Ika-animnapu't Siyam na Kabanata

51 8 0
                                    


KUMAWALA ang isang napakalakas na hangin sa ere matapos lampasan ni Neptune ang kalaban. Isang babae iyon na may abilidad na gumamit ng halaman. Kaya nitong magpalabas mula sa lupa nang napakaraming bagin na kayang puluputan ang sinuman. Ngunit nang mga oras na iyon, tila katapusan na nito. Bumulwak kasi mula sa leeg nito ang napakaraming dugo. Napahiyaw ito sa sobrang sakit at unti-unting bumababa ang lebel ng napakalakas nitong itim na kapangyarihan.

"N-nata...lo r-rin kit...ta..." sambit ni Neptune habang hawak ang kanyang kutsilyo na puro dugo ang talim. Duguan rin siya at puno ng sugat. Pero sa kabila noon, nagawa pa rin niyang matalo ang napakalakas na kalaban.

Habang nasa ere si Neptune, dahil na nga rin sa pagod at sa dami ng enerhiyang nawala sa kanya ay dahan-dahan siyang bumagsak paibaba. Kasabay niyon ay ang pagbagsak ng mga naglalakihang halaman na nakapulupot sa katawan ni Reyna Claudia, kasama na rin ang mga kawal nitong karamiha'y wala nang buhay.

Bugbog ang katawan ni Neptune dahil sa nakalaban niya. Napahiga na lang siya habang pilit iminumulat ang mga mata. Hindi na niya iyon malabanan dahil sa pagod. Gusto ng katawan niyang magpahinga pero dahil sa nararamdaman niyang napakalakas na itim na kapangyarihan mula sa malayo, inuudyukan niyang gumalaw ang kanyang katawan. Gusto niyang makapunta roon para tumulong, pero mukhang sa pagkakataong iyon, hindi siya magagawang sundin ng kanyang pisikal na aspeto.

Ipinipikit na ni Neptune ang kanyang mga mata nang oras na iyon hanggang sa isang bilog na lagusan ang biglang lumitaw sa ulunan nitong ilang metro ang layo mula sa kanya. Naramdaman agad ng batang prinsesa ang isang napakalakas na itim na aura. Pinilit niyang makita kung sino iyon, pero unti-unti nang bumagsak ang talukap ng kanyang mga mata. Pero bago pa man siya mawalan ng malay ay narinig pa niya ang boses nito.

"Isang gumagamit ng hangin... Hahhahhah!" sambit ng kalabang lumabas mula sa lagusan. Binuhat nito si Neptune at pagkatapos ay bumalik na uli sa loob ng lagusan. Kasunod niyon ay ang paglaho nito sa hangin.

*****

BUMULUSOK mula sa ere si Prinsipe Alpiro matapos tamaan ng isang napakalakas na atake. Sa pagbagsak niya, isang pagsabog ang umalingawngaw at bahagyang nayanig ang paligid. Duguan na siya nang muling makatayo. Magmula kasi nang ilabas ng tatlo niyang kalaban ang buo nitong lakas ay hindi na niya ito nagawang sabayan. Inilabas na nga rin niya ang isandaang porsiyento niyang kapangyarihan, pero hindi iyon sapat. Maging ang kanyang dragon ay walang kahirap-hirap lang na natalo.

"I-i...imposible k-kong m...mata...lo ang m-mga it...to," sambit pa ni Alpiro na nawawalan na ng pag-asa. Kasabay niyon ay ang unti-unting paghina ng kanyang apoy.

Lumapag sa kanyang harapan ang tatlong kalaban. Umaapaw ang itim na kapangyarihan. Tila umaapoy ang aura ng mga ito na nakakapagpabilis ng tibok ng puso ng sinuman. Pumipintig ang lakas noon at umaabot pa sa langit. Sa sitwasyong iyon, mukhang walang makakatalo sa tatlong iyon.

"Nasaan na Maharlika ang tapang mo?" tanong ni Fernan at pagkatapos ay kumuha ito ng bwelo. Nabalot ng itim na enerhiya ang kanang kamao nito. Mula likuran, ang kanang paa nito'y humakbang nang mabilis. Pauna iyon. Bumulusok ang suntok nito, umiikot pa nga ang aura nito.

Naalarma naman si Alpiro. Pinagliyab niya ang natitira niyang apoy. Halos hindi na niya makita ang suntok ng kalaban. Hindi niya alam kung yuyuko siya o tatabi. Sa pag-iisip niyang iyon, doon ay tumama sa kanya ang suntok ng kalaban. Tila may napakatigas na bagay ang binanggaan ng kanyang mukha. Dumaloy sa kanyang mga ugat ang kirot at sobrang sakit noon. Nagpintig din ang kanyang ulo. Napatingala siya at tila matatanggal ang kanyang bungo. Bumulwak paitaas ang napakaraming dugo. Nagtalsikan din ang napakaraming itim na apoy. Kumawala mula sa kinatatayuan niya ang isang malakas na hangin at pagkatapos noon, tumilapon siya palayo. Padipa siyang dumikit sa isa sa mga tore. Basag ang kanyang mukha at walang malay. Kasunod noon, nalaglag siya paibaba. Naging usok din ang apoy na bumabalot sa kanyang katawan at agad iyong napayid ng hangin.

Kokoro no Honoo  by Taong Sorbetes (COMPLETED)Where stories live. Discover now