Ikalabing-anim na Kabanata

3.5K 132 5
                                    

PALAKAS nang palakas ang hiyawan ng marami dahil sa sunod-sunod na suntok na tinanggap ko mula kay Jupiter. Nakakaya ko pa namang tanggapin ang mga iyon subalit nagtataka talaga ako kung bakit 'di ko matamaan ang matabang ito. Hindi tuloy maiwasang mapaisip akong baka taga-Elementalika ang katapat kong ito. Sa pagkakaalala ko kasi, hindi gumagana sa mga tulad naming may kapangyarihan ang abilidad naming makitang bumagal ang kilos ng atake ng mga ito.

"Matibay ka rin pala. Hindi na ako magtatakang naglakas-loob kang banggain kami!" pagyayabang pa niya sa akin. Nginisian ko naman siya at tiningnan pa ng masama.

"Matibay ka rin kaya magseseryoso na ako..." seryoso ko namang tugon sa kanya. Napagdesisyunan ko nang dagdagan na ng lakas ang aking atake. Hindi siya basta-bastang kalaban kaya tatalunin ko siya... para sa nanay ko.

"Sumugod ka... Taba!" pang-aasar ko at mukhang epektibo. Ang sama kaagad ng tingin niya sa akin at sumugod agad siya nang napakabilis. Sadyang 'di kapani-paniwala ang bilis niya kung laki ang pagbabasehan. Paparating na kaagad patungo sa mukha ko ang suntok niya... pero sa pagkakataong ito ay hindi na niya ako matatamaan.

ISANG napakabilis na paghakbang pa-kanan ang aking ginawa na siyang ikinabigla naman ni Jupiter. Nginisian ko pa siya at bago pa man siya makab'welo ay inunahan ko na kaagad siya. Mabilis akong humakbang palapit sa kanya at mabilis ko ring inihabol ang bumubulusok kong suntok.

Yumanig ang buong ring at humampas sa mga manonood ang isang napakalakas na bagwis ng hangin nang perpektong tumama ang kanang kamao ko sa mukha ni Jupiter. Halos bumaon na nga sa kanyang mukha ang suntok kong iyon. Pagkatapos noon ay tumalsik siya palabas ng ring na ikinagulat ng marami. Doon na rin nila nasaksihan ang malakas na pagbagsak ng sinasabi nilang pinakamalakas na tao rito sa loob ng bodega. Bumulagta si Jupiter na duguan ang mukha.

"Ngayon, sino ang mas malakas?" tanong ko sa kanila habang tumutulo mula sa kanang kamao ko ang dugo ni Jupiter.

Dahil dito ay napakaraming manonood ang nataranta dahil sa takot kaya karamihan sa kanila'y nagtakbuhan papalabas. Para silang nakakita ng halimaw nang mga oras na iyon. Lumabas tuloy na mga duwag sila. Seryoso naman akong bumaba mula sa ring ngunit bigla na lang akong napalibutan ng nasa tatlumpong alagad ni Jupiter na armado ng mga de-kalibreng klase ng baril. Nakatutok lahat sa akin ang baril nila at mukhang desidido silang barilin ako.

"No choice..." bulong ko at pagkatapos noon ay pinagliyab ko na ang apoy sa aking kanang kamay. Gulat na gulat sila sa kanilang nasaksihan.

"Sige, barilin niyo ako!" sabi ko sa kanila at lumaki lalo apoy sa aking palad. Doon na sila natakot, dahilan upang magtakbuhan sila dahil dito. Matapos iyon ay tanging ako at ang nakabulagtang si Jupiter na lamang ang natira sa loob kaya pinatay ko na ang apoy sa aking palad. Wala na rin akong maii-sekreto dahil maraming nakakita sa ginawa ko kanina.

Siguradong kakalat ang isang balita tungkol sa nilalang na nakakagamit ng apoy. Pero bago ko pa man malimutan ay agad na akong kumilos para hanapin ang aking nanay. Papasok na sana ako sa pintong pinaglabasan ni Jupiter kanina nang bigla na lang isang napakalakas na atake ang biglang tumama sa aking likuran. Nagpintig ang buo kong katawan dahil sa lakas noon. Napaluhod ako at namilipit agad dahil sa sakit hanggang sa tuluyan na akong mapahiga.

"I-ikaw pa lang ang nakatama sa akin nang gano'n kalakas..." Nabigla na lamang ako nang biglang sumulpot sa unahan ko si Jupiter na inaalis gamit ang kanyang kamay ang dugo sa mukha niya. Hindi nga talaga siya pangkaraniwan dahil nakatayo pa siya sa kabila ng lakas ng kanyang tinamo.

"At bilang regalo... tanggapin mo ang pinakamalakas kong suntok!" Matapos niya iyong sabihin ay isang napakalakas na suntok ang tumama sa katawan ko. Mas mabigat at mas matindi iyon kumpara sa suntok ni Marco. Pakiramdam ko pa'y parang nagkabali-bali pa ang aking buto dahil doon. Yumanig ang paligid at nagkabitak-bitak ang aking kinahihigaan. Para akong isang pako na pinukpok nang napakalakas at nabaon nang sobra. Sumuka rin ako ng dugo at nakaramdam nang matinding sakit ng katawan. Hindi na ako makagalaw at mukhang papatayin ako ni Jupiter dahil isa na namang suntok ang sa mukha ko nama'y papalapit.

Kokoro no Honoo  by Taong Sorbetes (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon