Ika-isandaan at Siyam na Kabanata

50 5 0
                                    


FH60

ANG ARAW para malaman ang kapangyarihang elemental sa Dakoroso ng mga kabataang edad labing-anim ay nagsimula na. Taunan itong ginaganap sa malaking pabilog na bahay na nasa gitna ng isang malawak na obal. Napapaligiran ang malawak na lugar na iyon ng mga nakatayong mga haligi at rebulto. Makikita rin dito ang apat na tore na tamang-tama ang layo mula sa isa't isa. Sa itaas din nga ng mga ito ay makikita ang apat na simbolo ng mga elemento.

Ang Apoy, Tubig, Hangin at Lupa.

Ang lugar na ito ay tinatawag na Simula. Sinasabi nilang sa oras na lumabas ang isang indibidwal mula sa loob ng bahay na narito ay simula na rin nila ito bilang isang nilalang na may elemental na kapangyarihan. Lahat ng mga kabataan ay nangangarap na pumasok sa loob nito sa pagdating nila sa kanilang wastong gulang. Ito ay dahil magkakaroon na sila sa wakas ng kapangyarihan na nakikita lang nila sa mga mas matatanda sa kanila, sa mga magulang nila at sa mga malalakas na indibidwal sa Dakoroso.

Ang pagkakaroon ng kapangyarihan ay isang bagay na inaasam nila sapagkat doon pa lamang nila makukuha ang respetong hinahanap nila mula sa iba. Ang kapangyarihang lalabas din sa kanila ay maaaring nakadepende sa dugong nanalaytay sa kanila. Kung ang kanyang ama ay apoy ang kapangyarihan, may walumpung porsiyento na makamit niya iyon. Ang tsansa naman na ang abilidad na makuha nito mula sa ina ay may mababang pagkakataon at napakabihirang mangyari. Para naman sa ang magulang ay pareho ng kapangyarihang elemental, may isandaang porsiyento naman na makuha rin ito ng magiging anak nila.

Sa pagpatak ng bawat isa sa Dakoroso sa edad na labing-anim, silang lahat ay dapat may kapangyarihan na. Kaya nga, ginaganap ang bagay na ito sa kalagitnaan ng taon. Ang lahat ng mga kabataang nasa ganoong edad ay may karapatan nang makita ang kanilang mga abilidad sa lugar na ito.Nagmula sila sa mga malalaking pamayanan sa siyudad. Makikita na may mga kabataang grupuhang tumungo rito. Makikita rin na may ilan namang mag-isa lamang. Mapapansin din sa mga suot nila ang mga estado nila sa buhay, kaya nga ang ilang nasa mababang antas ng pamumuhay ay nais na kaagad magkaroon ng kapangyarihan upang hindi sila maliitin ng iba. May mga pagkakataon kasi na ang antas ng pamumuhay nila ang humahati sa kanilang mga paniniwala na nagiging dahilan upang magkaroon ng mga labanan sa siyudad.

Sa gitna ng maraming mga kabataan ng Dakoroso na naroon ay isang grupo naman ang nangingibabaw sa parteng palikod. Ang mga dinaraanan nila ay agad na humahawan sa kanilang paglapit. Sino ba namang hindi matatakot sa mga iyon? Sila ay ang mga lagalag na kabataan sa sentro ng Dakoroso. Sila ay ang grupo na kinatatakutan ng mga kabataang walang kapangyarihan. Kilala sila sa mga panggugulo sa sentro at madalas ay nagpapaiyak sila ng mga tulad nila. Minsan din ay binubugbog nila at pinagtatawanan pagkatapos nilang matipuhan na gawan ng mga ganitong bagay. Kaya nga madalas ang mga kaedarin nila ay hindi na naglalalabas ng kanilang mga bahay dahil baka sila mapagaya sa iba na walang kaawa-awang hinuhubaran ng mga ito sa sentro.

May mga kawal na nga ang sinusubukan silang hulihin kaso, masyado silang madulas sapagkat isang may kapangyarihang elemental din ang tumutulong sa kanila. Sa huli, hinayaan na lang nila ang mga iyon lalo't hindi naman sila pumapatay.

Nasa unahan ng mga kalalakihang iyon si Seb. Siya ang pinuno ng grupo at wala siyang inuurungang laban. Malakas siya pagdating sa pisikalang laban at kung lalabanan niya ang kaedarin niyang walang kapangyarihan ay tiyak na wala silang laban dito.

"Paunahin ninyo ang kuya Seb ko!" nakapamulsang winika ng kapatid nitong si Xevi. Mahaba ang buhok ng binatang ito at palaging nasa likuran ng kanyang kuya kapag naglalakad ito. Magkasing-edad sila at ang totoo'y hindi talaga sila magkadugo, ngunit dahil sa isang ritwal na ginawa nila ni Seb ay itinuring siya nito bilang nakakabatang kapatid.

Kokoro no Honoo  by Taong Sorbetes (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon