De 'Ja Vu

484 9 5
                                    

Genre: Horror


"'Waaaaaaaaaag!" sigaw ko saka ako napabangon. Pawis na pawis ako habang pilit kong hinahabol ang napakabilis kong paghinga. Ipinikit ko ang aking mga mata habang hinihilamos ang kamay ko sa aking mukha. Nang maalala ko ang aking panaginip, dali-dali kong hinawakan ang kaliwang dibdib ko kung saan niya ibinaon ang kanyang mga kuko. Nakahinga naman ako nang maluwag nang mabatid kong walang akong ni anumang galos na natamo.

Matagal-tagal na rin simula no'ng mapanaginipan ko iyon at ngayon, mukhang bumabalik na naman. 'Yong babaeng 'yon, siya rin 'yong babaeng nakita ko sa panaginip ko dati. Hindi ko matandaan kung saan ko siya nakita pero tila pamilyar ang kanyang mukha. May mahaba at itim itong buhok at nanlilisik na pulang mga mata. Biyak ang kalahati ng kanyang ulo at luwa ang kaliwang mata nito. May mga matutulis rin itong kuko na siyang sumaksak sa aking dibdib sa aking panaginip.

Hindi ko mawari kung bakit nagpaparamdam sa akin ang babaeng iyon gayong hindi ko naman siya kilala, hindi rin naman ako palanood ng mga nakakatakot na palabas. Kung ikukumpara sa dati kong panaginip, mas nakakapanindig-balahibo itong ngayon. Dati kasi hindi naman siya lumalapit, nakatingin lang siya sa akin mula sa distansyang sapat lang para makita ko ang kanyang mukha. Ngunit ngayon, naramdaman ko ang sakit nang ibaon niya ang kanyang mga kuko.

Hanggang sa mag-umaga, hindi na ako muling nakatulog pa. Natatakot ako na baka kapag natulog ulit ako, dalawin na naman ako ng babaeng iyon. Pumasok ako sa trabaho pero tila may kakaiba akong naramdaman. Animo'y may nakatingin sa akin ngunit kapag ako'y lilingon, tanging anino ko lang ang aking makikita.

Mga bandang alas diyes ng gabi na ako nakauwi dahil ang dami ko pang tinapos na trabaho. Pasahan na kasi ng mga papeles sa lunes kaya minabuti ko ng tapusin ang lahat ng iyon.

Huling kanto na ito mula sa aming bahay nang mapatigil ako sa aking kinatatayuan. Ganito rin kasi 'yong nangyari sa panaginip ko noong nakaraan na gabi.

May naaninag akong isang matandang babae na nakatayo sa may tapat ng poste malapit sa bahay at tila may hinihintay. Nakaramdam ako ng kaba dahil wala namang tao ang maghihitay nang ganoong oras sa labas ng bahay. Ako lang kasi ang nakatira doon at wala akong pinapapuntang bisita.

Habang ako'y papalapit nang papalapit, unti-unting nanlulumo ang aking mga paa. Ang imahe ng babaeng iyon ay unti-unting lumilinaw ngunit hindi ko maaninag ang kanyang mukha dahil ito'y nakatalikod at nakaharap sa kung saan.

Limang hakbang na lang ang layo ko mula sa kanya nang magsimula itong humarap. Biyak ang kalahati ng kanyang ulo at luwa ang kaliwang mata nito. May mata itong kulay pula at tila nanlilisik sa galit. Hindi ako nagkakamali, ito nga ang babae sa panaginip ko!

Dali-dali akong tumakbo papasok sa gate saka ito ikinandado. Mabilis niya itong nasira sa hindi ko malamang kadahilanan kaya agad akong pumasok sa aming bahay saka isinara ang pintuan. Kinabog niya nang kinabog ang aming pintuan ngunit makaraan ang ilang sandali, nawala ang malakas na mga kalabog.

Mabilis akong tumakbo papunta sa aking kuwarto na nasa may pangalawang palapag ng bahay. Nagkulong ako saka nagtalukbong sa kumot. Hindi ko mawari kung bakit nagpapakita ang babaeng iyon sa akin. Hanggang sa hindi ko namalayan na ako'y nakatulog na pala.

Pasado alas tres ng madaling araw nang may kung anong ingay ang nagpabangon sa akin. Mula ito sa kusina na nasa ibaba ng bahay. Animo'y mga kubyertos na nagsisikalampagan na parang may kumakain. Kinuha ko agad ang kahoy na nasa ilalim ng aking kama saka unti-unting lumakad papunta sa may pintuan. Hahawakan ko na sana ang pihitan ng pinto nang biglang may kumalabog sa pinto kaya napaatras ako nang bahagya. Palakas nang palakas ang katok nito na parang gustong wasakin ang pintuan. Tinakpan ko ang magkabilang tainga ko para maibsan ang aking takot saka ako sumigaw.

"Tama na! Tama na! Tigilan mo na ako!" Ngunit hindi ito natinag at mas lalo pang lumakas ang pagkatok nito.

"Dapat kang magbayad sa iyong kasalanan!" sigaw nang isang babae mula sa kung saan at humalakhak ito na animo'y isang demonyo.

"Wala kang puso! Pinatay mo ako! Sinagasaan mo ako na parang isang hayop." Mula sa mga salitang iyon, naalala ko ang aksidenteng kinasangkutan ko limang taon na ang nakakaraan.

Nakasagasa ako ng isang matandang babae dahil sa aking kalasingan. Hindi ko na ito binalikan pa dahil sa takot ko na ako'y makulong. Nagpakalayo-layo ako at pilit na kinalimutan ang lahat. Ngunit nang ako'y magbalik rito, nagsimula na itong magparamdam sa aking panaginip.

"H-hindi ko 'yon sinasadya! Lasing ako no'ng mga oras na 'yon!" sagot ko naman habang hinahanap sa paligid ang nagsalitang iyon.

Muli namang bumalik ang pagkalampag ng pintuan at sumabay pa ang pagbukas-sara ng mga bintana. Pilit kong tinakpan ang aking tainga at umiling-iling sa pag-aakalang panaginip lamang ang lahat ng ito. Ipinikit ko ang aking mga mata habang patuloy sa pag-agos ang aking mga luha.

"Magbabayad ka!" sigaw muli ng matandang babae saka tumambad sa aking harapan ang imahe nito. Pinilit kong makawala mula rito ngunit bago pa man ako makaalis, pinagsasaksak niya na ako gamit ang matutulis nitong mga kuko. Naramdaman ko ang pag-agos ng aking dugo at bago ako tuluyang mawalan ng malay, nakita ko ang mukha nito na nakangisi.

-

The AuditionsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon