Ikawalumpo't Tatlong Kabanata

41 6 0
                                    


FH34

ISANG pamilyar na pakiramdam ang dumaloy kay Mars nang ang suntok ni Rhock ay bumulusok na papunta sa kanya. Hindi pa niya gustong mamatay at nang ikinuyom niya ang kanyang kamao ay biglang isang apoy ang kusang sumibol mula roon. Isang mabilis na pagsalag din sa suntok ng kalabang Terranian ang kanyang ginawa na naging dahilan upang ang apoy na bumalot sa kanya ay sumabog sa harapan niya. Ang hangin ay bahagyang umihip at nabigla naman si Rhock dahil sa nangyaring iyon.

Sabay na umatras ang dalawa at nagkatinginan.

"Ang apoy na ito..." wika ni Mars at may naalala siyang isang kwento tungkol sa abilidad na pagsasalin pansamantala ng kapangyarihan sa isang nilalang kapag ang gumagamit ay mamamatay na.

Mabilis niyang nilingon si Lava at napakuyom kaagad siya ng kamao dahil nakita niyang unti-unti nang naglalaho ang aura nito. Nakangiti ito sa kanya habang pilit na iminumulat ang mga mata. Gusto pa ni Mars makasama ang Flammanian na ito dahil nakita niya ang pagiging mabuti nito sa kanya kahit na isa siyang Sero. Subalit nang sandaling iyon, nararamdaman na niya ang katapusan ng malakas na indibidwal na iyon.

"H-hindi pwede ginoong Lava! Lumaban ka!" bulalas ni Mars at narinig niya ang pagtawa ni Rhock na biglang lumitaw sa kanyang harapan nang hindi inaasahan. Binigyan siya nito ng isang napakalakas na suntok na nababalot ng itim na enerhiya. Ang mga paa naman ng Sero ay kusang gumalaw palayo na naging dahilan upang mayanig ang buong paligid. Tumama kasi ang kamao ng kalaban sa lupa at mabilis na nagkabitak iyon. Bahagyang gumalaw ang kagubatan at si Mars ay napatalon pa lalo palayo habang nakatanaw kay Lava.

"Ibinigay na sa iyo ni Lava ang kanyang apoy... Ibig-sabihin lang nito ay mamamatay na siya," wika ni Rhock na biglang tumalon sa ere at lumikha ng isang bilog na itim na enerhiya.

"Kahit na nagkaroon ka ng kapangyarihang apoy, ay pansamantala lang iyan. Isa pa, isa kang Sero! Ano'ng alam mo sa paggamit ng elemental na kapangyarihan!?" dagdag pa ni Rhock na may kahalo pang pagtawa. Pagkatapos noon ay buong-lakas pa niyang itinira ang kanyang kapangyarihan papunta kay Mars na kasalukuyang nagliliyab ang ipinahiram na apoy rito.

Mula naman sa malayo ay seryosong nanonood si Rhion sa nangyayaring laban. Napatingin pa nga siya sa Sero na ngayon ay may taglay ng apoy. Alam niyang hindi nito mababago ang kapalaran na mamatay, pero tila may kung anong bagay ang nagsasabi sa kanya na mababaligtad pa ng binatang iyon ang laban na nangyayari.

"Interesante ang Sero na ito," wika ni Rhion sa sarili at tumalon na siya patungo sa isang sanga ng puno upang umupo. Kasabay rin noon ay ang pagkawala ng kanyang itim na aura papunta sa mga punong nasa paligid. Ito ay upang subukang hanapin ang mga nawawalang mga kasamahan ng kanilang mga kalaban. Wala silang ideya kung ano ang nangyari, pero tila may kinalaman ang kagubatan sa naganap na iyon. Sinabihan pa nga niya ang mga kasamahan nila na maging handa sa paligid dahil parang may mga matang nakamasid sa kanila.

Samantala, mabilis namang nagpaikot-ikot sa lupa si Mars upang maiwasan ang atakeng binitawan ni Rhock. Ngunit dahil sa atakeng iyon ay lumikha ito ng isang napakalakas na pagsabog na naging dahilan upang ang kagubatan ay mayanig na may kasama pang pagbugso ng malakas na hangin.

"Ano Sero? Tatakbo ka na lang ba? Nagka-apoy ka nga, pero nanatili pa rin ang pagiging mangmang mo sa pagkakaroon ng kapangyarihan."

"Hindi ko alam ang iniisip ni Lava. Pero isa siyang malaking hunghang para ipasa sa iyo ang walang kwenta niyang kapangyarihan. Hindi mo ba alam na ang apoy niyang pula ay isa sa mahihinang kulay ng apoy ng kanilang lahi?" winika pa ni Rhock at bigla na lang siyang lumitaw sa harapan ni Mars. Sa paglapit niya sa binata ay siya ring paglitaw ng isang nakakatakot na imaheng nagmumula sa kanyang aura na itim.

Kokoro no Honoo  by Taong Sorbetes (COMPLETED)Où les histoires vivent. Découvrez maintenant