IKALAWANG KABANATA: KAPALARANG NAGHIHINTAY (Tagpo 19)

110 5 0
                                    


"MAGHINTAY KA LAMANG...

AKO'Y DARATING"

Kathambuhay na Nobela ni Zampagitang Azul

IKALAWANG KABANATA

KAPALARANG NAGHIHINTAY

Ikalabingsiyam na Tagpo

Pinatay ni Althea ang ilaw sa sala nang makita niyang natutulog na si Ernie sa malambot na sala na bilot na bilot ng kumot na makapal. Patuloy pa ring bumubuhos ang malakas na ulan.

Nagpasiya na si Altheang pumasok sa kanyang silid. Nakapikit na ang kanyang mga mata ngunit ayaw pa rin siyang dalawin ng antok. Nagbabalik sa kanyang alaala kung paano niya sinagip si Ernie sa pagkakalunod hanggang pangkuhin niya paakyat ng hagdan at nang magkalapat ang kanilang mga labi ni Ernie habang ginagawa niya ang mouth to mouth resuscitation para ibalik muli ang malay ni Ernie na sa mga oras na 'yun ay nagbakasakali siyang mabuhay pa.

Di niya maipaliwanag ang sarap sa pakiramdam nang madampian niya ang labi ni Ernie.

Habang lumalalim ang gabi, nakaukit pa rin sa kanyang isip ang mala-adonis na pangangatawan ni Ernie at ang mukhang mala-Gabby Concepcion, nagkataon pa namang crush niya si Gabby Concepcion. Ang dami ng pelikula nito ang kanyang nasubaybayan. Kinikilig talaga siya sa artistang ito.

Walang ano-ano'y kitang kita niya ang pagguhit ng matalim na kidlat sa nakasaradong bintana ng kanyang silid kasunod ang dumaragundong na kulog.

Di nakatiis si Althea. Lumabas siya sa kanyang silid. Sinilip sa sala ang natutulog na si Ernie. Patuloy pa rin ang malakas na buhos ng ulan.

Inaninag ni Althea sa dilim si Ernie. Napansin niyang di na ito nakahiga sa malambot na sala. Nakahiga ito sa malapad na sahig na tabla. Naisip ni Althea na lumipat ito sa sahig. Napansin niyang nanginginig ito, parang nahihibang at may inuusal na pangalan. Maingat siyang lumapit nang mas malapit pa para marinig ang sinasabi ni Ernie. Tama siya. Sinasambit-sambit nito ang pangalang Ine.

Tinawag niya sa pangalan si Ernie ngunit parang di siya naririnig nito. Patuloy pa ring tinatawag ang pangalan ni Ine. Sininat ni Althea si Ernie, tama ang kanyang kutob. Pakiwari niya'y mataas ang lagnat nito at sa oras na 'yun ay nahihibang.

Nagtungo agad si Althea sa kusina. Kumuha ng malamig na tubig at bimpo si Althea. Nang makabalik na sa sala, binuksan ang ilaw. Pinunasan sa mukha, leeg si Ernie at inalis ang t-shirt ni Ernie, at pinunasan ang katawan nito. Patuloy pa rin itong nahihibang, mataas na mataas ang lagnat nito habang tinatawag ang pangalan ni Ine.

Sa di-inaasahan, hinatak ng nahihibang na si Ernie ang kamay ni Althea habang rinig na rinig niya, "Mahal na mahal kita Ine!"

Inapuhap ni Ernie ang labi ni Althea habang sinasambit ang pangalan ni Ine.

Nawalan ng lakas si Althea. Nagpapatianod na siya, natatalo na siya ng tukso, gumaganti na siya ng halik, labi sa labi. Pakiwari ni Althea, tinangay na siya nang rumaragasang agos. Tinatalo ng nararamdamang init ang lamig ng panahon.

Sa labas ng bahay, patuloy na bumubuhos ang malakas na ulan, kasabay ang pagguhit ng matatalim na kidlat kasunod ang dumaragundong na kulog. Binabayo ng malakas na hangin ang bubong ng bahay ni Althea.

Sa loob ng bahay, dalawang anino ang nagsasalo sa kaluwalhatian ng gabi.

"MAGHINTAY KA LAMANG..AKO'Y DARATING"Kathambuhay na Nobela ni Zampagitang AzulWhere stories live. Discover now