UNANG KABANATA: AANDAP-ANDAP NA ILAWAN (Tagpo 4)

156 7 0
                                    


"MAGHINTAY KA LAMANG... AKO'Y DARATING"

Kathambuhay na Nobela ni Zampagitang Asul

UNANG KABANATA

AANDAP-ANDAP NA ILAWAN

Ikaapat na Tagpo

Mabillis na lumipas ang panahon. Matandang binata na si Ernie nang magtagpo ang landas nila ng magandang dilag na si Ine na taga-Nueva Ecija. Halos di sila nagkakahuli ng edad. Magtetrenta anyos na si Ernie samantalang beinte otso anyos na si Ine. Napag-iwanan na si Ernie ng mga barkada niya sa kanilang lugar na halos lahat may pamilya na.

Nuong araw na yaon, may kakaibang sigla at ningning sa mata si Ernie nang muling magkita sila ni Ine sa bilihan ng itikan sa Pampanga. Gayun din si Ine, may kakaibang kislap sa mga mata kapag nagtatama ang paningin nila ni Ernie. Paano nga ba nagsimula ang kwento nilang dalawa? 

Sa matagal-tagal na rin nilang pagtatagpo kapag nagkakasabay silang namimili ng itlog ng itik sa Pampanga, noon lang sila nagkaroon ng pagkakataong makapag-usap na dalawa. Marahil, nagkataong kakaunti lang ang namimili noong araw na yaon. Tiyempo namang nagkatama ang kanilang mga paningin. Nginitian ito ni Ernie. Nagkaroon nang di-maipaliwanag na saya si Ernie nang gumanti sa kanya ng ngiti si Ine.

"Mawalang galang na po, magandang binibini...tagasaan po ba kayo?" tanong ni Ernie na kapansin-pansing kinakabahan.

"Taga-Nueva Ecija po!" ang nakangiting tugon ni Ine.

"Bakit dito po ninyo naisipang mamili...eh ang layo po ng Nueva Ecija sa Pampanga. Di po ba marami ring itikan duon?" nagtatakang tanong ni Ernie.

"Opo, kaya lang madalas po kinakapos na rin sa itlog ng itik sa lugar namin sa dami ng namimili. Huwag na nga po ninyo kong pupuin...sa tingin ko'y mas matanda pa kayo sa akin?" ang pagbibirong tugon ni Ine.

Natawa si Ernie. Di na siya namupo. Lalong lumakas ang loob niya."Kung iyong mamarapatin, magandang binibini, pwede bang malaman ang pangalan mo?" ang tanong na nananabik ni Ernie.

"Wonderwoman", ang walang kagatol-gatol na pagbibirong tugon ni Ine na halatang kinikilig-kilig pa. "Ikaw naman, ano ang pangalan mo?"

"Superman," ang nakangiting ganting pagbibiro naman ni Ernie.

Napabulalas naman ng tawa si Ine sa tinuran ni Ernie. Sabay na nagtama ang nanlalagkit na paningin nila sa isa't isa habang nagtatawanan.

Biglang sumabat ang matabang babaeng may-ari ng itikan na kanina pa nakikinig sa kanilang usapan habang may kinakausap pang ibang mamimili ng itlog ng itik sa isang maluwang na bakuran na kanyang pagmamay-ari.

"Kaya magkabagay kayo!" ang panunudyong pakli ng may-ari ng itikan na si Aling Magda. Lalong napahagikgik ng tawanan sina Ernie at Ine. Ang mangilan-ngilang mamimiling naroroon ay palihim na nangingiti sa kanilang usapan.

Halatang naka-move on na si Ernie sa iba't ibang mabibigat na pagsubok na dumaan sa buhay. Ngayon nga'y ganap nang maunlad ang pamumuhay ng kanyang Kuya Ruperto. Mayroon na rin itong sariling delivery truck van at nagdagdag pa ng maraming incubator.Nang sandaling yaon, tila nawawala sa sariling bumubuo na si Ernie ng pangarap para sa kanilang dalawa ni Ine. Habang minamasdan niya si Ine, para siyang ipinaghehele ng isang anghel sa di-maipaliwanag na ligayang nararamdaman sa mga sandaling yaon.

"Ernie, tutuo nga bagay kayo ni Ine," untag na panunuksong muli ni Aling Magda.

"Guwapo ka naman, masipag at si Ine naman maganda at dalaga pa rin naman...malakas ang appeal...ang dami kayang nanliligaw riyan na mamimili ng itlog ng itik...saka isa pa nasa hustong edad na kayong dalawa..sunggaban mo agad baka maunahan ka pa ng iba!" ang pangungulit ng may-ari ng itikan.

Umugong ang tawanan sa paligid. Nabuhayan lalo ang loob ni Ernie sa narinig. Di na rin naitago ni Ine ang kilig sa puso na nararamdaman niya. Halatadong si Ernie ang tipo niyang lalaki na magdadala sa kanya sa pinapangarap na kaluwalhatian.

Si Ine na nga ba ang magsisilbing katuparan ni Ernie sa pagkakaroon ng isang masayang pamilyang silang dalawa ang bubuo sa hinaharap na puno ng pagmamahalan sa piling ng kanilang naggagandahan, matatalino, magagalang at mababait na mga anak? Nangingiti siyang binubuo na niya ang pangarap nilang dalawa ni Ine na gaya ng kanyang Kuya Ruperto at pamilya nito ay magkakaroon din sila ng isang malaking pagawaan ng balot na mag-aahon sa kanila sa kahirapan na magbibigay-daan para mabigyan niya ng magandang kinabukasan ang kanyang magiging pamilya sa piling ni Ine.

Matapos ang kanyang paggugunam-gunam, bigla siyang sinaklot ng di-malirip na pangamba. Paano kung pinasasakay lang siya ni Ine? Paano kung nakiki-ride on lang ito? Nawika niya sa sarili, di dapat siyang nagseseryoso agad. Paano kung mabigo siya? Ayaw na niyang masaktan pang muli gaya ng pagkawala ng kanyang ama't ina. Naisip niya iiwasan na lang niya si Ine at itutuon na lang niya ang isip sa hanapbuhay.

"Ernie pala ang pangalan mo...oy Ernie eto yung calling card...family business card namin 'yan...nandiyan din yung cp no. ko...yung naka-highlight...tawagan mo ko ha? Para pag nagkikita tayo sa bilihan ng itikan....mailibre mo man lang ako ng pananghalian...," sabay tawa ni Ine.

"Aba'y oo..." tila wala sa sariling napasagot si Ernie na nag-aagam-agam pa, kaya lang, aminado siya sa sarili na ang sarap-sarap ng 'feeling niya' pag ganitong nagbibiro sa kanya si Ine.

Sa paghihiwalay nila ni Ine nuong araw na yaon, pakiramdam niya'y nasa ikapitong alapaap siya. 'Feeling' ni Ernie, 'high na high' siya at palihim na nangingiti habang minamaneho niya ang sarao na dyipni pauwi ng Baliuag na lulan ng mga pinamiling itlog ng itik. Nasabi niya sa sarili, bahala na. Saka isa pa tumatanda na siya, kailangan na rin niyang lumagay sa tahimik. Sabi nga ng iba, suwerte-suwerte raw ang pag-aasawa. Nawala na ang mga agam-agam sa sarili ni Ernie at may mga ngiti na sa kanyang mga labi. Nausal niyang sana, suwertihin siya!

"MAGHINTAY KA LAMANG..AKO'Y DARATING"Kathambuhay na Nobela ni Zampagitang AzulМесто, где живут истории. Откройте их для себя