IKAWALONG KABANATA : SALAMISIM (TAGPO 85-C)

29 2 0
                                    


"MAGHINTAY KA LAMANG...AKO'Y DARATING"

Kathambuhay na Nobela ni Zampagitang Azul

IKAWALONG KABANATA

SALAMISIM

Ikawalumpo't Limang Tagpo (C)

Tila namamalikmata si Ernie sa sobrang ganda ng palasyong ginto na mabilis na nililipad ng kabayong puting may pakpak na sinasakyan nila ng mala-diwatang babaing nadaramitan ng gown na kulay-pilak. Mabilis naman silang sinusundan ng mga lambanang naggagandahan. Patuloy na naririnig niya ang awiting "Maghintay Ka Lamang, Ako'y Darating...". 

Lalapag ang kabayong puting may pakpak sa maluwang na veranda ng palasyong ginto. Halos na kasabay rin nila na lalapag ang mga lambana na sumasabay sa pag-awit sa awiting "Maghintay Ka Lamang...Ako'y Darating".

 Daratnan nila ang isang prinsesang pagkaganda-ganda na naghihintay sa kanila. Pagkababa ng babaing tila isang diwata sa kagandahan na may tabing ang mukha ng telang kulay-pilak, yuyukod ito sa harap ng prinsesang naka-gown ng kulay-rosas. Tatawagin nito si Ernie sa kanyang pangalan.

"Ernie halika aking prinsipe, kay tagal kitang hinintay! Nananabik na ko sa iyo...halina't ako'y iyong isayaw..."

Parang wala sa sariling magpapatianod na lamang si Ernie sa kahilingan ng pagkaganda-gandang prinsesang sa kanya'y naghihintay na nakalahad ang mga kamay habang patuloy na pumapailanlang ang awiting "Maghintay Ka Lamang....Ako'y Darating."

Patuloy namang sumasabay sa pag-awit ang mga lambanang nakapalibot sa kanila na sadyang ipinagbubunyi ang pagdating ni Ernie. 

Nang magdaop na ang mga palad nila ng prinsesa, laking gulat ni Ernie nang makilala niya ang diyosa ng kagandahan.

"Arianne!"

"Ernie, lumikha ako ng mundong para sa ating dalawa lamang...naririnig mo ba ang awiting 'yan...nilikha ko 'yan para sa iyo...para sa ating dalawa,,,halika, isayaw mo ako aking giliw..."

Walang lakas si Ernie para tumutol. Kusa na siyang nagpapaubaya. Nakita na lamang niya ang sariling isinasayaw si Arianne sa saliw ng awiting kinompos ni Arianne. Kapwa sila lumuluha sa di-maipaliwanag na kaligayahan.

Mula kung saan, pumailanlang ang tinig ni Ine, nagpapatong-patong ang tinig ni Ine habang tinatawag ang pangalan ni Ernie.

"Ernieeeeeeeeeeeeeernieeeeeeeeernieeeeeee!"

Biglang magbabalik sa ulirat si Ernie. Gising na ang kanyang diwa. Biglang pumasok sa isip niya, muling nanaginip na naman pala siya. Tinangka niyang bumangon ngunit di siya makagalaw.

"Ine...tulungan mo ko...di ako makagalaw...Ine....Ine! Ibangon mo ko..."

Ngunit kahit ano ang kanyang gawing sigaw, parang di siya naririnig ni Ine. Pinilit ni Ernie na gumalaw hanggang naramdaman niyang parang nakakakilos na siya. Nagulat pa siya sa paghangos ni Ine sa loob ng silid na litong-lito at di malaman ang gagawin na may kasamang doktor. Kasunod si Luisa na bakas sa mukha ang labis na pag-aalala.

"Bakit anong nangyayari Ine? Bakit may kasama kang doktor?" pag-uusisa ni Ernie, "Ate Luisa, anong nangyayari rito?"

Ganon na lang ang pagtataka ni Ernie. Ni isa man sa mga kinausap niya, wala man lang isa mang sumagot sa kanya na tila baga di siya nakikita.

Pupulsuhan ng doktor ang lalaking nakahiga sa kama na di na gumagalaw. Mapapailing ito. Kakabahan si Ernie nang matunghayan niya ang lalaki sa kama.

"Diyos ko! Ako ang lalaki sa kama...patay na ba ako?"

"Ikinalulungkot ko po...di na humihinga ang inyong asawa!"

Dinig na dinig ni Ernie na pinag-uusapan siya. Parang gumuho ang mundo ni Ine sa narinig niya sa doktor na tinawag niya para tignan ang kalagayan ni Ernie. Kasunod noo'y magpapalahaw na sa pag-iyak si Ine.

"Ernie...ang daya-daya mo...bakit mo ko iniwan nang di man lang tayo nagkakaanak pa huhuhuhu".

Sa hangos na papasok naman sa silid sina Liling, Beet at Efren.

"Diyos ko...anong nangyari kay Ernie?"ang natatarantang pag-uusisa ni Liling."Binangungot..." ang mangiyak-ngiyak na tugon ni Luisa.

Lalapitan ni Ernie na labis na nabigla at patuloy na naghihinagpis ang kanyang katawang wala ng buhay.

"Diyos ko...ayoko pang mamatay...Lord please!"

Pagkalapit ni Ernie sa katawan niyang di na humihinga, tatangkain niyang mahiga sa kinapupuwestuhan ng katawan niya. Ilang saglit pa, magugulat ang doktor nang biglang dumilat ang mata ni Ernie.

Muli, pupulsuhan niya si Ernie. Takang-taka ang doktor nang magbalik ang pintig ng pulso nito.

"God! Anong misteryo 'to? The pulse of the patient is functioning now! Buhay na ang pasyente!"

"Yes! Thank you Lord...buhay na ang asawa ko! Yes! Magkakaanak pa kami!"

Yayakapin ni Ine nang buong higpit ang asawang si Ernie at pupupugin ng halik. Tuwang-tuwa ang lahat sa muling pagpintig ng pulso ni Ernie.

All reactions:3Grace Alon, Charet B. Monsayac and 1 other1

1LikeCommentShare

"MAGHINTAY KA LAMANG..AKO'Y DARATING"Kathambuhay na Nobela ni Zampagitang AzulTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon