Chapter 4: Professionals

1.6K 135 65
                                    


Sikat.

Sobrang sikat. Kapag kabarkada mo ang apo ng governor, imposibleng walang makakakilala sa 'yo. Palakaibigan si Mat pero bihira siyang sumama sa grupo. Kaya nga walang kumuwestiyon sa aming tatlo bilang magbabarkada kasi Top 1, 2, at 3 kami. Matic na 'yon, alam na nilang kailangan muna ng utak bago mapabilang sa grupo namin.

Ang daming may crush kay Mat. Crush siya ng bayan at future governor kung tawagin ng mga nakatatanda sa amin. Guwapo, matalino, talented, mayaman—literal na halos buong bayan, may crush sa kanya kasi kilala siya ng bawat pamilya sa palibot namin. Tuwing eleksiyon daw kasi, kasama siya sa rumoronda mula pa noong maliit siya hanggang nitong nakaraang eleksiyon. Kaya bata pa lang, may pangarap na sa kanya—hindi lang pangarap ng pamilya kundi pangarap ng buong bayan din.

Pero hindi siya mayabang. Kapag nasa kantina kami at nagre-recess, may lumalapit sa amin at nagbibigay sa kanya ng pagkain. Minsan, sandwich; minsan, juice. Basta yung tatanggapin niya at ngiti lang lagi ang sukli niya saka matamis na thank you.

Doon ko rin naranasang may magka-crush sa akin. May mga lumalapit din pero love letter naman ang ibinibigay. Ngingiti lang din ako saka magte-thank you tapos sasabihan ko sila na sana maging friends kami para hindi na sila nahihiya sa akin.

Kung yabang lang ang usapan, si Rico, nanunuot pa sa buto, walang palya.

May lalapit sa table na freshman, magko-confess.

"Hi, Rico."

"Hi!" masaya pang sagot niya.

Lalapagan siya ng maha blanca sa mesa na nasa dahon ng saging tapos nahihiyang ngingitian siya. "Ano . . . crush kita, Rico."

Malutong pa ang tawa niya sa amin. "Of course, you do! Sino bang hindi?"

Tapos maghahawi siya ng buhok at mamatahin ang "alay" sa kanya sunod ang mukha ng nag-confess. "That's it?" sarkastikong isasagot niya kaya magre-rescue na kami ni Mat ng sugatang puso.

Madalas sa madalas, si Mat ang sumasalo sa babae, ako naman ang sumasalo sa "alay" para sa kanya. Kasi hindi nagdadalawang-isip si Rico na itapon 'yon kahit maraming makakakita.

Kapag ganoon, pinagsasabihan ko na siya.

"Bud, puwede namang hindi pagtawanan."

"Pangit," sagot niya, sisimangot pa, kaya iniligtas ko na ang maha bago pa niya itapon. Sayang kasi.

Sa aming tatlo, ako ang nag-iipon ng love letter kasi ako ang masipag mag-reply. Nilalagay nila ang mga locker number nila tapos pag-uwi sa bahay, gagawa ako ng response and appreciation letter at ako mismo ang naglalagay sa mga locker nila. Iyon lang kasi ang alam kong paraan para maibalik ko sa kanilang lahat ang ibinibigay rin nila sa akin.

"You don't have to do that, bai," puna ni Rico kasi tinutulungan niya sa project niya si Sabrina tapos busy akong magsulat. "They don't need response, please. Normal lang magka-happy crush."

"Gamay ra," sagot ko. "Duha pa lang."

"You're too nice. Hindi mo naman sila make-cater lahat."

Nasanay ako sa atensiyon sa school. Madalas, hindi na rin nakakatuwa. Kaya nga maaga akong umuuwi kasi ayoko ng masyadong kinukulit ako, hindi ko alam ang gagawin.

Kapag busy sina Mat at Rico sa afternoon activities nila, doon ako tumatambay sa likod ng bahay nina Rico kasi may piano roon. Maliit lang 'yon na nakadikit sa dingding. Medyo luma na kaya iba rin ang tunog sa ibang electric keyboard na gamit din minsan sa rehearsal. Matagal na akong hindi nakakapag-piano kasi ayoko ng magdagdag ng ibang gagawin kaya sinusulit ko na ang pagtugtog sa kapitbahay.

ABS Sides: Alabang Boys' AdventuresWhere stories live. Discover now