Ika-isandaan at Labingpitong Kabanata

34 4 0
                                    


FH68

"AYUSIN mo ang pag-iwas!" bulalas ng isang matandang guro sa kanyang estudyante na kasalukuyang nakapiring ang mata. Nakaupo ang binata sa harapan niya habang makikita ngang may hawak siyang pamalo. Hinahampas niya ito at walang pakialam ang matanda kung magkandadugo o magkandasugat ang ulo at mukha ng tinuturuan niya.

"Paano ko ba maaayos, ganoong hindi ko naman nakikita?" naiinis na tanong naman ng binata na muling tinamaan ang ulo ng isang malakas na pagpalo. Napatumba kaagad ito at napakuyom na lamang ng kamao.

"Kung palagi kang ganyan Seb, paano ka magiging malakas?" tanong ng matandang si Manip. Isa itong guro sa paaralan ng Dakoroso na iilan lang ang nakakapasok.

"Tandaan mo... Sa oras na magtagumpay ang aking eksperimento ay maari na kitang mabigyan ng kapangyarihan," nakangiting winika ni Manip. Isa rin ang matanda sa may mga matatalinong utak pagdating sa mga pag-aaral at pagdiskubre ng mga bagay-bagay.

"Sa oras na totoo ang kapangyarihang iyon ay ikaw ang magiging unang kanlungan noon. Ikaw na isang Sero ay ang magkakamit nito... Hindi ba maganda iyon Seb?" tumatawang winika ni Manip sa natahimik na si Seb. Naalala niya nang una siyang pumasok sa paaralan at hindi niya akalaing mangyayari ito. Marami ang nagulat sa kanyang pagpasok dito pero dahil sa tulong ng kanyang mga kaibigan ay unti-unti siyang tinanggap ng mga narito. Hindi naman mawawala ang inggit sa iba, pero wala na siyang pakialam sa bagay na iyon. Ang importante ay narito siya para paunlarin ang kanyang kakayahan kahit siya ay walang elemental na kapangyarihan.

Nang kumalat sa paaralan ang balitang isang Sero ang nag-aaral dito ay isang guro kaagad ang naging interesado rito. Ito ay si Manip na palaging hindi lumalabas mula sa loob ng isang silid na tinatawag niyang laboratoryo, ay ang nilalang na nagka-interes kay Seb.

Hinanap ito ni Manip at nang makita niyang kasama ito ng apat na sikat na estudyante sa paaralan ay bahagya siyang nagulat. Nalaman niyang ang apat na iyon ang nagpapapasok kay Seb para maging malakas.

Mula nang araw na iyon ay palihim niyang inobserbahan at pinanood ang bawat kilos ni Seb. Nakikita niyang isang tipikal na kabataan lang din ito tulad ng iba na puro kwentuhan at pag-aaral ang nasa isip. Nakikita niyang masaya ito kapag kasama ang apat na kaibigan pero isang bagay ang nagbigay sa kanya ng lakas para lapitan na ito.

Isang araw, makikitang walang kasama si Seb na naglalakad sa paaralan nang bigla itong hinarang ng apat na kapwa niya estudyante na mga lalaki. Mas matanda ang mga ito kumpara kay Seb at mukhang ilan sa mga ito ay hindi pa rin matanggap na ang isang walang kapangyarihang tulad nito ay narito sa paaralan.

Hinila at dinala ng mga ito ang binata sa likuran ng isa sa mga gusali sa paaralan.

Kahit na nasa gipit na sitwasyon si Seb ay nakapamulsa lang siya at makikitang hindi man lang natakot sa nakapalibot na kabataan sa kanya.

"Ano'ng mga kailangan ninyo?" tanong kaagad ni Seb at ang pinakamalaki sa grupo ay agad siyang ibinalya sa pader ng gusali. Napa-ubo pa nga siya nang sinikmuraan pa siya nito.

"Ano ang kailangan namin? Natatawa lang kami kasi nakapasok ka rito. Ang mga kaibigan naming iba ay mas malakas sa iyo pero hindi sila napili para mag-aral dito!" wika ng lalaking iyon na nakakunot pa ang noo habang idinidikit sa pader si Seb.

"Sabihin mo, paano ka napunta rito ganoong isa kang walang kwenta?"

"Wala kang kapangyarihan at ano ang laban mo sa amin?" dagdag pa nito at mula sa kamao ng lalaking iyon ay humulma ang isang makapal na lupa. Ipinakita niya kay Seb ang kanyang abilidad at ang mga kasamahan nito ay nagtawanan naman.

"Bigyan mo nga ng isa iyan. Isa ang kapatid ko sa mga winalang-hiya niyan noon. Siguro naman ay mapapaisip na siya na mali ang kanyang ginawa noon," ani ng isang nasa likuran na tinawanan pa lalo si Seb.

"Seb! Tandaan mo... Pagkatapos nito ay mag-impake ka na at umalis dito!" wika ng lalaking may abilidad ng Lupa. Isang malakas na suntok din sa mukha ni Seb ang kanyang ginawa at napahiyaw nang bahagya ang kanyang mga kasamahan.

Nagdugo ang ilong at labi ni Seb dahil sa lakas noon. Kasabay nga rin ng mga tawanang narinig niya ay ang napangisi siya nang dahan-dahan. Nakitawa nga rin siya na ikinatigil ng mga lalaking nasa paligid niya.

"A-ang mga katulad ninyo ang sadyang mahihina. Kahit pa may mga kapangyarihan kayo ay mas malakas pa rin ako sa inyo..." Gumalaw ang isang kamay ni Seb at hinawakan sa bisig ang lalaking nasa kanyang harapan. Dito ay nasa isip pa rin niya ang kagustuhan niyang gumanti sa lahat. Ang mga tumulong sa kanyang sina Hikin ay ginamit niya para sa pansariling ambisyon. Ito ay ang lipulin ang lahat ng mga nakatira sa Dakoroso. Wala siyang kapangyarihan, pero hahanap siya ng paraan para magkaroon nito. Sabi nga sa kanya ni Umi, isa sa mga tumulong sa kanya... "Malawak ang Dakoroso! Sigurado akong may paraan upang ikaw ay magkaroon ng kapangyarihan."

Kung mayroong paraan ay kailangan niyang kumilos para hanapin kung nasaan iyon.

"Aba't lalaban ka pa?" bulalas ng lalaking nagpipinid kay Seb sa pader. Nabalot muli ang isa nitong kamay ng makapal na lupa at mabilis nitong iniumang ang kanyang kamao papunta sa mukha ng duguang Sero.

Isang malakas na suntok ang tumama sa mukha ni Seb at parang naalog ang kanyang ulo dahil doon. Umikot ang kanyang paningin pero tiniis niya ito para makita ang mga estudyanteng gumagawa nito sa kanya.

"S-sige... Pagtawanan ninyo ako."

"Sa oras na may mahanap akong paraan para maging malakas at magkaroon ng kapangyarihan... Papatayin ko kayong lahat!" sabi ni Seb sa kanyang sarili at pagkatapos noon ay isang seryosong titig sa lalaking tumatawa sa kanyang harapan ang nagawa pa niya.

Isang mahinang hangin ang kumawala sa paligid at nagmula iyon sa katawan ni Seb. Ang mahinang pwersang iyon ay tumagos sa mga tumatawang estudyante at pagkatapos noon ay nabigla na lamang si Manip sa kanyang nasaksihan.

Biglang napaatras ang lalaking nagpinid kay Seb. Parang mawawalan ito ng balanse at isang maliit na ngisi naman ang makikita sa binatang Sero. Bumagsak ang mga lalaking nasa kanyang harapan at nawalan na lamang ng mga malay.

"P-paano ito nangyari?" Ito ang tanong ni Seb sa kanyang sarili ngunit dahil sa mga tama niya sa mukha ay nawalan na rin siya ng lakas para manatiling gising at nakatayo. Bumagsak ang binata at wala siyang kaalam-alam na ang ginawa niya ay ang kanyang Will Power.

Isang maliit na ngiti naman ang sumilay sa labi ni Manip na nagmadaling lapitan ang walang malay na si Seb. Napatawa pa ito na para bang labis ang ligaya dahil sa kanyang nakita.

"Ikaw ang napili kong gagamit ng tinutuklas kong kapangyarihan..."

"Ang ikalimang elemento!"

Kokoro no Honoo  by Taong Sorbetes (COMPLETED)Dove le storie prendono vita. Scoprilo ora