Best Man

142 5 1
                                    

Genre: Romance


Pag-ibig. Maraming bagay, dahilan at pangyayari ang pwedeng magtulad o magpaliwanag kung bakit nga ba ito nararamdaman ng tao. Pero para sa akin, wala. Dahil noong una kitang nakilala, walang siyensya, formula o kahit literatura ang siyang magpapaliwanag nang nararamdaman kong ito. Basta nangyari. Iyon ang alam ko. Basta na lamang nangyari.

Alam kong hindi ganoon kaganda ang ating pagtatagpo dahil ako lang naman ang lalaking nakabukol sa'yo noong nasa unang palapag ka ng Kenny's Building habang naglalakad papunta sa silid-aklatan. Ako itong sira-ulong nakikipag-agawan ng tumbler na basta na lamang kinuha ng aking kaibigan at hindi inaasahang nabitawan at nahulog mula sa ikatlong baitang na aking kinaroroonan pabagsak at papunta sa'yo. Umiyak ka pa noon dahil sa sakit at hiya. Wala akong nagawa kundi humingi ng tawad at pasensya. Ngunit hindi matutumbasan ng salita ang aking nagawa sa'yo. At hindi rin matutumbasan nang ilang paliwanag sa mga librong nababasa ko patungkol sa pag-ibig kung paano ako nahulog noong una kitang nasilayan.

Mapupugay ang iyong mga mata. Ang iyong buhok ay hindi ganoon kaayos ngunit umaayon naman sa'yong ganda. Nakakabighani ang iyong mga labing kapag gumuhit ng ngiti'y hindi alintana ang ganda. Ang iyong postura, lahat. Lahat ng bagay na nasayo'y para sa akin ay hindi makitaan ng kahit anong lait.

Ginawa ko lahat para mapalapit sa'yo. Ang lagi kong dahilan ay hindi sapat ang paghingi ko ng patawad sa kahihiyang sinapit mo. Simpleng mga bagay, simpleng mga kilos, at simpleng mga salita ang nagpabighani sa puso ko.

Gusto kitang ligawan. Gusto kitang mapasaakin. Ngunit hindi ko alam kung paano kaya humingi ako sa kaibigan kong si Henry ng tulong. Ang mga sulat na siyang sinusulat ko para sa'yo ay sa kaniya ko inaabot. Okay na rin iyon dahil magkaklase naman kayo. Okay na iyon dahil may tiwala rin naman ako. Okay na muna iyon dahil naghahanap pa ako ng tindahan ng lakas ng loob para ako ang siyang magbigay balang araw sa'yo ng mga sulat na iyon.

At dumating iyong panahong tinanong ako ni Henry, ang lalaking siyang nag-aabot sa'yo ng sulat ko. "Pre, liligawan mo pa ba iyang si Bianca? Puro ka kasi hatid sa akin, sige ka baka ako ang magustuhan niya."

"Pre, may tiwala naman ako sa'yo." Pagbibigay ko ng kasiguraduhan. Ngumiti siya sa akin habang kami ay naglalakad papauwi sa apartment na tinutuluyan namin.

"Pre, ligawan mo na kasi. Baka sa iba pa mapunta iyan." Muli niyang kumbinsi. Ako naman ay napaisip kung liligawan nga ba talaga kita. Kung kaya ko na. Kung gagawa na ba ako ng paraan para maging tayo at mamarkahan ang mundo mo ng pangalan ko.

Kaya hinintay kita isang araw na dumaan muli sa unang palapag ng Kenny's Building. Hinintay kita habang ako ay nasa ikatlong palapag. Sinadya ko iyon dahil noong dumaan ka na'y hinulog ko ang rosas na may nakasigbit na liham patungkol sa panliligaw ko.


Lahat ng taong naroon kinilig na parang nanonood ng isang pelikulang tinitiliian ng lahat. Ako, ako na yata ang pinakaswerteng lalaki noon dahil sinagot mo ang tanong ko na nasa liham.

Pwede bang manligaw?

"Oo," ang iyong ngiti ay ang pinakamatamis sa lahat. Ang iyong mga salita ang pinakasagrado sa lahat. Ikaw ang unang nagparamdam ng pagibig sa akin. Ikaw ang naging dahilan kung bakit kailangan kong magmahal, maghintay at umasa. Handa akong patunayan sa'yo na deserving akong tao para mahalin ka at para mahalin mo. Ako ang lalaking magpapatunay na totoo ang salitang forever.

"Bianca, matanong ko lang. Kelan ba?" Hindi man diresto pero nakuha mo ang tanong ko noon sa'yo. Kelan mo ba ako sasagutin, kelan ko ba makakamit ang titulo sa pagiging kasintahan mo? Kelan?

Ngumiti ka lamang noon. Ngiti lamang ang sagot mo sa ilang besis na tanong kong iyon.

Lumipas ang araw, natuyo ang ilog at nalanta ang mga dahon. Umulan, bumagyo at lumindol. Lumipas ang buwan, ilang araw na lamang ay magtatapos na tayo ng kolehiyo. Magtatapos na ang apat na taon nating paghihirap sa akademya. Lumipas ang taon, dekada, milenyo at hindi ko pa rin narinig muli ang salitang oo sa matatamis mong mga labi.

Gusto kitang tanungin. Gusto kong malaman ang sagot sa mga tanong ko. Kailangan ba talagang patagalin ang panliligaw upang malaman niyong para talaga kayo sa isa't isa? Kailangan ba talaga ng mahabang panahon para makilala niyo pa ang isa't isa upang maging kayo?

Hindi ko maintindihan. Hindi ko maisip.

Pero kahit ganoon naghihintay pa rin ako, umaasang maririnig ko ulit ang oo na iyon. Maghihintay pa rin ako kahit ang sakit sakit na. Kahit na alam ko sa sarili ung imposible na.

Maghihintay pa rin ba ako? Kahit na binabasa ko ngayon ang pangalan mo sa hawak-hawak kong imbistasyon?

Ako si John. Ang lalaking nahulog, nasaktan at umasa. Ang naging matalik na kaibigan at masugid na manliligaw mo. Ako si John kung saan ang pangalan ko'y nakasulat sa imbitasyon bilang isang best man sa kasal ng pinakamamahal kong babaeng si Bianca at ang pinakamatalik kong kaibigang si Henry.

The AuditionsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon