Ika-animnapu't Isang Kabanata

49 7 0
                                    

NAGULAT si Lolo Mera nang makitang lumapag si Venus sa loob ng bakuran nito. Akala nito ay hindi na babalik ang prinsesa dahil nag-text na ito rito. Bigla tuloy kinutuban ang matanda dahil dito. Pansin din nito na parang kakaiba ang dalaga.

"Lo', si Jupiter po?" agad na tanong ni Venus.

"Kakaalis lang iha. T-teka? Akala ko ba ay uuwi ka na?" ani naman ni Mera.

Ngumiti naman si Venus. Ayaw niyang ipahalata sa matanda na may nangyari kay Mars.

"A-ah. Ano po kasi, may nakalimutan kasi akong gawin. Nakauwi na nga po ako. Doon ko lang naalala," sabi pa ni Venus at muling lumipad pataas.

"Sige po Lo', maabutan ko pa po siguro si Jupiter."

"Te...ka..." Hindi na nga naituloy ni Lolo Mera ang gusto pa nitong itanong. Kinutuban tuloy ang matanda pero ayaw niyang mag-alala. Kampante rin ito na baka simpleng problema lang iyon. Kaya na raw ito ng mga bata.

Nagmamadali naman si Venus na naghanap sa gubat. Gusto niyang isama si Jupiter pagpunta sa Maynila. Gusto niyang may kasama lalo na't mukhang may ibubuga ang tatlong lalaki na nakita niya sa TV.

"Nasaan ka na ba Jupiter!?" inis na sabi pa ni Venus dahil hindi niya makita ang binata. Isa pa, hindi purong Terranian ang dugo ni Jupiter kaya hirap ang dalaga na maramdaman ang aura nito.

Tumagal ng ilang minuto ang paghahanal ni Venus hanggang sa nakita niya na may isang lalaki ang tumatalon-talon sa bawat sanga ng puno, ilang kilometro na ang layo noon mula sa bahay ni Lolo Mera.

"Nakita rin kita. Hoy! Jupiter!" malakas na tawag kaagad ni Venus.

Agad namang napalingon si Jupiter. Doon nga ay nakita niya si Venus. Nabigla siya nang makitang mabilis na papalapit ang dalaga sa kanya. Sa sobrang kaba ay nagsala siya ng tapak sa sanga ng puno dahilan para mahulog siya sa lupa.

"Tarantado ka Jupiter! Kanina pa kitang hinahanap!" Tila badtrip si Venus at sinabuyan pa niya ng tubig si Jupiter sa mukha.

"Anak naman ng... Ano ba De Lara? Nahulog na nga ako, binasa mo pa ang mukha ko?!" Napatayo agad si Jupiter sa inis. Gusto na sana nitong patulan si Venus. Pero, alam nitong wala siyang ibubuga sa dalaga.

"Naku! Kung hindi ka lang syota ni Marcelo..." bulong pa ni Jupiter.

"May sinasabi ka ba?"

Napaatras na lang sa takot si Jupiter nang tanungin siya ni Venus. Paano ba naman, nanlilisik ang mata nito.

"W-wala... Heh! Heh! Heh! B-bakit mo nga pala ako hinahanap mahal na prinsesa Venus?" Nabahag na lalo ang buntot ni Jupiter.

"'Di ba, marunong ka nang lumipad?" tanong ni Venus.

"A-ah... M-medyo."

"Kung gano'n, sumama ka sa akin. Pupunta tayo ng Maynila. Hahanapin natin si Mars!"

Nagulat si Jupiter nang marinig iyon.

"T-teka? Ano'ng nangyari kay Marcelo?"

"Mamaya ko na ikuk'wento. Aalis na tayo... Ngayon na mismo!" seryosong sabi ni Venus at kasunod noon ay ang pagbulusok niya paitaas.

"Nandiyan na rin ako. Mukhang interesante. Maynila, here I come!" Nagliwanag ang katawan ni Jupiter, at kasunod noon ay ang pagbulusok din nito paitaas. Tila excited ang binata dahil pakiramdam nito ay isang malakas nang kalaban ang naghihintay sa kanila.

Habang si Venus naman ay malalim ang iniisip. Ramdam kasi niyang napakalakas na ni Mars, kaso, natalo lang ito nang walang kahirap-hirap ng tatlong lalaking kanyang napanood sa balita.

*****

ISANG malaking k'weba ang nasa ilalim ng Maynila. Ginawa ito nina Luke, Cijay at Fernan para gawing tahanan. Sa loob ng halos anim na taon ay dito sila nagkubli. Ginawa nila iyon dahil sa kagustuhan ng kanilang ama. Ang kanilang ama na ni minsan ay hindi pa nila nakikita sa personal. Tanging sa panaginip at sa isip lamang nila ito nakakausap. Subalit isang buwan na ang nakakalipas ay biglang nawala ang pakikipag-usap nila rito. Iyon na rin nga ang naging hudyat para unti-unti na silang kumilos. Hudyat iyon para maghanap ng hukbo. Hindi sila nangangailangan ng marami, ang hinahanap nila ay mga malalakas at matitibay. Iyon ay para sa paghahanda sa paggawa ng bagong mundo ng kadiliman.

May kalakihan ang kuta ng tatlo. May isang lugar din dito na tila isang laboratoryo. Pinapatakbo iyon ng kuryente na kapangyarihan ni Cijay. May ilang computer doon. Sa isang panig ay may makikitang apat na hawla na yari sa bubog. Sa ibaba noon ay makikita ang mga emblem ng apat na elemento. Ang Tubig, Hangin, Lupa at Apoy. May tubo rin na nakakonekta mula roon papunta sa isa pang malaking hawla sa gitna ng laboratoryo. Puno iyon ng tubig. Nababalot din ang buong lugar ng makapal na pader na yari sa matitibay na metal. Mula iyon sa mga mineral sa ilalim ng lupa na hinulma naman ni Luke gamit ang kapangyarihan nito.

Sa labas naman ng laboratoryo ay makikita ang isang napakalawak na lugar. Napakataas din ng agwat nito mula sa kisame na yare sa metal sa itaas. Isa itong battle ground. Ito rin ang nagsilbing training ground ng tatlo sa loob ng mga taong inilagi nila rito. Bakas pa nga ang mga hukay sa paligid at may mga lasog-lasog na katawan din na tila likha ng mga laban. Hindi nga lang ang tatlo ang makikita roon. Nandoon din ang labing-isa pang nilalang na nababalutan ng itim na aura. Pula ang mata at tila sabik na sabik sa laban.

Ito ay ang mga taong nalahian ng taga-Elementalika. Mga taong nagkaroon ng kakaibang kapangyarihan. Ilang linggo itong hinanap ng tatlo at dinala sa kuta nila. Nasa limampu mahigit ang mga ito at lahat ay menor de edad. Tinurukan ng tatlo ang mga ito ng isang klase ng droga na sila mismo ang lumikha. Iyon ay upang sumunod ang mga ito sa kanila nang kusa. May ilan sa magulang ng mga ito ang lumaban sa tatlo ngunit pinatay lang sila.

Sa loob nga ng ilang araw ay inutusan ng tatlo na maglaban ang lahat. Para makita kung sino ang malakas. Para masala. Matapos nga iyon ay labing-isa ang natira. Ito ay may mga lakas at kapangyarihan na kayang makipagsabayan sa mga taga-Elementalika, lalo na sa mga Maharlika.

"Bukod sa nakokontrol natin sila. Epektibo rin ang itinurok natin sa kanila na ating dugo para mapataas ang kanilang kapangyarihan. Ramdam ko ang umaapaw nilang lakas."

"Oo nga Fernan. Walang kaalam-alam ang mga taga-Elementalika na hindi nila mapapalabas ang buo nilang lakas sa mundo ng mga tao. Samantalang tayo... walang limitasyon dahil dito tayo isinilang!"

Tumawa ang tatlo habang nakatayo sa isang mataas at malaking bato ang tatlo. Nasa ibaba rin nila ang kanilang bagong alagad na namumula ang mga mata.

"Ngayon, may hawak na tayo na lahing apoy. Tatlong elemento na lang ang kailangan para muli nating mabuhay si ama."

"Sigurado ako na sila na mismo ang lalapit sa atin gaya ng ginawa ng una nating huli."

"Gaya nga ng sinabi ni ama sa atin. Mamamatay siya at muli natin siyang bubuhayin gamit ang pinagsama-samang kapangyarihan ng apat na elemento. Mabubuhay siya na mas makapangyarihan at sasambahin siya ng lahat."

"Pagkatapos ay bubuksan natin ang daan papuntang Elementalika... at ipapaalam natin sa kanila na hindi lang apat ang elemento. Ipapaalam natin na may ikalima pa. Ang pinakamalakas na elemento... ang Kadiliman!"

Nagliyab nang malaki ang mga apoy na nagsisilbing ilaw sa buong lugar matapos iyon. Umalingawngaw ang mala-demonyo na tawa ng tatlo. Pagkatapos ay nakangisi nilang tiningnan ang kanilang labing-isang alagad.

"Kayong labing-isa na napili. Inuutusan namin kayo na pumunta sa ibabaw ng lupa. Maghasik kayo ng lagim. Pumatay kayo. Kapag may nakita kayong taga-Elementalika na may kapangyarihan na tubig, lupa o hangin... dalhin ninyo sa amin. Mas magiging masaya rin kami kung isa itong Maharlika!"

Nagtawanan silang lahat. Nakakapangilabot.

Isang malaking lagusan din ang nilikha ng tatlo. Doon ay pinapasok nila ang kanilang alagad. Mapupunta ang mga ito sa iba't ibang panig ng Pilipinas para maghasik ng kaguluhan at lagim. Para palabasin ang mga nagtatagong taga-Elementalika at para alarmahin na rin ang mga taga mundo ng elemento sa bagong kadiliman na kanilang maaaring kaharapin.

"Nalalapit na ang pagbabalik ng ating ama na si Lucifer!" sabi ng tatlo at nagngisian. Habang si Mars, walang malay naman habang nakakadena sa loob ng isa sa apat na hawla. Sa hawla na may marka ng apoy sa ibaba.

Kokoro no Honoo  by Taong Sorbetes (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon