IKALIMANG KABANATA : IGINUHIT NA PANGARAP (Tagpo 44)

46 2 0
                                    


"MAGHINTAY KA LAMANG.... AKO'Y KADARATING"


Kathambuhay na Nobela ni Zampagitang Azul


IKALIMANG KABANATA


IGINUHIT NA PALAD


Ikaapat-napo't apat na Tagpo


Mabilis na lumipas ang mga araw at buwan, sinimulan na ng mag-asawang Ernie at Ine ang kanilang pagawaan ng balot. Kabilang sa Isa sa mga sampong trabahador si Mang Damian na kanilang kinuha gaya ng pagsunod nila sa pangako sa matanda sa 'hatchery ng balotan'.Sa loob ng ilang buwan pa lamang, sa awa ng Diyos, parang sumusubong sinaing, ganon kalakas ang kanilang negosyo sa dami ng mga orders.


 Marahil, malaki ang naging tulong ni Louie na masipag mag-upload ng mga vlog tungkol sa proseso ng pagbabalutan sa negosyong itinayo ng mag-asawang Ernie at Ine sa Youthtube at FB. Malaki rin ang naging tulong ni Arianne kay Ernie na hindi nakatanggi nang alukin niyang sila na ang maghuhulog sa isang malaking balutan station nila sa Cebu.


Malaunan, napasok na rin nila ang Luzon, Visayas at Mindanao, na ang lahat ng orders ay dinadala nila sa Pier at nagbabayad sila ng rental sa transport carrier para maihatid ang kanilang mga produkto.


Sa paglakas ng kanilang negosyo, naisipan na rin ng mag-asawa na magpagawa ng dalawang palapag ng hatchery ng balotan gayundin nagdagdag na rin sila ng maraming tauhan para matugunan nila ang lumalaking bilang ng mga orders. Di-makapaniwala sina Ernie, Ine at Luisa sa tinatamasa nilang biyaya sa buhay sa paniniwalang dininig ng Birheng Manaoag ang kanilang mga panalangin.


Kung dati-rati, ang kanyang Kuya Ruperto ang takbuhan ng kanyang mga naghihirap na kapatid na kadalasan ay inaalimura pa ni Liling, ngayon si Ernie na ang daingan ng kanyang mga kapatid na bukas-palad namang tumutulong sa mga ito na walang hinihintay na anumang kapalit.


Di-maipaliwanag nina Ernie at Ine ang kaligayahan nilang nararamdaman habang pinagmamasdan ang dalawang palapag ng pagawaan ng balotan na kanilang napagawa. Tanaw na tanaw nila sa ikalawang palapag na may makapal na salaming dingding si Luisa na abalang-abalang binabantayan ang mga trabahabor kabilang si Mam Damian na ginawa na ring katiwala ng mag-asawa.


"Ernie...parang nanaginip pa ko...isipin mo...uunlad ba ang buhay natin nang ganito kabilis?" ang sabi ni Ine sa asawa.


"Ako may di rin...makapaniwala sa bilis ng mga pangyayari."


"Alam mo...Ernie...lahat ng hiniling ko sa Mahal na Birheng Manaog..nagaganap na...kaya patuloy lang tayong manalig, magtiwala at manalangin sa kanya..." ang patuloy ni Ine.Maya-maya pa, makikitang bumababa na sa ikalawang palapag si Luisa patungo na sa ground floor na nadidindingan ng makapal na salamin. Lalapit ito sa kinaruruonan ng mag-asawa.


"Tila nangangarap pa kayong mag-asawa riyan,"bati ni Luisa.


"Kailan ba naman ninyo gustong ipaayos ang bahay natin sa harapan? Alangang-alangan na dun sa pinagawa ninyong pagawaan ng balutan," dugtong pa ni Luisa.


"Darating tayo riyan Ate Luisa...malapit na!" ang sambot ni Ernie.


"O, sige...asahan ko 'yan...sige maligo na muna ko ..."ang pakli ni Ate Luisa.


"Ate...pagkapaligo mo...maghanda ka na ng breakfast natin," ang paglalambing ni Ine sa Ate Luisa niya.


"O, siya...siya...maiiwan ko na kayo riyan..."mabilis nang tatalilis si Luisa para maligo."Kailan ba natin ipabe-blessing itong pagawaan ng balotan?" tanong ni Ine sa asawa.


"Pag natapos na nating maipagawa itong lumang bahay n'yo...sabay nating ipa-blessing..."sabi ni Ernie sa asawa na masuyo pang inakbayan.


"Saka natin kumdidahin sa blessing lahat ng kapatid mo pati Kuya Ruperto mo at Ate Liling, mga suki natin sa balotan, kamag-anak ko at kamag-anak mo...si Mareng Althea...musta na kaya si Mareng Althea...nami-miss ko na rin siya...saka si Arianne kumbidahin natin...laki kaya nang naitulong sa atin ng batang 'yan sa pagsisimula ng ating negosyo," ang pagduduklay naman ni Ine sa asawa.


"Sabik na rin akong makita ang naging anak namin ni Althea...gusto ko...kahit paano makabawi ako sa anak ko..." ang tugon naman ni Ernie.


Naudlot na lamang ang pagkukuwentuhan ng mag-asawa nang marinig nilang tinatawag sila ng kanilang Ate Luisa.


"May buyer tayo ng balot dito sa bahay...Ernie, Ine...balik na kayo sa bahay para maharap ninyo itong buyer natin!" ang sigaw ni Luisa.


Mabilis na sumunod agad ang mag-asawa. Pagpasok nila sa bahay, may limang matitipunong lalaki ang kanilang dinatnan na kausap ng Ate Luisa ni Ine.


"Sila po yung mga may-ari ng balutan..."pagpapakilala ni Luisa sa mga panauhin.


"Mga dati na po ba namin kayong suki o mga bago pa lang?" ang usisa ni Ernie.


"Mga ilan po bang balot ang inyong oorderin? ang tanong naman ni Ine.


Di-makahuma sa pagkabigla sina Luisa, Ernie at Ine nang magsipagbunot ng baril ang mga estranghero.


"Wag kayong magtatangkang lumaban kung gusto niyong mabuhay pa kayo!" ang pagbabanta ng isang singkwenta anyos na lalaki na may pilat sa nguso.Biglang naihi na lamang si Luisa sa matinding takot na nararamdaman. Nanginginig din ang buong katawan ni Ine sa sobrang pagkatakot. Pinipilit na pakalmahin ni Ernie ang sarili.


"Ernie...kunin na ninyo ang gusto ninyong kunin...wag lang ninyo kaming papatayin..."ang nagkakandautal na pakiusap ni Ernie.


Mabilis namang naghalughog sa buong kabahayan ang dalawang lalaking matipunong may hawak ng baril. Samantalang ang tatlo ay di inaalis ang pagkatutok ng baril kina Ernie, Ine at Luisa.


Sinamsam ng tatlong holdaper ang mga selpon nina Ernie, Ine at Luisa para tiyakin na di-makatatawag ang mga ito sa himpilan ng pulisya.


Habang naghahalughog ang dalawang holdaper na inutusan ng 'mastemind', nilagyan naman ng tape sa bibig sina Ernie, Ine at Luisa at saka itinaling magkakasalikop ang mga kamay.


Ilang saglit pa, nakabalik na sa sala ang nakapaghalughog, may tatlong daang libong pisong magkakapit at mga alahas ang kanilang nakuha.


Titig na titig na may kasamang panghihinayang ang mag-asawang Ernie at Ine sa tatlong daang pisong cash na kababayad lang ng nauna nilang suki kasama ang ilang alahas na agad isinilid sa malaking bag na itim na dala-dala ng ng mga holdaper.


Sumenyas na agad ang 'mastermind'sa mga kasama para sila ay makatalilis na agad. Sa labas, mabilis na sumakay agad ang mga holdaper sa isang lumang kotse at mabilis na pinatakbo.

"MAGHINTAY KA LAMANG..AKO'Y DARATING"Kathambuhay na Nobela ni Zampagitang AzulWhere stories live. Discover now