Ika-isandaan at Dalawampung Kabanata

49 4 0
                                    


FH71

"MARCELO Falcon..."

"Gumising ka! Mars!"

Isang mahinang hangin ang sandaling kumawala mula sa kanang paa ni Mars nang diinan ng binata ang kanyang paghakbang. Kanina lang ay babagsak na siya, kaso, may boses siyang narinig sa kanyang utak at hindi na niya maalala kung ano ang mga narinig niya nang muli siyang makabawi. Ang tanging alam niya ay parang ginising siya noon para hindi mapatumba.

"A-ang sakit," bulalas ni Mars na parang namamanhid pa ang mukha dahil sa suntok na tumama sa kanya. Ramdam niyang may dugo nang dumadaloy sa kanyang ilong at labi, pero isang matikas na pagtayo ang kanyang ipinakita sa matandang kanyang kalaban. Huminga siya nang malalim at inalala ang mga sandaling nakikipaglaban siya sa kung sino-sinong malalakas sa Cleyanero.

"Ang mga ganitong sakit ay normal lang sa tulad ko..."

Ikinalma ni Mars ang kanyang sarili at pagkatapos ay ginulat niya lalo si Manip nang bigla na lamang siyang tumalon palapit dito. Mabilis iyon at dahil nga sa reaksyon ng matanda mula sa kanyang panananatili sa pagtayo ay sandaling nahuli ang pagresponde ng katawan nito.

"Dapat ay bagsak ka na... Pero paanong nakatayo ka pa rin?" bulalas ni Manip na mabilis na iniharang ang kanyang mga bisig sa kanyang mukha nang makita ang pagbulusok ng suntok ng binata. Napaatras siya at sandaling nawalan ng balanse dahil sa biglaang pangyayaring iyon.

Napangiti naman si Mars sa reaksyon ni Manip sa kanyang ginawa. Isa lang iyong pekeng galaw at nang makita niyang bukas ang sikmura ng matanda ay ito ang ginamit niyang pagkakataon para bumawi. Marahan niyang ikinuyom ang kanyang kanang kamao at mula sa kanyang baywang ay idiniretso niya ito papunta sa bukas na tiyan ng matanda.

Kumawala ang hangin sa paligid at isang mahinang pwersa ang bumulwak mula sa likod ng matanda. Nabigyan niya ng suntok si Manip, kaso isang mabilis na suntok din ang kaagad na tumama sa mukha ni Mars nang oras na iyon.

"Pinabibilib mo talaga ako Sero," sambit ni Manip at umatras na siya para pagmasdan ang nangyari sa binata. Tiniis na rin lamang niya ang sakit na idinulot ng suntok sa kanya sapagkat mahina ito para sa kanya.

Nginisian nga niya si Mars nang makitang duguan na ang mukha ng binata. Kaso, nakita niya ang mga mata nito at parang hindi pa ito sumusuko. Wala tuloy nagawa si Manip kundi ang muling ikuyom ang kanyang kanang kamao para pasundan ito ng isa pa.

"Matigas ka Sero," nakangiting wika ng matanda at mula sa itaas ay paibaba ang ginawa niyang pagsuntok sa binata. Hindi akalain ni Manip na matibay nga pala talaga ang binatang kasalukuyan niyang kalaban at sa pagkakataong ito ay sisiguruhin niyang hindi na ito makakatayo pa.

"Kailangan ko pa rin ang Sero na iyon... Sa oras na matalo niya si Rhion ay ang kanyang katawan ang aking magiging bagong instrumento para tuluyan akong makabalik sa mundong ito,"wika ni Seb sa kanya bago siya iwanan nito. Ang katawan na mayroon si Seb ay isa nang nabubulok na bagay at dahil doon ay kailangan na rin nitong kumuha ng bagong magagamit. Ito ang sumpa ng pagkakakulong niya sa loob ng Dakoroso, ito ang sumpa sa kanya ng itim na kapangyarihan.

Si Rhion sana ang kanilang gagamitin, ngunit dahil nga sa pagkakaroon ng isang malakas na Sero sa Enomenos ay nagbago ang isip nila, ni Seb.

"Ang katawan ng Sero na iyon ang aking kailangan..." nakangiting winika ni Seb kay Manip bago ito tuluyang umalis. Ang ibinigay niyang oras para kay Mars ay ginawa lang niya para magpalipas ng oras dahil ang totoo ay sa matanda na niya iniatas ang pagkuha sa katawan nito. Umabot man ito sa palugit na ibinigay niya o hindi ay gagamitin niya ang katawan ng Sero na ito. Papatayin din niya ang batang si Hikin dahil isa ang dugo nito sa kailangan niya. Ang dugo mula sa isang Flammanian!

Kokoro no Honoo  by Taong Sorbetes (COMPLETED)Where stories live. Discover now