Ang Kwentista

155 8 0
                                    

Genre: Kwentong Pambata


Sa isang gilid ng Luzon ay may isang bayan na malapit sa dalampasigan ang nagngangalang Maligaya. Bagamat uso na ang tablet, phablet, android phones, smart phones, internet, ay hindi pa rin naabot ng ganitong modernisasyon ang bayan ng Maligaya. Masyadong mahirap marating ang bayan na ito. Kakailanganin pang lakarin ang dalawang bundok sa loob ng tatlong araw at dalawang gabi bago makalabas. Wala ring malapit na daungan ng bangka at aabutin pa ng limang araw at apat na gabi sa laot bago makarating sa susunod na isla.

Tahimik lamang ang bayan ng Maligaya. Ang pangunahing hanap-buhay ng mga tao ay pangingisda at pangangaso sa kakahuyan. At dahil nga malayo sila sa kabihasnan ay umiikot lamang sa mismong bayan ang kanilang mga paninda at pera. Halos hindi na nga uso ang pera sa kanila. Mas nananaig pa rin sa bayan na ito ang palitan.

Bagamat kulang sa halos lahat ng aspeto magmula sa edukasyon, pangkalusugan hanggang pangkabuhayan ang bayan ng Maligaya ay masaya ang mga taong nakatira rito.

Masaya sila sa tuwing may bagong kasal at silang sa bayan nila. Masaya sila kapag mabait ang dagat at binibigyan sila ng maraming isda. Masaya silang binibiyayaan sila ng lupa ng mga malulusog na pananim.

At ang pangunahing naging libangan ng mga tao rito ay ang pagpapasa ng kwento ng mga nakakatanda sa mga bata. Walang pormal na edukasyon sa bayang ito. Hindi rin sila sigurado kung ang mga nalalaman nila ay ganoon din sa mga nalalaman ng mga tao sa labas. Wala ni isa sa kanila ang nakakatanda kung gaano na ba sila katanda. Walang nakakaalam kung tama ba ang pagsulat nila sa mga letra o kung paano ba ito basahin. Walang orasan na magsasabi ng tamang oras. Tanging ang basehan lamang nila ay ang liwanag ng araw at bituin. Ang kayang basahin ay ang ekspresyon na pinapakita ng mga mata nila at sinasabi ng mga galaw nila.

Sa tabi ng dalampasigan ay may isang lumang kubo kung saan nakatira ang sinasabing pinakamatanda sa bayan-si Ta Usten. Sa bahay ni Ta Usten madalas magtungo ang mga bata tuwing katirikan ng araw. Doon ay nakikinig sila ng mga kwentong nagmula pa sa ninuno nila. Mga kwento ng pagsasama ng mga tao sa bayan. Kung paano nila nalampasan ang isang mapanirang bagyo, tagtuyot o sakit na halos pumatay sa lahat. Saan nakuha ni Arimo ang pilat sa mukha n'ya. Anong ginawa ni Breso nang mabutas ang bangka n'ya sa gitna ng laot. Paanong nagkatuluyan ang mga magulang ni Samin.

Araw-araw ganoon ang kaganapan sa bahay ni Ta Usten. Araw-araw laging nakikinig ang mga bata sa mga kwento nitong paulit-ulit. Sa mga kwentong hindi nila sigurado kung totoo ba o habi lang.

Sa gitna ng mga batang masayang nakikinig kay Ta Usten ay ang tanging batang walang bahid ng pagkamangha, pagkatuwa o pagkatakot ang ekspresyon. Ang tanging nakikita lamang sa mukha nito ay pagtataka. Pagtataka dahil hindi n'ya maintindihan ang lahat.

Paano nga naman maiintindihan ng batang si Kamir ang kwento kung pinanganak itong bingi? Isang kapansanan na kahit kailanman ay hindi malalaman at maiintindihan ng mga taga Maligaya. Hindi nila maintindihan kung bakit hindi lumilingon si Kamir kapag tinatawag 'to. Kung bakit hindi ito nagsasalita na bunga lamang ng pagiging bingi ng bata.

Bakit ba kapag binubuka ni Kamir ang bibig n'ya ay walang lumalabas na boses?

Ang akala nila ay nanunudyo lamang ang bata. Na gusto lamang nitong maging kakaiba kaya ganoon ang ginagawa nito. Gumagawa ito ng isa pang kwentong ililipat sa bagong henerasyon kung saan ito ang bida. Si Kamir na walang boses.

Mas marami pang haka-haka ang mga tao sa kalagayan ni Kamir. Naroong isinumpa ng dagat ang ama ni Kamir na si Krusan dahil sa matagalan nitong pangingisda sa dagat. O ang ina nitong si Gahel dahil may mga halaman itong kinuha sa gubat na hindi dapat. Naroong kinuha daw ng gubat ang boses ni Kamir bilang kabayaran sa pag-alis ni Dolugon sa bayan ng Maligya. Kung anong kinalaman ni Kamir kay Dolugon, tanging gubat lamang ang nakakaalam.

The AuditionsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon