Ika-animnapu't Walong Kabanata

48 5 0
                                    


NAPAMULAT bigla si Mars nang may kung anong basang bagay ang tumama sa kanyang mukha. Binuhusan pala siya ni Venus ng tubig mula sa kanang kamay nito, dahilan upang ang binata ay magising.

"Bumangon ka na!" sabi ng dalaga habang inaayos ang medyo gulo nitong buhok. Agad din namang bumangon si Mars. Ramdam ng binata na parang nanumbalik na ang lakas niya. Paano, halos limang oras din silang nakatulog.

"K-kanina ka pang gising?" tanong ng binata sa dalaga. Iniangat din ni Mars sa kanyang harapan ang kanan niyang kamay. Tila hinahawakan niya ang hangin at sa isang kisapmata'y biglang isang pulang apoy ang sumiklab mula roon.

"Okay na uli ang apoy ko..." Pagkatapos noon ay pinatay niya iyon gamit ang kaliwang palad. Dahan-dahang naubos ang apoy hanggang sa usok na lang ang matira at sumama iyon sa hangin.

"Kilala mo ba sila?" seryosong tanong ni Venus na sandali munang umupo sa ibabaw ng isang malaking tipak ng bato na mula sa wasak na mansyon ni Lolo Mera.

"Hindi ko sila kilala," sagot naman ni Mars na seryoso namang pinagmasdan ang kanyang espadang si Hiken.

"At masasabi kong mas malakas sila kumpara sa atin..." dagdag pa ng binata at marahan niyang iwinasiwas sa hangin ang kanyang sandata. May nilikhang mahinang tunog iyon. Nagpalabas naman si Venus ng kaunting tubig mula sa kamay nito at ipinanglinis nito sa mukha.

"Idagdag pa si Jupiter na kontrolado na rin ng ating kalaban," pahabol pa ng binata at medyo may pagkagulat si Venus sa nangyari sa kanilang kaibigan.

"Kung gano'n, paano natin sila matatalo kung mas malakas sila?" Pinunit din ni Venus ang kaliwang manggas ng damit nito at ipinunas sa basang mukha.

"Wala pa akong alam sa ngayon... pero alam kong mayroon," sagot ni Mars na tinitingnan ang repleksyon ng kanyang mukha sa talim ng espada niya.

Pasimple namang napangiti si Venus sa pagiging positibo ng binata.

"Palagay mo, ayos pa kaya si Lolo Mera? Mukhang matindi ang naging laban dito," ani Venus na tumayo na mula sa pagkakaupo nito. Saglit din itong sumuntok-suntok sa hangin.

"Okay pa si Lolo, at mukhang humingi sila ng tulong mula sa Elementalika... Nakakaramdam ako ng maraming aura mula sa iba't ibang lugar."

"Isa pa, hindi tayo dapat magpadalos-dalos sa mga gagawin natin. Kailangan nating mag-ingat at magpalakas!" wika ni Mars na ikinagulat ni Venus.

Napangiti ang dalaga at nagulat naman si Mars nang hawakan nito ang noo ng kasintahan.

"Hmmm? Wala ka namang lagnat ah? Ikaw ba talaga iyan Mars?" tanong ng dalaga at pinisil pa nito ang kaliwang pisngi ng binata.

"Arayyy!" bulalas naman ni Mars na kaagad umatras palayo sa dalaga. Hinimas at hinilot niya ang kanyang namumulang pisngi. Tinawanan nga lang siya ni Venus dahil doon.

"Ang laki na talaga ng ipinagbago mo Mars..."

Isang munting ngiti ang sumibol mula sa mapulang labi ni Venus habang pinagmamasdan ang binata. Tila may kung anong kislap si Mars sa paningin ng dalaga.

"Hindi ako nagbago. Ako pa rin si Marcelo Falcon!" ani ni Mars na nakahanap agad ng tali para sa espada niya. Isinakbit niya iyon sa kanyang likod pagkatapos.

Sa kabila ng palala nang palalang sitwasyon sa mundo ng tao, ang prinsipe ng Apoy na si Mars ay nananatiling kampante at positibo. Dahil doon, ang apoy niya ay unti-unting lumalakas at sumisiklab nang hindi nila napapansin o nalalaman.

*****

LUMAPAG sina Haring Alpiro sa harapan ng mga nagkalat na kampon ng mga kalaban. Ito ay ang mga taong nagmistulang zombie dahil sa itim na aura. Ramdam nga nilang lahat ang tila pagbigat ng pakiramdam nila dahil sa lakas ng kapangyarihang itim na dumadaloy sa paligid. Tila mga daga sila na pumasok sa kulungan ng isang mabangis na leon.

Kokoro no Honoo  by Taong Sorbetes (COMPLETED)Where stories live. Discover now