Ika-Isandaan at Tatlumpo't Tatlong Kabanata

41 7 0
                                    


FH84


LAKING-GULAT ni Mars nang magliyab ang kanang braso niya. Nagawa niyang magpalabas ng apoy at hindi siya makapaniwala rito. Napakarami ngang tanong niya sa kanyang sarili nang sandaling iyon, dahil simula nang ipanganak siya'y ang alam niya ay wala siyang kapangyarihang Elemental.

"Labanan mo ako Mars!"

Nabigla naman siya nang lumitaw sa harapan niya ang isang babaeng may asul na baluti. Napapalibutan ito ng napakaraming butil ng tubig at nagliliwanag ang aura nitong asul.

"Na-nakakakita rin ako ng aura?" pagtataka pa ng binata. Napatinging muli siya sa kanyang kanang kamay. Napakaliwanag nga ng pula niyang apoy. Hindi siya nakakaramdam ng init at sakit mula rito.

"Ano pang tinatayo-tayo mo? Kung gano'n, ako na ang unang aatake!" Biglang bumuo ng bolang tubig ang Prinsesa ng Tubig sa kanang kamao nito at pagkatapos ay buong lakas na ibinato papunta kay Mars.

Direkta ngang tinamaan si Mars sa mukha noon...

Napabangon mula sa pagkakatulog si Mars dahil doon. Panaginip lamang pala ang lahat. Napatingin pa nga siya sa kanyang mga kamay. Wala siyang apoy na makikita roon. Napailing na lamang siya, at doon ay napansin niyang nasa loob na pala siya ng isang silid. Napansin niyang napakaraming kabibe sa loob. May kanya-kanyang lalagyan ang bawat isa at nakaukit din sa may pinto ang marka ng mga Aquanian.

Sa tabi ng kanyang hinihigaan ay may isa pang kamang gawa sa kahoy. Doon nakahiga ang batang si Hikin. Doon niya lang uli naalala, nakipaglaban sila sa higanteng si Colossa kanina.

"A-anong nangyari?" Ito ang tanong niya sa sarili at tuluya nang pumasok sa loob ng silid ang isang nilalang. Si Gong!

"Ma-bu-ti't na-gi-sing na po ka-yo. Ma-li-ga-yang pag-da-ting po sa a-king ta-ha-nan... I-ki-na-lu-lu-god ko po ka-yong ma-ki-ta... A-ko po si Gong."

Isang nilalang na kawangis ng isang pagong ito. Nakatayo ito gamit ang dalawang mga paa at nasa loob ng baluting bilog ang buong katawan. Mabagal itong magsalita tulad ng pagkilos nito. May katandaan na rin ito, at makikita iyon sa puting buhok nito na may kahabaan na rin. Hawak nga rin nito ang isang manipis na kahoy na nagsisilbing tungkod nito.

Yumuko ito bigla sa harapan ni Mars. Iyon nga ang ikinagulat ng binata.

"Ba-bakit po kayo yumuyuko?" gulat na tanong ni Mars.

"Ako naman po si Mars!" pagpapakilala naman niya.

Dahan-dahang tumunghay si Gong. Nagbigay ito ng ngiti sa kanya at makikitang mabagal ang paggalaw nito.

"Da-hil i-sa po ka-yong Ma-har-li-ka..."

"M-maharlika?" sambit ni Mars.

"Teka po! Napakaimposible niyan. Isa po akong Sero!" mabilis na dagdag pa ng binata sa kanyang sinabi na bahagyang ikinagulat nga ni Gong.

Napatayo nga si Mars. Ni hindi na nga niya naisip kung paano siya nito natawag na Maharlika. Ipinakita niya na lang kay Gong na isa siyang Sero. Pinakita niya ang mga kamay niya. Nag-pokus pagkatapos at ni isang elemental na kapangyarihan ay walang lumabas mula roon.

"At isa pa po, ni isang marka sa katawan ko'y wala kayong makikita!"

Doo'y biglang napaisip naman si Gong. Alam nitong hindi siya maaaring magkamali. Ang Will Power ay tanging Maharlika lamang ang nagtataglay at iilan lang din ang may kakayahang magpalabas noon. Karamihan pa noon ay mga Flammanian dahil ang lebel ng kapangyarihan nila ay nababase sa damdamin at emosyon ng gumagamit nito.

Kokoro no Honoo  by Taong Sorbetes (COMPLETED)Where stories live. Discover now