Ikalimang Kabanata

5.2K 176 7
                                    

"S'ya!"

"Siya ang kumursunada sa akin dito!" Gigil na gigil akong itinuro no'ng lalaki sa dalawa niyang kasama. Naaalala ko siya, ito 'yong lalaking minamanyak ang girlfriend niya. Mukhang babawi at nagtawag pa ng resbak.

Pero naalala ko na may klase na ako maya-maya at kung papatulan ko sila ay baka hindi ako maka-attend dito. Mathematics pa naman at sa pagkakaalala ko ay may exam kami do'n. Mukhang nasa gipit akong sitwasyon ngayon.

"Mga P're, may klase pa ako. Sige," wika ko sa kanila. Paalis na sana ako nang bigla akong balyahin no'ng isa. Muntik na akong mapasubsob sa semento, mabuti na lang at naialalay ko agad ang aking kamay. Pero nang ako'y tatayo na ay bigla na lang akong hinawakan sa magkabilang braso ng dalawang kasama ni Boy Manyak. Pwersahan nila akong itinayo, pinilit ko pang makawala pero hindi ko nagawa. Ngising-demonyo si Boy Manyak sa akin at gigil na gigil na hinila ang kwelyo ng polo ko.

"Ikaw pala 'yong Marcelo! Gago ka," wika niya sa akin at isang malakas na suntok ang tumama sa sikmura ko. Muntik na akong mapasuka sa lakas no'n at napangiwi pa ako dahil sa sakit.

Hindi pa siya tapos at iniangat niya ang mukha ko para kanyang makita ang pag-ngiwi ko.

"Ano? Hindi ka makalaban?" pagkatapos niya iyong sabihin ay sabay-sabay nila akong tinawanan. Pero natigilan sila nang makitawa rin ako.

"Anong nakakatawa?" wika ni Boy Manyak na halos pigain ang leeg ko. Napa-ubo na lang ako sa ginawa niyang iyon pero nginisian ko siya pagkatapos.

"Hindi ka ba nag-iisip? Tatlo kayo at isa lang ako. Paano ako makakabawi?" wika ko sa kanya.

"Gawain lang iyan ng mga duwag! Nagtawag ka pa ng kasama."

Napikon siya sa sinabi ko at isang suntok ang tinanggap ng aking mukha mula sa kanya. Napayuko ako at nanghina ang tuhod ko sa lakas no'n. Naramdaman ko na may dumaloy na dugo sa aking labi.

Mahigpit pa rin ang kapit no'ng dalawa sa akin pero siguro'y dapat na akong bumawi. Medyo nahihilo pa kasi ako subalit kaya ko pa naman.

Susuntukin pa sana ako ni Boy Manyak pero mabilis akong nakapag-counter attack. Agad kong tinuhod ang sikmura niya. Sa lakas no'n ay napaluhod siya na kapit-kapit ang tiyan. Dahil sa nangyari, mukhang reresbak na 'yong dalawa pero napaghandaan ko na iyon. Buong-lakas kong ibinalibag ang nasa kaliwa ko at mabilis kong sinipa sa binti ang nasa aking kanan. Nang lumuwag ang kapit nila ay dali-dali akong lumayo. Kahit medyo sumasakit ang ulo at nahihilo pa ay kailangan ko pa ring mag-ayos. Mabilis na naka-recover kasi 'yong tatlo at halatang babawian ako.

"Gago ka!" wika ni Boy Manyak at mabilis niya akong sinuntok pero naiwasan ko ito. Muli siyang napaluhod dahil sa tumamang kamao ko sa sikmura niya. Subalit biglang umikot ang paligid ko nang may tumamang suntok sa kanang sintido ko. Nawalan ako ng balanse at tuluyan akong natumba.

"Itayo natin Brad," utos no'ng sumuntok sa akin sa isa niyang kasama. Para akong lantang gulay nang itayo nila ako. Paika-ika na lumapit si Boy Manyak sa akin. Asar na asar ang itsura niya dahil sa ginawa ko.

"T-tarantado ka!" bulalas niya. Walang-awa niya akong pinagsusuntok. Ramdam na ramdam ko ang sakit ng mga iyon. Maiyak-iyak na ako dahil bukod sa sakit ay nahihilo pa ako at medyo sumasakit pa ang ulo. Ilang sandali pa'y ibinagsak nila ako at pinagsisipa. Mahina ko pang naririnig ang kanilang mga tawanan. Bumibigat na ang pilik-mata ko at parang gusto ko nang matulog.

NAKARAMDAM ako ng kakaibang init sa katawan ko. Hindi ito pangkaraniwan, parang unti-unti akong nagkakalakas. Dahan-dahan kong iminulat ang mga mata ko. Muli ko ring narinig ang tunog ng paligid. Iginalaw ko ang aking mga kamay, mukhang kaya ko pa. Nakakapagtaka pero, ayos ito dahil mababawian ko pa ang tatlong ito.

Kokoro no Honoo  by Taong Sorbetes (COMPLETED)Where stories live. Discover now