Buhay ng Patay

819 18 5
                                    

Genre: Dark Romance


Tatlong salita. Sampung mga letra. Munting mga kataga. Babago sa aking persona.

"Saan ka na naman pupunta?" Angil ko kay Franco, ang aking nobyo. Halos wala siyang kapaguran sa kanyang gawi na pang-iiwan. Oo, binibigyan niya ako ng oras. Oras kung kailan iniisip ko kung mahal niya ba talaga ako. Pilit man niyang paniwalain ako sa mga salita niya ngunit ang katawan ko ay tila kontra sa kanya.

Tumingin lamang siya sa akin. Iiling-iling na ngumisi at iniwan na naman ako na nakahiga sa puting kama. Iniwan na naman niya ako sa apat na sulok ng kwartong tinatanglawan ng puting liwanag. Mag-isa na naman ako.

Sa totoo lang, mukhang pati ang puso ko ay naghihinala na sa kanya. Mukhang may nagbago kay Franco. Siya ba talaga o ako ang nagbago?

Hay, ang gulo ng buhay. Kung anuman ang ini-ingat ingatan mo, mukhang iyon din ang mawawala sa'yo. Umupo ako sa puting kama. Tumingin sa aking kanan kung nasaan ang bintana ng kwartong ito. Ako'y napatingin sa paligid.

Asul na kalangitan na parang malinis na karagatan. Puting kaulapan na tila kasinglambot ng bulak at simputi ng niyebe. Kulay berdeng mga dahon ng mga puno. Ang ganda talaga ng kapaligiran.

Nabaling ang aking atensyon sa isang dapo. Isang munting dapo sa puno na may nag-iisa na lamang na dahon. Unti-unti itong namamatay. Pansin ko ang hangin sa labas. Gayunpaman, hindi ito nahihiwalay sa dapo.

Buti pa ang dahon ng dapo, kayang kumapit ng mahigpit. Ako kaya?

Tama! Kailangan kong gumawa ng hakbang upang bumalik ang init sa aming mala-yelong relasyon.

Agad akong tumayo mula sa puting kama upang sundan si Franco. Pagbukas ng pinto, nakita ko siyang nakatalikod at may kinakausap sa cellphone.

"Oo, pupunta na ako." Malinaw na dinig ko at matapos niyon ay dali-dali niyang tinungo ang parking lot. Sumunod ako.

Sumakay kami sa kotse niya. Tahimik lamang siyang nagmamaneho. Tutok na tutok ang kanyang mga mata sa daan. Teka, parang alam ko kung saan ito ah. Hindi! Hindi maaari! Sana ay mali ang mga naiisip ko.

Dumiretso kami sa parking lot ng isang condominium. Agad kaming umalis sa kotse at lumulan sa elevator.

"Franco, saan ka na pupunta? Anong meron dito?" Pagtatanong ko habang inaayos niya ang bumbon ng mga bulaklak. Mahilig siyang magtengang-kawali.

Nanahimik na lang din ako at hinihintay kung kailan kami aalis sa elevator. Mga ilang minuto pa ay bumukas ang pinto ng elevator at lumabas kami.

Nag-door bell siya sa isang silid at masayang naghihintay para iyon ay bumukas. Franco, ano bang nangyayari sa'yo? Bumukas iyon at gumuho ang mundo ko.

"Elixia." Bati ni Franco sa matalik kong kaibigan habang iniaabot ang mga bulaklak. Mabilis namang binigyan ni Elixia si Franco ng halik sa labi. Tumugon ang aking nobyo. Ngunit biglang pinutol ni Elixia ang sensasyong nadarama ng kanilang nag-iinit na katawan.

"Paano si Amalthea?" Pakunwaring may awa niyang tanong.

"Hayaan mo siya. Patay na 'yun." Malamig na saad ni Franco at sinakop na naman nito ang labi ni Elixia.

Pumasok silang dalawa sa kwarto at doo'y narinig ko mula sa labas ang impit na ungol nilang dalawa. Tanda na pareho nilang tinatahak ang ika-pitong glorya. Nang marinig ko ang mga iyon, tila ay bumalik ako sa huwisyo at tuluyang naintindihan ang mga takbo ng pangyayari.

"Mga hayop kayo! Walang mga hiya! Ang kakapal ng mga mukha ninyo!" Pagwawala ko rito sa labas. Nag-uunahang kumawala sa aking mga mata ang mga luha. Luha ng taong nasasaktan. Patuloy kong kinakalampag ang pinto ngunit parang wala silang naririnig.

Biglang sumakit ang aking ulo at ako'y nahihilo. Napa-upo ako sa sahig katapat ng pinto ng kwarto ni Elixia. Mabilis pa sa takbo ng kidlat ang gunamgunam na pumasok sa utak ko.

Naaksidente ako. Isinugod sa ospital. At ngayon'y nag-aagaw buhay.

Tatlong salita. Sampung mga letra. Munting mga kataga. Bumago sa aking persona.

"Patay na ako?"

-WAKAS-

The AuditionsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon