Ikawalumpo't Apat na Kabanata

44 6 0
                                    


FH35

MULA SA ISANG malayong kabundukan sa silangan ng Enomenos, sa loob ng isang kweba sa taas ng isang bangin na nasa harapan ng ilang malalim na mga daluyan ng tubig ay magkakasamang bumaba ang mga uwak na nagmula sa kagubatan ng Zubath. Nagsa-anyong tao ang mga ito sa pangunguna ni Rhion at pinasok nila ang madilim na loob ng lugar na iyon.

Sa loob ng kweba ay naghihintay na ang kanilang pinunong napapaligiran ng mga walang saplot na mga kababaihan. Isang mahinang apoy rin ang nagbibigay ng liwanag sa lugar na iyon at kasalukuyang kumakain ng hapunan ang binatang nababalot ang kalahating bahagi ng katawan ng itim na marka. Wala itong pang-itaas na saplot at makikitang matipuno ang pangangatawan nito na tila batak sa pakikipaglaban dahil may mga pilat din ito sa iba't ibang bahagi ng kanyang katawan.

Nagsiyukuan sina Rhion nang makita ang kanilang panginoon.

"Narito na po muli kami, panginoong Seb!" matikas na winika ni Rhion at sa pagtitig pa lang ng Espiritu ng Dilim ay nabatid na kaagad nito ang nangyari.

"Kung ganoon, nawala na pala ang iyong alagang Terranian?" wika ni Seb na mabilis na sinakmal gamit ang matatalas niyang ngipin ang isang malaking bloke ng karne na nakahain sa kanyang mesa.

"At isang Sero ang tumalo sa kanya?" pagkabigkas ni Seb doon ay bahagyang nayanig ang paligid dahil sa pagkawala ng kanyang itim na aura na naging dahilan para bahagyang dumilim ang kalangitan sa ibabaw ng kabundukang kasalukuyan nilang pinagkukutaan.

"Hindi ko inaasahang may Sero pa rin pala sa panahong ito?" dagdag pa ni Seb na muling kumain nang magana nang oras na iyon. Pagkatapos noon ay pinagmasdan niya ang kanyang mga kasamahan.

"Magpahinga muna kayo at ireserba ang inyong lakas. Nakalimutan ko palang sabihin sa inyo na ang mga nilalang na nasa Zubath ay ang mga kaaway ko rin noon sa Dakoroso..."

"Ang mga ipis na Litlo!" naglaho ang hawak na baso ni Seb dahil sa kanyang kapangyarihan nang maalala niya ang masaklap na nangyari sa kanya noong unang panahon, libong taon na ang nakakalipas. Hindi pa rin niya matanggap na nakulong siya ng napakatagal sa loob ng Dakoroso.

Nakakaramdam si Seb ng inis sa mga gumawa noon sa kanya, pero ikinalma niya ang kanyang sarili dahil alam niyang may takdang oras para kumilos. Alam din niya ang pakay ng mga manlalakbay na ipinadala mula sa Cleyanero. Ito ay ang hanapin ang Dakoroso!

"Matalino ang pinuno ng Cleyanero dahil hindi kaagad siya nagpatawag ng mga Maharlika... dahil kung ipinaalam kaagad nito sa mga dugong bughaw na iyon... Mas mapapadali ang aking pagbabalik sa mundong ito."

Kumawala nang bahagya ang malakas na itim na enerhiya ni Seb at nagpatuloy siya sa pagkain.

"Ang dugo ng Maharlika mula sa apat na kaharian... Ito ang kailangan ko para maibalik ang isandaang porsiyento ng aking kapangyarihan..."

"Kung hindi lang sana nawasak ang Negatibong Enerhiya na nasa Eucoria... Mas mapapadali sana, kaso may pangahas na nilalang ang kumuha nito na hindi naman nagawang protektahan!" Bumalik pa nga sa alaala ni Seb ang ginawa ng Terranian na si Lucifer. Kung nagtagumpay lang sana ito ay baka nakabalik na siya noon pa man.

Ilang sandali pa matapos kumain ni Seb ay sandali muna siyang nagpahangin sa labas ng kweba. Sa pagtanaw nga niya sa paligid ay siya ring paggalaw ng maitim na ulap sa kalangitan. Binalot ng dilim ang lugar kung saan siya malapit at sunod-sunod na malalakas na kidlat ang tumama sa ibaba na mabilis na lumikha ng malalakas na mga pagsabog.

Nilanghap ni Seb ang sariwang hangin mula sa itaas at pagkatapos ay isang demonyong-ngiti ang sumilay sa kanyang labi. Hindi niya alam kung kailan mabubuo ang kanyang kapangyarihan, pero habang hindi pa dumarating ang oras na iyon... matiyaga pa rin siyang maghihintay sa pagdating ng nakatakdang oras.

Kokoro no Honoo  by Taong Sorbetes (COMPLETED)Where stories live. Discover now