IKATLONG KABANATA : MAY BUKAS PA BANG DARATING? (Tagpo 27)

83 2 0
                                    

"MAGHINTAY KA LAMANG... AKO'Y DARATING"

Kathang Nobela ni Zampagitang Azul

IKATLONG KABANATA

MAY BUKAS PA BANG DARATING?

Kathambuhay na Nobela ni Zampagitang Azul

Ikadalawampo't pitong Tagpo

Gaya ng napagkasunduan, nais ni Ineng makilala nang lubusan si Althea, ang babaing nagligtas sa buhay ng kanyang kasintahang si Ernie. Gayundin si Althea, gusto rin niyang makilala si Ine, ang babaing unang minahal ni Ernie, ang babaing araw-araw ay nananalangin at hinihiling sa Diyos na makaisang-dibdib si Ernie sa harap ng altar.Sa pamamagitan ni Ernie, isang araw ng linggo, alas-otso ng umaga, napagkasunduan ng tatlo na magkita-kita sila sa Simbahan ng San Agustin, Intramuros, Maynila. Unang dumating si Ernie sa usapan. Maya-maya dumating na rin si Ine.

"O, Ernie kanina ka pa ba?" bati ni Ine.

"Kadarating lang din. Halos magkasunuran lang tayo..." sagot ni Ernie."Si Althea?" tanong ni Ine.

"Darating na 'yon!"

Tatlumpong minuto na ang nakalipas, wala pa ring Altheang dumarating. Nainip na sina Ernie at Ine.

"Baka natrapik..."ang sapantaha ni Ine. "Buti pa sa loob na lang ng simbahan natin siya hintayin Ernie.

"Sige...mabuti pa nga..." ang sagot ni Ernie na sa mga oras na yun ay halatang balisa.

 Nangangamba pa rin sa maaaring kahinatnan ng kanilang pagkikita-kita.

Sabay na pumasok sina Ernie at Ine sa loob ng simbahan. May mangilan-ngilan na ring tao sa loob. Humanap sila nang mapupuwestuhan. Ibinaba ni Ine ang luhuran at siya ay lumuhod at nanalangin nang taimtim. Sumunod din si Ernie, lumuhod din at nanalangin.Nang mapansin ni Ernie si Althea na nasa unahang mahabang upuan nila, na nakaluhod din at nananalangin. Biglang sumagi sa isip niya, na naunahan sila ni Althea sa kanilang usapan. Nasa loob na pala ito habang hinihintay pa nila ito sa labas. Bahagyang kinalabit ni Ernie si Ine at pabulong na itinuro si Althea. Pagkatapos manalangin ni Althea, umupo ito. At luminga sa bandang likuran nila. Saktong nahagip ng mata ni Althea si Ernie na katabi ni Ine. Nagpasiyang lumipat sa kinapupuwestuhan ni Althea ang dalawa. 

Pinagitnaan nila si Althea.

"Althea, kanina pa ba?" ang tanong ni Ernie.

"Oo kanina pa...napaaga ako ng dating sa usapan natin...kaya ipinasiya kong dito na sa loob maghintay..." ang tugon ni Althea.

"Ikaw pala si Althea, ang ganda mo pala!" ang bati ni Ine.

"Ikaw rin...kaya pala na in-love sa iyo si Ernie!" ang ganting bati ni Althea.

"Buti pa...labas na tayo...treat ka namin ni Ernie sa Casa Manila...

para duon na rin tayo magkabalitaan," ang nakangiting anyaya ni Ine.

Pagkalabas ng simbahan, nagtungo na sila sa Casa Manila. Sa pagpasok palang nila sa loob ng Casa Manila, may nakasalubong na silang mga guwardiya na nakasuot ng costume ng guardia civil. May mga inabutan din silang grupo ng mga artist na abala sa pagpo-photo shoot ng kanilang "play production" na may pamagat na Crisostomo Ibarra at Maria Clara na mga naka-costume pa sa panahon ng Kastila. May mga turista ring nag-uusyuso sa paligid.

Pansamantalang nalimutan nina Ernie at Althea ang mga suliraning bumabagabag sa kanilang kalooban habang nalilibang sa mga namamasid nila sa paligid na kasa-kasama ang tiwalang-tiwalang si Ine na walang kaalam-alam sa namagitan sa dalawa.Sa patuloy na paglilibot ng tatlo, masaya silang nagse-selfie. Malaunan, nagiging palagay na ang loob sa isa't isa nina Althea at Ine na magkasundong-magkasundo sa kanilang mga kakikayan at kadalasan pa nga ginagawa nilang katatawan si Ernie sa kanilang pagse-selfie.

Nang mapagod, nag-aya na si Ine na pumasok sa isang Brewed Coffee Shop sa loob ng Casa Manila. Amoy na amoy ang bango ng brewed coffee na may dalang pambihirang gayuma.

"Ang bango ng amoy!" ang sabi ni Althea. "Sakto, favorite ko pa naman ang brewed coffee!"

"Ako rin...magkapareho pala tayo ng taste!" ang pakli ni Ine.

Parang tuksong mapapatingin si Ernie kina Althea at Ine. Naisip ni Ernie kung puwede lang magpakasal sa dalawang babae, di siya mag-aatubiling pakasalan ang dalawang ito.

"Madalas ba kayo ni Ernie na mag-brewed coffee rito?" ungkat ni Althea.

"Hindi...first time lang niya rito! Si Ate Luisa at ako ang madalas rito. Pagkatapos naming magsimba sa St. Augustine Church...didiretso na kami rito ni Ate Luisa para mag-brewed coffee," ang patuloy na pagkukuwento ni Ine.

"Maiba ko ng usapan, nais kong pasalamatan ka sa pagliligtas mo ng buhay ni Ernie. Kung nagkataon pala at wala ka roon nang nalulunod si Ernie...malamang nabalo na ko nang di pa nakakasal..." sabay-tawang nagbibiro ni Ine.

"Siya nga pala Althea...pag nakaipon na kami..sa kasal namin ha...walang tanggihan ha...ikaw ang maid of honor!" ang duklay pa ni Ine.

Di-mapanatag naman sa pagkakaupo si Ernie. Pinamulahan naman ng pisngi si Althea. Di-malaman ang isasagot kay Ine.

All reactions:8Rachelle Bautista Mijares, Nepnep Adauj and 6 others


"MAGHINTAY KA LAMANG..AKO'Y DARATING"Kathambuhay na Nobela ni Zampagitang AzulWhere stories live. Discover now