IKASIYAM NA KABANATA : AGAW-LIWANAG-AT-DILIM (TAGPO 116)

7 2 0
                                    

"MAGHINTAY KA LAMANG...AKO'Y DARATING"

Kathambuhay na Nobela ni Zampagitang Azul

IKASIYAM NA KABANATA

AGAW-LIWANAG-AT-DILIM

Ikaisandaa't labing anim na Tagpo

Lumipat ang mag-asawang Ernie at Ine sa kwarto nina Althea at Adonis para makipagbidahan at para na rin madalaw ang magkapatid na Jershey at Aniway na dinatnan nilang kapwa mahimbing na natutulog pa. Si Althea lang ang naroon at ang mga bata.

"Wala 'ata si Pareng Adonis..." bati ni Ine.

"Umakyat sa roof deck...naglaro ng basketbol," sagot naman ni Althea.

"Buti pa sundan ko sa roof deck si Pareng Adonis, para makapagpapawis na rin..." ang pagpapaalam ni Ernie sa asawa at kay Althea.

"Sige sundan mo na Pareng Ernie at nang makapag-girls' talk naman kami ni Mareng Ine...." sabi ni Althea.

"Naku sinabi mo pa...sabik na akong makipagkwentuhan sa iyo Mareng Althea hahaha," sagot naman ni Ine.

Mabilis na tatalilis na si Ernie. Tinungo na nito ang elevator ng hotel, sa 3rd floor na malapit lamang sa tinutuluyan nilang condo unit. Marami na ring na nag-abang doon na gagamit na rin ng elevator. Nang mainip si Ernie sa paghihintay, minabuti na niyang akyatin ang mahabang hagdang pasikot-sikot patungong roof deck. Kaaalis lang ni Ernie nang bumukas ang elevator, naglabasan na ang mga sakay nito sa loob kabilang si Dr. Adonis na naka-short at t-shirt lamang na may hawak pang bola na halatang katatapos lang maglaro ng basketbol.

Nag-enjoy naman si Ernie habang inaakyat niya ang hotel na may tatlumpo't anim na palapag hanggang marating niya ang pinakatuktok nito na kinaruruonan ng roof deck. Matagal din niyang na "missed" ang pagja-jogging sa Padre Pio, naisip rin niyang maganda na rin itong pagkakataon para makapagpapawis na rin at maka-bonding si Dr. Adonis sa paglalaro ng basketbol.

Alam niyang, although, napagselosan siya nito, ok na naman ang lahat at isang magandang oportunidad ito para mapalapit ang loob nila sa isa't isa at maibalik nila ang tiwala sa isa't isa bilang magkumpare at mabura na rin sa isipan ng magaling na manggagamot na wala na siyang dapat pang pagselosan sa kanila ni Althea sapagkat tinapos na nilang dalawa ni Althea ang kasaysayan ng kanilang pag-iibigan at di nila kapwa hahayaan na masira ang magandang ugnayan ng kani-kanilang pamilya.

Humihingal pa nang marating ni Ernie ang roof deck. Wala na si Dr. Adonis doon. Ramdam niya ang nanunuot na lamig kaalinsabay nang manaka-nakang bugso ng malumigmig na hangin na sumasaboy sa kanyang buong kaakuhan.

Sa may di-kalayuan, may natatanaw siyang babaing nakatalikod sa kanyang kinaruruonan. Nakatanaw ang babae sa malayo habang nilalaro-laro ng manaka-nakang pagbugso ng hangin ang kanyang mahabang buhok. Parang pamilyar sa kanya ang magandang hubog ng katawan nito.

Nais sana niyang tanungin ang babae kung may nakita siya o inabutang lalaking naglaro ng basketbol sa roof deck. Nag-aalala siyang baka isang haponesa itong di man lang nakakaintindi ng wikang Ingles. Paano kaya niya tatanungin ito?

Sakto namang humarap ang babae. Nakayuko nang bahagya. Halatang malalim na nag-iisip. Naglakad nang marahan na tila di naman siya napapansin. Habang papalapit nang papalapit ang babae, di-makapaniwala si Ernie sa kanyang nakikita. Di ba siya namamalikmata lang?

Nang iangat ng babae ang kanyang ulo at magtama ang kanilang paningin ni Ernie. Kapwa napipilan ang dalawa. Kapwa di-makapagsalita. Kapwa kinakabahan.

"Ernie...ikaw ba 'yan? Di ba ko nanaginip lang? Paano mo kong nasundan dito sa Japan?" untag ng babae.

Walang isa mang salitang lumabas sa bibig ni Ernie habang di-maubos-maisip ang pagku-krus ng landas muli nila ng babaing ito.

"Bakit di mo na ko dinalaw sa Paraisong Ginto? Ano ang nangyari at biglang naglaho ka na lamang at sukat?" ang nagugulumihanang tanong ng babae.

Unti-unti nang lumilinaw kay ang Ernie ang lahat.

"Arianne, ikaw ba 'yan?" nasambit na lamang ni Ernie na takang-taka at tila wala sa sarili.Nang makaramdam sila ng malakas na pagyanig. Umuuga ang roof deck. Napayakap si Arianne nang mahigpit kay Ernie.

"Kay tagal kong inasam ang mga sandaling ito Ernie..." ang sabi ni Arianne na di-alintana ang malakas na pagyanig ng paligid habang lumuluhang yakap-yakap si Ernie. Di rin makapaniwala si Ernie. Kung nananaginip siya, gusto na niyang magising!

All reactions:4Grace Alon, Mary Bulaong and 2 others

"MAGHINTAY KA LAMANG..AKO'Y DARATING"Kathambuhay na Nobela ni Zampagitang AzulKde žijí příběhy. Začni objevovat