Love Race

109 6 0
                                    

Genre: Romance


Kung sana kinuha mo ang kamay ko noong kusa ko pa itong inaabot sayo.

Kung sana hinayaan mo akong ibigay ang mga bagay na hindi nila naibigay sayo.

Kung sana nakita mo na ako bago pa ako maglaho sa paningin mo.

Kung sana lumapit ka sa akin bago pa ako tuluyang lumayo sayo.

At kung sana minahal mo ako noong ikaw pa ang mahal ko, sana wala tayo sa sitwasyong ito.

Hindi ako mabilis mainip, mabagal ka lang talagang magmahal.

Dumaan siya sa harapan ko. Nahuli ko siyang nakatingin sa magkadaop na kamay namin ng boyfriend ko. Nginitian niya ako ngunit mababakas ang lungkot sa mga mata niya. Hindi ko napigilang mapaisip. Kasalanan ko ba kung bakit ganito ang kinahinatnan naming dalawa? Mali bang isinalba ko ang sarili ko mula sa pagkalunod sa sakit at kabiguan? Ilang buwan na ang nakalipas ngunit sariwa pa rin sa akin ang mga pangyayari sa nakaraan.

Nakilala ko si Gilbert nang minsa'y nakita ko siyang inaakyat ang bakod ng bahay namin. Nagtamo siya ng isang malaking pasa sa mukha nang suntukin ko siya sa pag-aakalang isa siyang magnanakaw. Hayon pala'y nakatakas ang alaga niyang tuta at pumasok sa loob ng bakuran namin kaya't nais niya lang sana itong kunin. Hindi man naging maganda ang aming unang pagtatagpo ay naging magkaibigan kami.

Lumipas ang mga araw at nakilala ko nang lubos si Gilbert. Magkalapit lamang ang aming bahay at nalaman ko ring pareho kami ng pinapasukang University. Mabait siya, matalino, malambing, masayahin at hindi maipagkakailang guwapo. Naging malapit kami sa isa't isa. Isang mabuting kaibigan ang natagpuan ko sa kanya.

Minsan, habang naglalakad ako sa corridor ay nakita ko siyang may kausap na babae sa isang tagong lugar. Tila seryoso ang kanilang pinag-uusapan. Nakita ko ang mapait na ekspresyon sa kanyang mukha. Napapitlag ako nang makitang maglalakad na siya papalayo sa babae at papalapit naman sa kinatatayuan ko. Mababanaag sa kanyang maamong mukha ang sakit at galit. Sa gulat ko at takot na baka isipin niyang pinanood ko sila ay napatakbo ako sa isang silid-aralan malapit sa kinalalagyan ko. Tuluyan na siyang naglakad paalis at sinundan ko na lamang siya ng tingin habang napapaisip kung anong meron sa kanila nung babaeng kausap niya kanina.

Ilang araw na ang lumipas simula sa pangyayaring nasaksihan ko ngunit hindi ko pang muli nakikita si Gilbert. Sinusubukan ko siyang tawagan ngunit laging nakapatay ang kanyang cellphone. Hindi ko maiwasang makaramdam ng pag-aalala. Hanggang isang hapon ay nakita ko siyang nakaupo sa silong ng isang puno malapit sa kanilang bahay. Nilapitan ko siya at binati ngunit hindi niya ako pinansin. Pakiramdam ko ay napahiya ko sa ginawa niya ngunit bakas sa mukha niya na may pinagdadaanan siya kaya naman umupo ako sa tabi niya. Alam kong kailangan niya ng karamay sa panahong ito kaya pinili kong manatili upang samahan siya kaysa ang isipin na napahiya ako sa ginawa niya.

"Nandito lang ako, makikinig ako" Bahagya ko siyang hinawakan sa balikat at tinapik ito. Hindi siya umimik ngunit nakita ko ang lungkot sa mga mata niya. Hindi ako sanay na ganito siya. Namimiss ko yung Gilbert na masayahin at madaldal. Ilang minuto ng katahimikan ang naghari bago siya nagsalita.

"Do you believe that history might repeat itself?" Nakatingin lang siya sa kawalan habang itinatanong ito sa akin. Pwede nga bang maulit ang mga nangyari sa nakaraan? Hindi ako nakasagot kaya nagpatuloy siya sa pagsasalita.

"Ako, naniniwala ako. Nakakainis lang dahil ako ang pinaglalaruan ng pesteng history na 'yan. Kailangan bang paulit ulit akong saktan? Kailangan bang paulit ulit akong paglaruan, gamitin at gaguhin sa pare-parehong paraan?!" Ramdam ko ang galit sa tinig niya. Nakita ko ring ikinuyom niya ang kanyang mga kamao. Wala akong ibang nagawa kun'di ang hawakan siya nang marahan sa kamay.

The AuditionsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon