Chapter 6: Killer Instinct

1.2K 135 38
                                    


Hindi pa rin ako kinakausap ni Rico, pero lagi naman kaming magkakasama nina Mat. Laging si Mat ang nagsasalita kapag may kailangan siya sa 'kin. Sinasabi na lang ni Mat na hayaan na lang muna si Rico, ang mahalaga, nagpapansinan na ulit kami.

Ayaw ni Ma'am Lorenzo na may bumagsak sa advisory class niya kasi ibig sabihin n'on, magre-remedial ako. Pero ayoko na ring makipagkompetensiya. Wala akong ibang kaibigan dito, sila lang ni Mat. Ayoko na ring humanap pa ng ibang kaibigan.

Uwian, dadaan dapat ako sa bahay nila para bisitahin si Sabrina pero sinundo ulit ako ng van saka dinala sa may building na malapit sa kampo.

Ibang opisina na iyon, mas maliit pero maaliwalas sa loob. Pagpasok ko, nakita ko agad si Ma'am Tessa na nakatayo sa harap ng malaking bakal na cabinet at may hinahatak na drawer doon. Nakasuot siya ng puting uniform na parang pan-teacher saka itim na palda. Nakasuot din siya ng salamin sa mata saka nakatali ang buhok.

"Good afternoon po," mahinang bati ko.

"Take your seat," istriktang utos niya.

"Opo." Naupo naman ako sa folding chair na katapat ng office table niyang maraming nakatambak na folders.

Pasulyap-sulyap lang ako sa kanya habang nakayuko ako. Hindi ko alam kung bakit niya ako ipinatawag. O baka nalaman na niyang nagkaaway kami ni Rico?

"Sinabi ni Bernadeth na naka-zero ka sa mga exam."

Pagsulyap ko mula sa pagkakayuko, natagalan ako ng pagtitig sa kanya kahit nakatalikod siya sa 'kin at nagbabasa ng laman ng folder doon.

Kinausap siya ni Ma'am Lorenzo?

"Ano'ng problema, bakit naka-zero ka?" mas istrikta na niyang tanong.

"Hindi po ako nakapag-review," mahinang sagot ko habang naghihimas ng palad kong nasa tuhod.

"Ayoko ng sinungaling."

Kusang umangat ang mukha ko nang sabihin niya 'yon. Pagtingin ko sa kanya, nakataas na ang kilay niya sa akin. Huminto na rin siya sa pagbabasa.

"Nag-retake ka, na-perfect mo raw sa harap mismo ng adviser mo. Paanong hindi ka nakapag-review?"

Ako na ang unang yumuko para mag-iwas ng tingin. Baka pinagagalitan niya ako kasi nag-take ako ng exam nang dalawang beses.

"Tumawag si Ronie, tinatanong ako kung puwede ko bang bayaran ang tuition fee mo."

"Po?" tanong ko agad pag-angat ko ng mukha.

"Ano'ng usapan natin?" tanong niya at pabagsak na isinara ang metal cabinet. "Hindi ba, bababa ka lang ng ranking?"

"Hindi naman po ako pumayag doon."

"Bakit ka nga naka-zero?" tanong niya at mas mataas na ang tono. "Tinatanong ng anak ko kung ano'ng mangyayari kung wala ka nang scholarship grant kasi naka-zero ka sa exams."

"Po?" Si Rico?

Nagkrus siya ng mga braso at tumayo sa likod ng mesa paharap sa akin. "Sino'ng may sabing ibagsak mo ang mga subject, hmm?"

"Sabi po ni Mami, may pambayad naman daw po kami sa tuition fee ko po."

"That's not my question, young man!" sigaw niya sa 'kin kaya halos mapatalon ako sa upuan ko dahil sa gulat. "Bakit ibinagsak mo ang mga exam mo, hmm?"

Sa sobrang takot ko sa kanya, kusa nang umapaw ang luha ko habang nangingilag sa mesa.

"Kung ako ang mama mo, tingin mo, matutuwa ako sa ginagawa mo?"

ABS Sides: Alabang Boys' AdventuresWhere stories live. Discover now