Ikalimampu't Walong Kabanata

69 7 0
                                    


ISANG linggong nakatulog si Honoo. Hindi siya basta magising kaya dinala muna nina Argus ang binata sa palasyo ng Ken. Wala na rin ni isang kawal ng Duragon noon dahil lahat ang mga ito ay tinupok ni Duragong Apoy. Nang matapos ang laban ng binata, doon na rin isa-isang naglabasan ang lahat ng mga alipin. Ang mga taga-Gomi ay agad na pumasok sa loob ng Ken. Lahat nga ng alipin ay pinakawalan ng mga Zodiacs. Sinabi nga rin ng mga ito na sila'y aalis na sa Ken. Hindi raw sila nabibilang sa kaharian... Pero pinigilan sila ni Argus. Sinabi niyang may magagawa pa ang mga ito.

"Turuan natin ang mga taga-Gomi sa paggamit ng espada. Tulungan natin silang ibangon ang Ken."

Akala nga ng mga Zodiac ay hindi papayag ang mga taga-Gomi, pero nagkamali sila. Tinanggap pa rin sila ng mga iyon. Tinanggap sa kabila ng mga nangyari.

Nang mga sandaling iyon naman, inihiga ni Erza si Honoo sa kanyang kandungan. Napuno ng luha ang mukha ng binata dahil sa pag-iyak ng dalaga. Hindi siya makapaniwala na makakaalis sila mula sa impyernong kinalalagyan nila. Basang-basa ang mukha ng binata habang ito'y natutulog at nakangiti.

"A-ate... Ang galing ni Kuya..." Sabi naman ni Ezel na pinagmamasdan ang buong Ken. Iyon din kasi ang kauna-unahan niyang pagkakataong makarating sa kaharian.

"O-o...oo nga E-ezz-zel. I-in-iliggg...tas niya t-tay...yong l-lahattt..." Napangiti pa si Erza habang pinipilit pigilan ang pag-iyak.

*****

SA ikapitong araw matapos ang pagkatalo ng mga Duragon. Maraming taga-Gomi ang nagtipon-tipon sa plaza ng Ken. Isang malaking salo-salo kasi ang kanilang gagawin. Isang malaking pagdiriwang. Kahit na wasak ang halos kalahati ng Ken ay itutuloy pa rin nila iyon... Samantala, sa loob ng palasyo, sa silid kung saan nandoon si Honoo. Kasalukuyang pinupunasan ni Erza ng basang bimpo ang pisngi ng binata. Siya ang nagbantay kay Honoo habang natutulog ito.

Saglit na napatitig ang dalaga sa labi ng binata. Parang kinabahan si Erza nang mga oras na iyon. Parang nakaramdam siya ng hindi maipaliwanag na pagkatuyo ng laway. Sandali siyang lumingon sa pintuan, sarado iyon. Napalunok siya ng laway. Huminga siya nang malalim at pagkatapos ay dahan-dahang inilapit ang labi niya sa labi ni Honoo.

"Paano ako nabuhay? Akala ko ba, buhay ko ang bayad sa mga hiniling ko?" Tanong naman ni Honoo kay Hikin. Kasalukuyan itong nanaginip.

"Hiniling mong mabuhay ang lahat ng namatay dahil kay Lucifer, kaya nabuhay ka rin... Gano'n lang iyon ka-simple bata," sagot ni Hikin na nababalot ng gintong apoy ang katawan.

"E-eh, ang kapangyarihan ko? Akala ko ba, mawawala?"

"Ikaw ang tagapangalaga ko, kaya hindi ko magagawa iyon bata..." Biglang hinawakan ni Hikin sa mukha ang binata.

"A-ano'ng gagawin mo?" Takang tanong ni Honoo.

"Gumising ka na bata kung ayaw mong magalit ang kasintahan mo?" Nakangising sabi ni Hikin. Napahiyaw sa sakit at init si Honoo.

NAPAMULAT si Honoo at nagulat siya sa nakita. Mukha ni Erza, ang tumambad sa kanya. Nakapikit ito at mukhang alam na niya ang gagawin sa kanya nito.

"L-lagot ako kay Venus..." Iyon agad ang pumasok sa isip ni Honoo. Wala siyang nagawa kundi umilag. Mabilis siyang bumangon at tumayo. Napamulat naman si Erza nang maramdaman niya na malambot ang nahalikan niya, ang unan ng binata.

"M-muntik na," sabi ni Honoo sa sarili. Napahawak na lang siya sa noo habang nakatingin sa natigilan si Erza.

Pinamulahan naman ang dalaga nang marinig na nagsalita si Honoo sa likuran niya. Para siyang naging estatwa. Hindi niya maigalaw ang katawan niya. Pinagpawisan siya ng malapot at hindi niya malaman kung paano magpapalusot sa kahihiyan.

Kokoro no Honoo  by Taong Sorbetes (COMPLETED)Where stories live. Discover now