IKAAPAT NA KABANATA : KUKUTI-KUTITAP NA BITUIN (Tagpo 32)

62 2 0
                                    


"MAGHINTAY KA LAMANG...AKO'Y DARATING"

Kathambuhay na Nobela ni Zampagitang Azul

IKAAPAT NA KABANATA

KUKUTI-KUTITAP NA BITUIN

Ikatatlumpo't dalawang Tagpo

Noong sumunod na araw ng linggo, iniuwi na ni Ernie si Ine sa lumang bahay nila sa Baliuag. Gaya ng napagkasunduan ng magkasintahan, palalabasin nilang nagtanan sila kahit sa totoo lang, alam na at sang-ayon na ang Ate Luisa ni Ine sa plano nilang pagpapakasal. Ganoon na lamang ang pagkabigla ng mag-asawang Ruperto at Liling sa ginawang pagtatanan nina Ernie at Ine habang sila'y magkakaharap na magkausap sa may salang yari sa kawayan.

"Ano? Nagtanan kayo!" ang nanggagalaiting tinig ni Liling, "Ang lakas-lakas ng loob mo Ernie...may ipapakain ka na ba riyan sa mapapangasawa mo...baka sa amin lang kayo aasa?"

Palipat-lipat naman ang tingin ni Ruperto na dinarama ang mga nasa loob nina Ernie at Ine na tahimik lamang na nakikinig sa sermon ni Liling.

"Ine...di ka ba napilitan lamang na sumama ka kay Ernie? Alam mo na ba ang buhay na susuungin mo sa piling ni Ernie kapag nagkapangasawahan na kayo?" ang untag ni Ruperto.

Binasag ni Ernie ang kanyang pananahimik.

"Kuya...sa loob ng dalawang taon nakapag-impok na rin kami ni Ine...katunayan, may joint account kami sa banco ni Ine, palagay ko naman sapat na 'yong naimpok namin , kahit simpleng kasal, makapagpapakasal na kami..." ang paliwanag ni Ernie.

Hindi mapakali si Ine. Di-malaman kung paano sasabat sa usapan. Nagpasiya sa sariling makinig at magmasid na lamang sa usapan.

"Saka, isa pa Kuya...Ate Liling nasa hustong gulang na kami ni Ine..." patuloy na pagpapaliwanag ni Ernie.

"Nasa hustong gulang na pala kayo...e bakit kailangan pa ninyong sumangguni sa amin?" ang taas-kilay na pagtataray ni Liling.

Di na pinansin ni Ernie ang pagtataray ng hipag sa halip nagpatuloy siya sa kanyang sinasabi.

"Ate Liling...Kuya..makikiusap sana kami na dito na namin idaos ang pagpapakasal namin ni Ine sa lumang bahay natin, kami na ang bahalang tumawag ng paring magkakasal sa amin at dito na rin kami maghahanda...lahat-lahat kami na ni Ine ang sasagot sa gastos ng kasal namin!"

"Sige, sagot na namin ng Ate Liling mo ang lechon sa kasal ninyo ni Ine...baka naman sabihin mo Ernie na pinabayaan na kita..." ang pakli ni Ruperto.

"Bakit? Bakit? Pumayag na ba ko!" ang mariing sabi ni Liling.

Waring napapahiyang nilapitan ni Ruperto si Liling at masuyong hinagod-hagod ang likod ng mataray na asawa.

"Pumayag ka na...pagbigyan mo na ko...matagal na rin namang naglilingkod sa atin si Ernie..."ang masuyong pakikiusap ni Ruperto sa asawa.

"Sige na nga! Sa isang kundisyon, pagkatapos ng kasal nila...bubukod na sila...di ako papayag na dito titira ang mag-asawang 'yan!"

Nakakuha ng tiyempo si Ine na bagama't halatang namumula na ang pisngi sa ginagawang pagtitimpi sa sarili, pilit na ngiti pa rin ang isinusukli sa pagtataray ni Liling.

"Opo Ate Liling...Kuya Ruperto...'wag po kayong mag-alala...bubukod po kami ni Ernie pagkatapos lang ng kasal namin," sabay-ngiting nakatingin si Ine kay Ernie na pilit na pinagagaan ang mabigat na saloobin.

"Mabuti na 'yang nagkakaintindihan tayo! Maliwanag ba?" ang patuloy na naninindak na matalim na tabas ng dila ni Liling.

Pilit na pinapayapa naman ni Ruperto ang asawa.

"Masanay ka na Ine sa Ate Liling mo...ganyan lang talaga 'yan...pero ang totoo...mabait 'yan," ang pagtatanggol ni Ruperto sa asawa.

"Tumigil ka nga Ruperto diyan! Impaktita talaga ko sa mga taong di ako kayang pakibagayan!" ang mariing pagtutungayaw ni Liling.

Naagaw na lang ang pansin nilang lahat sa lakas ng boses ng isang lalaking lasing at malakas na tinadyakan ang tarangkahan ng bakuran ng kanilang lumang bahay habang hawak-hawak nito ang isang iwinawasiwas na itak.

"Liling, lumabas ka riyan...wala kang kwentang kapit-bahay...wala kang budhi! Kung pinautang mo lang ako...sana buhay pa ang asawa ko!" ang pagtutungayaw ng lasing na lasing na kapit-bahay.

Sa labas ng kalsada, unti-unti nang dumadami ang nag-uusyuso.Ang mga trabahador naman sa balutan ay di-malaman ang gagawin. Ikutan nang ikutan. Naghanap ng madadampot na pamalo at humanda sa pag-atakeng gagawin ng nagwawalang lasing.

Mga nabiglang nagdungawan sa bintana sina Liling, Ruperto, Ernie at Ine. Nangangaykay sa takot na yumakap kay Ernie si Ine. Pilit na kinikilala ni Ernie ang nagwawalang kapit-bahay. Nang makilala ni Liling ang nagwawalang lasing na kapit-bahay.

"Mang Damian, lumabas ka sa loob ng aking bakuran...kundi ipaba-baranggay kita! Kung namatay man ang iyong asawa...huwag mong isisi sa akin...kailanman di kita pauutangin...wala ka namang trabaho...tambay ka...paano kita pauutangin! Lumabas ka sa bakuran ko...kundi babarilin kita!" ang matapang na pagbabanta ni Liling.

"Liling ano bang pinagsasabi mo? Wala naman tayong baril ah!" ang halos paanas na pabulong ni Ruperto sa asawa.

"Tonto...tumahimik ka riyan...sinisindak ko lang..." ang nagtatapangang turan ni Liling.Di na kumibo si Ruperto at lihim na humanga sa diskarte ng asawa. Nanlilisik ang matang galit na galit ng naghuhurumentadong lasing na nang matanaw ang impaktitang si Liling ay hangos na umakyat ito sa hagdan ng lumang bahay at pinagtataga ang pinto.

Biglang nawala ang tapang ni Liling. Kinabahan. Di malaman ang gagawin. Napasigaw si Ine sa matinding nerbyos. Pinilit na pinakalma ni Ernie si Ine. Pinapasok nina Ruperto at Ernie sina Liling at Ine sa kwarto at sila ay humanda sa gagawing pag-atake ng lasing na nagwawala.

Lumabas sa balutan naman ang mga bikol na trabahador na may kanya-kanyang bitbit na pamalo at tinungo ang kinaruruonan ng naghuhurumentadong lasing na malakas na tinatadyakan ang pinagtatagang pintuan ng lumang bahay.

All reactions:10Edil Larin, Herman Manalo Bognot and 8 others

"MAGHINTAY KA LAMANG..AKO'Y DARATING"Kathambuhay na Nobela ni Zampagitang AzulWhere stories live. Discover now