Ika-Isandaan at Tatlumpo't Siyam na Kabanata

62 9 0
                                    


FH90

LUMIKHA kaagad ng apoy na harang si Haring Alpiro nang lumapag ito sa pagitan ng Sero na si Mars at ng misteryosong kalahok na may itim na aura. Doon nga bumangga ang talim ng espada ng dalawa na naging dahilan upang sumabog ang napakaraming puting apoy sa paligid at sa hangin, subalit sa kabila noon ay hindi nawasak ang harang na nilikha ng hari.

Nagliwanag at nayanig ang paligid dahil doon. Sabay ring bumagsak padapa ang dalawa at pagkatapos ay naglaho ang kanilang malakas na aura.

"Ibuhos ninyo ang buong lakas ninyo kapag kayo na ang nagkaharap sa ibabaw ng lugar na ito!" malakas na sabi ng hari ng apoy. Isang malapad na ngiti rin ang bumakas bigla sa labi nito, at tiningnan niya ang dalawa pagkatapos niyon.

Napakuyom ng kamao ang dalawang kalahok at mahinahong tumayo. Nang makita nga nila ang ngiti ng umaapoy na hari ay natauhan ang sila sa kanilang ginawa.

Napatingin pa si Mars sa lalaking may itim na aura at ibinalik niya sa lalagyanan ang hawak niyang espada at napangisi.

"Ako si Mars! Magkita tayo sa huling bahagi!" Iniangat din niya ang kanyang kanang kamay habang nakatingin dito.

Ngumisi naman ang misteryosong binata. Tinapik nito ang kamay ni Mars at tumalikod. Naglakad na nga ito paibaba ng battle arena.

"Darkrai!" malakas na sabi ng binatang iyon at itinaas niya sa ere ang kanyang kanang kamay. Ibinaba rin naman niya iyon kaagad.

"Talunin mo muna ang Maharlikang makakalaban mo bago mo sabihin iyan sa akin..." dagdag pa nito at pagkatapos ay bigla itong naglaho mula sa kinatatayuan nito. Nakaupo na nga ito sa kabilang bahagi ng battle arena, sa ibaba.

Napangisi naman si Mars at napatingin sa Maharlikang tinutukoy ni Darkrai. Ang Maharlikang si Isago. Napangisi siya at napakuyom ng kamao dahil isang mabigat na kalaban ang kanyang kakaharapin.

"Sige ba..." Tumalikod na siya at naglakad palayo sa battle field. Nanginginig naman sa pagkasabik ang hari ng apoy nang marinig iyon. Masaya nga itong lumipad paitaas, pabalik sa entablado.

"Mukhang maraming hindi inaasahang mangyayari sa paligsahang ito..." sambit ng hari ng apoy at muli itong umupo.

"Tama ka riyan. Lalong-lalo na sa misteryosong Sero na iyon..." wika naman ni Haring Shiyarko sabay tingin sa reyna ng lupa.

"Batid kong mananalo si Isago..."

Napatigil bigla si reyna Sakura at napaseryoso.

"Ngunit ang aura ng Sero na iyon... Hindi iyon pangkaraniwan!"

*****

TUMAKBO kaagad si Hikin patungo sa direksyon ni Mars ngunit napahinto nga lang siya nang makitang tumatakbo rin patungo rito ang prinsesang si Venus. Napangiti siya at nagpatuloy ngunit hindi na iyon ganoon kabilis tulad kanina.

"Mars!" Napasigaw na ang prinsesa sa paglapit nito sa binata.

Napalingon nga agad si Mars at nagulat nang makita si Venus. Mababakas sa mukha ng dalaga ang pag-aalala. Magsasalita na sana ang binata ngunit biglang isang malakas na suntok ang tumama sa mukha niya.

"Hindi ka ba nag-iisip!?" malakas na sabi ni prinsesa Venus.

Napaupo naman si Mars dahil sa tumamang suntok sa kanya. Napaalog siya sa kanyang ulo at napailing. Masakit din iyon!

"B-bakit mo ginawa iyon? A-ano'ng kasalanan ko sa iyo?" medyo napalakas na tanong ng binata at napatayo siya habang hinihilot ang namulang mukha.

Pero hindi nagsalita ang prinsesa, bagkus ay inirapan siya nito at tumalikod na lamang. Isang munting ngiti rin nga ang kumislap mula sa labi nito. Nakita naman din iyon ni prinsipe Alpiro at tila may kung ano itong naramdaman pero hindi na lang nito iyon inisip. Lumipad na ngangmuli ang prinsipe sa taas ng entablado. Sa hindi maipaliwanag na dahilan, ay hindi na ito nagpaalam sa prinsesa.

Kokoro no Honoo  by Taong Sorbetes (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon