pacquiao at Inoue, ang Japanese Monster ng Japan.

Sa pagdidili-dli ni Ernie, sumasagi sa isip niya si Ine. Labis siyang nag-aalala. Musta na kaya si Ine? Nasa mabuti kaya siyang kalagayan? Di kaya labis na rin itong nag-aalala sa kanya kasi matagal na rin silang walang komunikasyon. Paminsan-minsan, sumasalit rin sa isipan niya ang kakikayan ni Arianne.

Naiisip rin niya ang kanyang Kuya Ruperto, ang tampuhan nila gayundin ang kanyag mga kapatid na nakatampuhan ng kuya niya.

Sa tagal ng pananatili niya sa bahay ni Althea. Lalo niyang nakilala ang kabutihang-loob nito. Pakiramdam niya, nahuhulog na ang loob niya rito. Bukod sa ang ganda na'y sobrang ang bait pa. Tunay na may ginintuang puso ito.

Sa paglipas ng mga araw, lalong naging 'close' sila. Alam niya sa sarili niya na kapag ito ang napangasawa niya, sasaya rin ang kanyang buhay sa piling ng isang superwoman na gaya ni Althea, malakas, matapang, buo ang loob, malakas at higit sa lahat, may ginintuang puso.

Ngunit paano na si Ine? Mahal na mahal rin niya ito?

Kailangan na niyang magdesisyon. Inuusal niya sa sariling sana'y gabayan siya ng Diyos sa pinakamahalagang desisyon na gagawin niya sa buong buhay niya.

"MAGHINTAY KA LAMANG..AKO'Y DARATING"Kathambuhay na Nobela ni Zampagitang AzulWhere stories live. Discover now