Ikasiyamnapu't Apat na Kabanata

42 6 0
                                    


FH45

NAKALAPAG na si Mars sa ibaba sa tulong ni Lylia. Pagkatapak pa lang ng mga paa ng binata sa lupa ay nakaramdam na kaagad siya ng panghihina at tuluyan na nga siyang bumulagta habang nakatingin sa mga ulap na nasa ilalim ng asul na kalangitan. Napangiwi pa nga siya nang maramdaman ang pagkirot ng kanyang mga sugat sa katawan at bahagya rin siyang nakaramdam ng antok.

Ngunit pinigilan ng binatang mapapikit at makatulog. Nakaramdam na lang siya na tila may naglalakad sa kanyang dibdib at nang pinilit niyang makita kung sino iyon ay napangiti na siya nang bahagya.

"Maraming salamat munting nilalang..." mahinang binigkas ni Mars at si prinsesa Lylia ay napatingin naman sa mukha ng Sero na puno ng galos at may mga sugat din na dumurugo na makikita rito.

Huminga nang malalim ang prinsesa at napangiti siya nang hindi inaasahan sapagkat hindi niya akalain na ang binata palang ito ang bayaning sinasabi sa propesiya noon. Dahil doon, naging malaki ang tiwala niya sa Sero na ito na makikita nito ang Dakoroso at magagawa rin nitong talunin si Seb kung sakali mang magkaharap silang dalawa. Pagkatapos noon ay biglang sumagi sa isip niya ang mukha ng kanyang ama na si Meynard.

"Tiyak na hinahanap na ako ni Ama," sabi ng Litlo sa sarili na napatingin na lamang sa itaas. Tumakas siya mula sa kanyang amang si Meynard para sumama sa paglalakbay nina Mars, at batid na niyang baka sa mga oras na ito ay nag-aalala na ito sa kanya. Maging ang buong kaharian nga ay baka ganoon din. May posibilidad din daw na ipinapahanap na siya ng kanyang amang hari sa sandaling malaman na nitong wala siya sa kanyang silid.

"Pero nandito na ako... Isa pa, kasama ko ang bayaning Flammanian na ito..."

Mula sa kanyang lalagyanang maliit na nasa tagiliran niya ay may kung anong botelya na may lamang likido ang kinuha ng prinsesa. Berde ang kulay ng laman noon at binuksan niya na nga ito. Pagkataposay ipinatak niya ang laman noon sa dibdib ng Sero na si Mars.

"Mabuti na lamang at may laman ang lalagyanan ko nito," wika ng prinsesa at dumaloy sa katawan ni Mars ang berdeng likidong iyon. Bahagyang nagliwanag ang katawan ng Sero at makikitang dahan-dahang naghihilom ang sugat na natamo nito mula sa laban. Tinatawag ng mga Litlo ang likidong iyon na gamot para sa pagpapahilom. May kakayahan itong pagalingin ang anumang sugat na natamo ng isang nilalang na paggagamitan nito. Katulad din ito ng kapangyarihan ng mga Aquanian, sa katunayan nga, ang ginamit na tubig ng mga Litlo upang gawin ito ay mula pa sa Bukal ng Atlantis na matatagpuan sa gitna ng kaharian ng Tubig.

Kaso, limitado lang ang ganitong gamot para sa mga Litlo sapagkat napakahabang proseso ang ginagawa nila upang malikha ito. Si prinsesa Lylia nga ay iilang botelya lang din ang baon na ganito. Ibinigay ito sa prinsesa bilang suporta sa sarili sa oras na mangailangan ito.

Samantala, nagulat na lamang si Mars nang maglaho ang sakit na nararamdaman niya mula sa kanyang mga sugat. Marahan niyang iginalaw ang kanyang mga braso at itinaas niya iyon sa tapat ng kanyang mukha para pagmasdan naman ang kamay niya.

"Pinagaling ko na ang mga sugat mo." Isang matinis na boses ang narinig niya at nang kanyang tingnan ang pinagmulan noon ay nakita niya ang prinsesa ng mga Litlo na may kulay ube na buhok. Mabilis siyang napangiti at bumangon.

Mabilis naman na tumalon si Lylia palayo sa binata.

"A-ang galing, wala na nga ang mga sugat ko," wika ni Mars at habang natutuwa siya sa ginawang pagpapagaling ng prinsesa sa kanya ay parang may naramdaman siya sa kanyang katawan. Tumatakbo sa isip niya ang mga salitang pinagaling ang mga sugat. May madilim na alaala ang biglang sumagi sa kanyang sarili at napatulala na lamang siya dahil parang may kurot iyon sa kanyang kalooban na hindi naman niya maipaliwanag.

Kokoro no Honoo  by Taong Sorbetes (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon