Ika-isandaan at Isang Kabanata

52 6 0
                                    


FH52

NAPAATRAS si Hades nang makaramdam siya ng sakit mula sa pahabang sugat na lumabas sa kanyang sikmura. Nararamdaman din niya ang init na nagmumula roon. Parang tinutupok ang bahaging iyon at nakita niya pa nga kanina ang pagliyab ng asul na apoy ng espada ng kalaban niyang Sero.

"Ang espadang iyon... Hindi iyon basta-basta. Dapat kanina ko pang napatay ang isang ito, pero dahil sa sandata niya ay parang napakahirap gawin iyon," wika ni Hades na mabilis lumipad paitaas. Kung hindi nakakalusot ang kanyang mga simpleng atake rito, sa pagkakataong ito ay susubok siya ng malakihang atake.

"Sadya ngang kahanga-hanga kang Sero... Pero tingnan natin ngayon kung may magagawa ka pa sa gagawin kong atake."

Ang mga manonood ay napasigaw para suportahan si Hades. Nakakagulat man ang ginawa ng kalaban nito, pero alam nilang sa huli ay sa pinuno pa rin nila magmumula ang huling halakhak.

Napaseryoso sina Aru nang makita ang likod ni Hades mula sa malayo. Dahil sa kaba kanina ay hindi na nila naisip na ang asul na apoy ay sa mga Maharlika lang madalas na lumalabas. Nang makita nilang apat ang simbolo ng apoy sa balat ng kalaban ni Hades ay mas lalo silang nawalan ng pag-asa. Napatingin na nga lang sila kay Mars sa ibaba na kasalukuyang nakatingala sa itaas.

Napansin naman iyon ni Hikin at hindi na siya natutuwa sa reaksyon ng mga ito.

"Hanggang ngayon ba ay hindi pa rin kayo nagtitiwala kay Mars? Hindi ba ninyo naiisip kung bakit siya ang inilagay ni Lava bilang kanyang kapalit?"

Nabigla ang apat nang magsalita si Hikin. Sinabayan pa iyon ng isang malakas na pag-ihip ng hangin na bumangga sa kanilang mga balat.

"Ngayon pa lang ay tumakas na kayo at bumalik sa Cleyanero. Ano pa ba ang hinihintay ninyong apat? Ito na ang pagkakataon ninyo. Iwanan na ninyo kami rito. Kung ano man ang mangyari sa amin ay iyon nang kapalaran namin."

"Nga pala, masaya kami ni Mars na nakasama kayo..." seryosong winika ni Hikin at mula sa kinatatayuan niya ay tumalon siya papunta sa ibaba. Mabilis niyang tinalunan ang mga dapat niyang apakan para maayos na makababa mula sa itaas. Nasa ulo rin ng batang may gintong buhok ang Litlo na si Lylia.

"Ingatan ninyo ang mga sarili n'yo. Ito na ang pagkakataon ninyong mabuhay."

Hinihingal na narating ni Hikin ang labas ng arena at mula roon ay buong-lakas niyang tinawag si Mars. Ang pagtawag niyang iyon ay pumukaw naman ng pansin ng lahat. Si Hades ay napatingin sa ibaba at napangiti. Ang atake kasi niyang bibitawan ay ang apoy na tutupok sa mga ito. Isang mabilisang pagtapos ang naghihintay sa mga nilalang na iyon.

Kumawala ang napakalawak na aura ni Hades at itinaas niya ang kanyang kanang kamay. Ang asul na apoy mula roon ay mabilis na sumiklab at lumaki iyon nang lumaki nang higit pa sa normal. Isang napakainit na atmospera nga ang mararamdaman sa paligid, kaya ang lahat ay nagpalabas ng kanilang mga aura upang proteksyonan ang kanilang mga sarili.

Si Hikin ay napatingin na lamang sa itaas. Batid niyang nais na silang patayin ni Hades. Muli pa nga siyang tumingin kay Mars na kasalukuyang nagliliyab pa rin ang aura na bumabalot sa katawan nito.

"Kaya mo ba iyan Mars?" sigaw pa ni Hikin habang seryosong nakatingin sa binata. Kung gagawin lang niya ang bagay na iyon ay babalik na ang kapangyarihang muli ng binata, kaso hangga't hindi pa nila nakakalaban si Seb ay hindi pa niya ito maaaring gawin.

Isang ngiti naman ang ibinigay ni Mars sa bata. "Hindi ko alam, pero." Inayos ni Mars ang pagkakahawak niya sa kanyang espada. Tumingin siya sa itaas at tila nasa ibaba na siya ng araw sa laki ng bola ng asul na apoy na kanyang nakikita.

"Balak mo bang wasakin ang buong lugar na ito?" wika ni Mars at doon ay nagkatinginan sila ni Hades. Ito pala raw ang lakas ng isang Maharlika. Sadyang napakapambihira kung ang tulad niya ang haharap dito.

"Iyan na ba ang mga huli mong salita Sero?" sigaw naman ni Hades mula sa itaas. Ang paligid ay binabalot na ng init at may kasama pa iyong napakalakas na hangin.

"Wala akong huling salita, dahil hindi pa ako mamatay sa atake mong iyan," sagot naman ni Mars na ikinangisi ni Hades.

"Masyado ka talagang bilib sa sarili mo... Sige na, tatapusin ko na ang ugali mong iyan... Magpaalam ka na sa walang kwentang buhay na naranasan mo rito!" sigaw ni Hades at buong-lakas na niyang ibinato paibaba ang kanyang malaking bola ng asul na apoy.

Napangiti naman si Mars nang marinig iyon. Ano ba raw ang sinasabi nitong walang kwenta? Kahit isa siyang Sero ay ni minsan ay hindi niya inisip na wala siyang kwentang nilalang dito. Hindi man siya sinusuportahan ng marami sa kanyang ginagawa, ang importante sa kanya ay nagagawa niya ang kanyang gusto nang malaya. Isa pa, nasa likuran niya si Hikin, iisa man ito, pero sapat na iyon para may dahilan siya para magpatuloy. Ang mga nangyari sa misyong ito ay hindi rin niya malilimutan.

"Nakaranas akong gumamit ng apoy..."

"Nagkaroon ng astig na espada."

"Nakatagpo ng malalakas na kalaban."

"Ano ang sinasabi mong walang kwenta?" wika ni Mars at mahigpit na niyang hinawakan ang kanyang esapada gamit ang dalawa niyang kamay. Kung hindi niya ito mapipigilan ay katapusan na nila. Ganoon din sina Hikin at Lylia na nasa kanyang likuran na kasalukuyan namang nasa ibaba ng arena.

"Pinunong Mars! Talunin mo si Hades! Wala kaming pakialam kung isa pa siyang Maharlika!" Ang malakas na sigaw na iyon ang tuluyan nang nagpangiti kay Hikin. Nasa likuran na niya ang apat na kasalukuyang nagliliyab ang mga aura.

"Pasensya ka na Hikin..." mahinang winika ni Magma sa bata.

Si Aru naman ay seryosong pinagmasdan si Mars na kasalukuyang pinaghahandaan ang paparating na apoy. Alam ng apat na sa oras na hindi ito mapigilan ng kanilang pinuno ay katapusan na nilang lahat. Pero wala na silang pakialam sa bagay na iyon, narito sila para samahan ito.

"Kung kapalaran naming mamatay na kasama ka pinuno! Ikinagagalak naming tanggapin iyon!" bulalas ng apat at narinig iyon ni Mars.

Mas lumapad ang ngiti sa labi ni Mars nang marinig iyon mula sa apat.

"Ano ba ang sinasabi ninyo?"

Ang aura ni Mars ay sumiklab at lumiyab nang higit sa inaasahan. Kung may kapangyarihang elemental lang sana ang kanyang aura ay baka nagawa niyang makipagsabayan sa Maharlikang kanyang kalaban.

"Hindi pa tayo mamamatay..."

Habang hawak-hawak ng binata ang espadang Yama ay may isang salita ang biglang sumagi sa isip ni Mars nang hindi inaasahan. Hindi niya alam kung ano iyon o kung saan ito nagmula. Pero iniisip pa lamang niya iyon ay tila ba tumitibok bigla ang kanyang hawak na sandata.

Si Hikin, sandali namang naging seryoso. Naalala niya ang abilidad na itinuro kay Mars noong nasa Gomi pa ito. Hindi niya alam kung gagana ito sa Yama, pero kung magkakaroon iyon ng epekto... Ang taglay na lakas na mayroon ang espada ay magiging higit sa normal at ganoon din ang nilalang na gumagamit dito.

Ang enerhiya na nagmumula kay Mars at sa espada ay nagsanib. Si Hikin ay iniisip kung babanggitin ba ng binata ang salitang iyon.

Sa paglapit sa ibaba ng apoy ni Hades, ay siya namang pagkawala ng napakalakas na hangin mula sa kinatatayuan ni Mars. Iginalaw niya ang kanyang espada paitaas at doon na nga niya binanggit ang salitang bigla na lamang sumagi sa kanyang isipan.

"Hindi ko alam kung anong salita ito... Pero."

"Ban...kai!"

Kokoro no Honoo  by Taong Sorbetes (COMPLETED)Where stories live. Discover now