Ikatatlumpu't Limang Bahagi (Huling Bahagi)

2.6K 122 7
                                    

NAGULAT ako nang isang dragon ang lumabas sa likuran ng kalaban ko. Isang dragon na buhangin. Nakita ko rin na mas lalong lumakas ang aura ng nilalang na nasa harapan ko.

"Hinding-hindi mo ako matatalo Alpiro! Kyarararara!" seryoso niyang sinabi at narinig ko rin ang halakhak niya. Sa pagkakataong ito ay isa lang ang sigurado ko, isa rin siyang Maharlika.

Mahihirapan akong kalabanin ang isang ito kung may kasama siyang dragon. Hangga't maaari nga ay sa malalakas na kalaban ko lang sana gagamitin ang Fire Dragon ko.

Naalerto na ako nang mapansin ang paggalaw ng kalaban ko. Mukhang papaatakehin na niya ang kanyang dragon. Inihanda ko ang sarili ko. Kailangan ko rin munang subukan kung kaya ko bang sabayan ang kapangyarihan at lakas nito.

"Sugod aking dragon!" sigaw niya at umatungal nang napakalakas ang dragon. Nakakabingi iyon at napayanig nito ang buong paligid. Kasunod nga noon ay ang mabilis nitong pagsugod palapit sa akin. Nagpakawala ako nang maraming apoy at pinalibutan ako nito. Inihanda ko ang sarili ko.

"Yahhh!" sigaw ko nang salagin ko ang bibig ng buhanging dragon. Isang malakas na bugso rin ng hangin ang kumawala sa kinatatayuan ko dahilan upang kumalat palayo ang mga buhangin. Mabilis din akong dumausdos paatras dahil sa lakas ng pagsalpok ng dragon sa akin. Lumiliyab na nang matindi ang apoy na puti na nakapalibot sa kinatatayuan ko. Naglalaban din ang aura ko at ang aura ng dragon dahilan upang lumikha ito ng matinding diklapan sa paligid. Pero talagang malakas ang dragon, bigla itong nagpakawala nang matinding p'wersa at dahil doon, ay direkta nito akong isinalpok palubog sa buhangin.

NAPAKADILIM nang imulat ko ang mata ko. Mukhang nabaon ako nang sobra sa buhangin dahil sa dragon na iyon. Ramdam ko rin ang sakit sa kaliwang pisngi ko at mukhang nagdurugo ito. Medyo nahihirapan na rin akong huminga dahil sa buhangin kaya siguro'y dapat ko na ring palabasin ang apoy kong dragon. Masyadong malakas ang isang dragon kung mano-mano ko itong lalabanan.

"Yahhhh!" sigaw ko at unti-unting yumanig ang paligid. Nararamdaman ko na rin ang paglakas ng aura ko. Naramdaman ko rin ang pag-init ng kanang braso ko.

"Lumabas ka na... White Flame Dragonnn!" malakas kong sabi at naramdaman kong napapalibutan ako nang puting apoy. Kasunod noon ay naramdaman ko na may tila may tumutulak sa akin pataas. Napangisi ako, alam kong nasa ulo na ako ng apoy kong dragon at isang magandang entrada ang gagawin namin.

Napangiti ako nang hindi inaasahan nang naramdaman kong nakalabas na kami mula sa buhangin. Mabilis na umangat paitaas ang dragon kong apoy.

Nasa ere na kami at napagliwanag nito nang sobra ang paligid. Napatingin ako sa dragon ng kalaban, halos kasing-laki rin ng sa akin. Napansin ko rin ang paglipad ng may-ari nito papunta sa ulo ng buhanging dragon. Mukhang susugurin na nila kami. Papalipad na iyon nang pinaatungal ko nang malakas ang apoy kong dragon. Hindi tuloy nila kaagad nagawang makalipad dahil dito.

"Tayo ang unang aatake!" sabi ko at inutusan ko ang dragon ko na atakehin ang dragon ng kalaban.

Bumuga ng apoy ang dragon ko papunta sa buhanging dragon. Mas lalong nagliwanag ang paligid dahil doon. Pero bigla iyong nawasak nang mapansin kong bumuga naman ng buhangin ang dragon ng kalaban. Lumipad na rin iyon palapit sa amin kaya inihanda ko ang sarili ko.

"Papatayin kita Alpiro at isusunod ko ang ama mong si Lucifer!" Nagulat ako sa narinig kong iyon mula sa kanya. Si Alpiro na tinutukoy niya, ay anak ng pinakamalakas naming kalaban? Kanina pa akong may ideya kung sino ang tinutukoy niyang Alpiro. Isa pa, Alpiro rin ang pangalan ng ama ko kaya may posibilidad na iyon ang ipinangalan sa kakambal ko. Kaso, hindi ko alam na ama ang tawag nito kay Lucifer.

Napakalakas na salpukan ng dalawang dragon ang naganap sa ere. Nagsalpukan ang mga aura nito at lumikha nang matinding diklapan. Tumalon na rin ako sa ere para harapin ang kalaban ko.

"Kung sino ka man! Sinisiguro kong hindi ako ang tinutukoy mo!" sabi ko sa kanya na kasalukuyan na ring lumilipad sa ere.

"Huwag mo nga akong paikutin! Hindi mo ako malilinlang! Sisiguruhin ko ring dadanak ang maitim mong dugo rito!" sagot naman niya at mabilis niya akong sinugod. Inihampas niya papunta sa akin ang hawak niyang palakol. Napakabilis noon at napakalalakas. Punong-puno ng gigil at galit at para hindi ako tamaan noon ay mas pinabilis ko ang pagkilos ko. Madali kong naiiwasan ang sunod-sunod niyang atake sa akin. Ang mga dragon naman namin ay patuloy na naglalaban sa mas mataas na parte ng ere.

"Mukhang hindi ka talaga maniniwala sa akin!" sabi ko habang iniiwasan ang mga atake niya. Pinagliyab ko nang matindi ang kanang kamao ko at nang makakita ako ng pagkakataon ay binigyan ko siya nang napakalakas na suntok.

Nahawi ang buhangin sa ibaba, sa tapat namin at may kumawala rin na malakas na hangin mula sa aming dalawa. Ito ay nang magawa niyang salagin ang lumiliyab kong kamao gamit ang talim ng kanyang palakol.

"Aaminin kong mas lumakas ka! Pero hindi mo ako matatalo sa ikalawang pagkakataonnn!" sigaw pa niya at nagpakawala siya nang napakalakas na p'wersa. Sinabayan ko siya at hindi ako nagpatalo. Nagdiklapan ang mga nagdikit naming p'wersa. Pilit naming itinutulak ang isa't isa. Nagtataasan na rin ang napakamaraming buhangin sa tapat namin dahil sa aming mga kapangyarihan. Ang iniisip ko lang ay baka matunton kami ng kalaban dahil sa pinaggagagawa namin.

Naramdaman ko na rin ang pagtakbo palayo nina Bakiro. Iyon na lang din kasi ang magagawa nila. Masyadong delikado kung lalapit sila. Malakas ang labanan ng mga dragon at gano'n din kami ng kalaban ko.

"Yahhhh!" bulalas ko at gano'n din siya. Mas lalong dumami ang buhanging umaangat sa ere at nasa tapat na naming dalawa iyon. Nasa gitna na kami ng mga ito habang nasa ere.

"Mahina ka!" sigaw niya at napansin kong nabalutan na naman ng makapal na bato ang kanang paa niya. Mukhang uulitin na naman niya ang ginawa niya kanina.

"Hindi na uubra iyan!" sabi ko nang salagin ng kaliwang kamay ko ang sipang niya. Pinagliyab ko na rin ang kamay kong iyon.

"Alam ko!" sabi naman niya at nginisian niya ako. Nabigla na lang ako nang may matigas na bagay ang tumama sa mukha ko. Humaba ang batong nakabalot sa paa niya at mabilis na tumama sa akin. Ramdam ko ang sakit noon at nagawa niya akong maitulak. Napapikit naman ako dahil sa tama ko. Alam ko ang sunod na atake niya pero dahil sa sakit ng mukha ko ay baka hindi agad ako makailag.

"Tapos ka na Alpiro!" malakas niyang sigaw at buong lakas niya akong inatake gamit ang dala niyang palakol.

BUMULWAK ang medyo may karamihang dugo mula sa kaliwang balikat ko. Mabilis kong inimulat ang mata ko. Pinilit kong iwasan ang palakol niya pero nahagip pa rin ako. Dahil din doon kaya bumulusok ako pababa.

"Hindi maganda 'to," sabi ko sa sarili. Mabilis akong sinusundan ng kalaban at mukhang desidido talagang patayin ako. Hindi ko rin maigalaw ang kaliwang braso ko dahil sa tama ko. Pero...

"Hindi ako matatalo ng isang ito!" bulong ko at pinagliyab ko ang kanang kamao ko. Kumalat din ang apoy ko hanggang sa aking balikat. Palapit na rin nang palapit ang kalaban sa akin. Dito ko malalaman kung matibay ba talaga ang talim ng kanyang palakol.

"Blazing... Punch..." bulalas ko at pinilit kong ininda ang sakit na nararamdaman ko. Mabilis kong ikinampay sa ere ang mga paa ko para makalipad. Lumipad ako patungo sa kanya at buong lakas naman niyang inihampas papunta sa mukha ko ang kanyang palakol.

"Mamamatay ka na!" sigaw niya pero napangisi ako.

"Hinding-hindi mangyayari 'yan!" sigaw ko naman at buong lakas kong sinuntok ang talim ng palakol niya.

Tila isang bomba atomika ang sumabog nang gawin ko iyon. Sumabog ang puti kong apoy. Pilit niya akong tinatalo pero mas nagliyab ang buong kanang braso ko at buong lakas kong winasak ang talim ng sandata niya. Nagdire-diretso rin ang kamao ko papunta sa mukha niya at pagkatapos noon ay binigyan ko siya nang napakalakas na suntok.

MABILIS na bumulusok paibaba ang kalaban ko. Umaapoy ang mukha niya at sa pagbagsak niya sa buhangin ay siya ring pagbagsak ng dragon niya. Kasabay rin noon ay ang pagbaba ng mga umangat na buhangin sa paligid. Napangisi nga ako nang marinig ko ang atungal ng apoy kong dragon sa ere.

"Ayos! Pareho tayong nanalo..." sabi ko at dahan-dahan akong bumaba sa buhangin. Nawala na rin ang dragon ko pati na rin ang apoy sa buo kong braso. Dito ko mas naramdaman ang sakit ng sugat sa mukha ko at balikat. Nakaramdam din ako ng pagod at bigla na lang nagdilim ang paningin ko.

Kokoro no Honoo  by Taong Sorbetes (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon